Saturday, April 17, 2010

Picked-up lines

Before we start work, direk Marilou, my sensei, brings me to her resort in Anilao, Batangas so i can let the sea-breeze write for me.

So i look back, at some stolen, written, dreamt, and picked up lines from my old blogs, in an attempt to jumpstart my brain to write my new works.

This is just a reblog. But enjoy nonetheless!


THE UNSAID.

Eto ung mga unsaid na sana nasabi ko. So sabi nga sa rules, di ko sasabihin kung para kanino. Iba rito nasulat ko na sa play kasi nga di ko masabi nang harapan. May isang nasabi ko rin, di ako nakatiis. Pakshet ang emo neto at di ko to usually gagawin pero sobrang bored na talaga ako ngayon sa trabaho...pampaluwag lang ng utak. Heto sila.

1. I just realized that you will forever be the muse that I can never have.

2. You make me want to stop writing and start living my plays.

3. Di pa ko ready. (parang napanood ko ito sa isang starcinema film...)

4. Di ka worth it. Sinayang mo dalawang taon ng buhay ko.

5. Salamat sa lahat pero I need to grow on my own. I have to go.

6. May nakabara ba sa puwet mo?

7. Sorry di ko sinasadya, hindi pa ako buo noon e.

8. Dito lang ako. Hintayin kita. Wag lang akong maubusan ng gasolina.

9. So, wala lang 'yon?

10. Alam mo, mukha kang tanga, tayo na lang kasi.


THE SAID

Para naman may originality. Hehe. Kung meron kayong listahan ng mga unsaid, ako merong listahan ng mga said. Mga said na pedeng pang-play, pang-telenovela, pampelikula. In short. Mga panalong hirit. May ilang sana hindi ko na lang hinirit. May ibang di ako makapaniwalang hinirit ko (what the hell was I thinking). Higit sa lahat, marami-raming hirit dito ang trip lang.

Pag umabot ito ng singkwenta, ilalagay ko to lahat sa isang movie script tapos ibebenta ko sa star cinema. tiyak block buster hit eto.

Alam mo na kung sa'yo ko 'to hinirit (lahat?) Hehe.

1. Ang mahal naman ng ngiti mo.

2. Hindi tayo tao, hindi tayo hayop, at di rin tayo halaman. Bagay tayo! Bagay!

3. Pag nag-emo ka ulit, hahalikan na kita.

4. Sabi ko nga sa'yo adik nako sa'yo e.

5. Gusto mo yata pahalik kaya ka nagpapaka-emo jan e.

6. Ano ba'ng pinakain mo sake'n? Nilagyan mo ng gayuma yun noh?

7. Hindi ako aalis hanggat wala akong kiss.

8. Well kung ako mapapangasawa mo, magiging masiyahin ang mga anak natin.

9. Halika, hahalikan kita para di ka na ma-confuse.

10. Ako: Tulungan mo naman akong magsulat o.
Siya: Paano?
Ako: Iinspire mo ko.


THE SAID (Dialogue Version)

Mas interesting talaga ang totoong buhay kaya doon ako nagnanakaw ng dialogue para sa mga play ko. Sabi nga nila: good artists copy, the great ones steal!

konti lang to. pag naalala ko ung iba, idadagdag ko na lang

1. A: Matalik ba tayong magkaibigan no'n?
B: Oo.
A: Hindi ah! Matalik lang!

2. A: Ang sarap mo kasing kumain at ang sarap mo ring magkwento
B: Thanks. Nakikinig ka ba naman pag nagkukwento ako
A: Oo naman. Pero iniisip ko rin: "Ano bang nakita ko sa babaeng ito eh ang lakas lakas niyang kumaen??!!"

3. B: Hindi ba kita naiistorbo?
A: Tapos na 'ko. Nilalandi na lang kita.

4. B: Virgin ka pa ba?
A: Ikaw?
B: Nauna akong magtanong.
A: Only one way to find out, di ba?
B: Hindi naman malalaman sa lalaki eh.
A: Akala mo lang yun.

Tuesday, March 23, 2010

My 30 List

I'm turning thirty in a few days. So I came up with a list, some kind of bucket list. 30 things to do on my thirtieth year on this planet. (In no particular order)

1. Shoot my own film
2. Win another Palanca
3. Direct a Kultura play
4. Finish a full length play
5. Finish a new musicale (Luna, prinsesa ng buwan)
6. Apply for any foreign grant to study abroad
7. Leave the country for a while
8. Fill up my sketch pad with drawings
9. Camp on a mountain
10. Kiss someone I just met
11. Kiss an old romantic flame
12. Train in a martial art
13. Work out / play basketball again
14. Write poetry again
15. Go hitchhiking / backpacking
16. Raise ACASIA's first Million.
17. Go on a vacation with my family
18. Learn to paint
19. Relearn the violin
20. Learn a foreign language
21. Apply for my PhD
22. Stage a new original that I wrote
23. Say "I love you" to people I couldn't say it to
24. Publish a book (of plays?)
25. Finish my thesis
26. Finish a full-length screenplay
27. Write a graphic novel
28. Write a new song
29. Enter cinemalaya
30. Fall in love

wanna help me accomplish any of these?

Monday, February 15, 2010

Virtual

Dialing…

Connected…

Verifying username and password…

Logging on to network…

***Connecting to amsterdam.nl.eu.undernet.org (6669)

-

local host: anakin (127.0.0.1)

-

PING? PONG!

/j #teenchat…

[celine] hay naku na conscious me tuloy nakasando me ksi eh rt now

[anakin] hahahahahah

[celine] n shiorts=)

[anakin] parang nakikita kita diyan...nakupo naiinitan na ko

[anakin] ano ginagawa mo?

[celine] nakaupo

[celine] chatting

[celine] nakacrosslegs....hihihi y ba??

[anakin] i can imagine...

[celine] really???then??

[celine] wat u feel abt it?

[anakin] hot...

[anakin] it's hot here u know...

[celine] y???

[anakin] because i'm chatting with a hot babe...?

[celine] so im a hot babe for u ganun?

[celine] wat made me "hot" naman?

[celine] yung totoo

[anakin] fishing ka naman e

[celine] totoo ah

[anakin] fishing ka naman e

[celine] b specific a

[celine] cge na noh

[anakin] cno pa kachat mo ngayon?

[celine] kaw na lng e

[anakin] everything...the way you chat

[celine] y ???

[anakin] well it makes me feel comfortable...para bang okay lang magsalita ng kung anu-ano

[celine] sus, ayaw mong aminin na u saw me na sa skul e.

[anakin] really?

[celine] yeah, my friends told me you used to stare at my

[anakin] what?

[celine] 34 is not big

[anakin] ??? pinagpapawisan na ako rito

[celine] ok ok

[celine] wat u want me to do ba rt now ha?????

[anakin] ikaw?

[celine] as in kahit ano

[celine] oo......

[anakin] ano?

[anakin] ano ba gusto mong hilingin ko?

[anakin] ano ba gusto mong hilingin ko?

[celine] what do you want me to do ever since the first time u saw me ba?

[anakin] a lot of things

[celine] like what?

[celine] wag ka nang mahiya…anything

[anakin] naughty e…

[celine] kaw ha…hihihihi…c'mon tell me

[celine] what do you want me to do ever since the first time u saw me ba?

[anakin] whew! pucha!

*celine crosses her legs, hihihihi

[celine] ano ba tagal mong sumagot…what do you want ba?

[anakin] ang init dito ah

[celine] oo nga eh hihihi…nakasando na nga lang me eh and shorts…hot hot hot

[celine] m sweating hard

[anakin] lalo na ko

[celine] tagal mo namang magreply

[celine] tagal mo namang magreply

*celine takes off her sando…its so hot in here!

Alas tres na ng madaling-araw. Patay ang ilaw sa kuwarto ni Michael at tulog na ang bawat sulok ng bahay nila. Tanging ilaw ng monitor niya ang nagbibigay liwanag sa kanyang kuwarto. Wala kang maririnig na ingay kundi ang musika ng lumubog-umahon na mga tiklado ng keyboard ng kanyang computer. Para silang may binubuong padron. Parang may sistema. Parang may siklo o kung anumang kumbinasyong nabubuo na kung mga tiklado lamang ng piyano ang tinitipa ni Michael ay isang Bach siguro ang maririnig. Hindi, mabilis pa kay Bach. Mozart siguro. Hindi. Mabilis pa--Czerny. Parang nag-uunahan ang mga nota (kung nota man) sa paglubog at muling pag-angat sa tikladong iisa ang tunog. Para silang may hinahabol.

Hindi mapakali si Michael. Kanina pa siyang alas tres ng hapon on-line at hindi pa niya inaabutan si Celine. Limang araw na niyang inaabangan si Celine sa undernet. Hindi pa ito nagpapakita sa kanya.

Hindi naman siya adik sa chat. Para nga sa kanya, isa itong walang kawawaang bagay. Bakit pa mag-uusap sa internet e pwede naman sa telepono? Mas maganda pa nga sa telepono dahil may maririnig kang boses. Sabi naman ng kaibigan niyang si Lloyd, mas okey na rin sa internet dahil hindi mo na kailangang magbayad ng long distance kung taga-America ang ka-chat mo. Ang sabi naman ni Michael, bakit ka makikipag-chat sa taga Amerika kung di ka naman makikipag-eyeball? Mabuti nang taga-pinas, posible pa kayong magka-eyebolan. Kung suswertehin ka pa at maganda, e di makakakana ka pa.

Sinubukan lang naman niya. One shot deal lang. Wala namang mawawala. Wala ngang nawala--limang araw lang naman siyang nagpupuyat at nag-aabang:

/whois celine

-there's no such nick

Hinalughog na niya ang lahat ng posibleng chatrooms sa undernet. Wala siyang makita. Baka nagpalit ng nick(name)? Baka iniiwasan siya? Baka tinataguan siya? Sa ibang server kaya? Sa Dalnet? Sa Chatpinoy? Ilang libo ba ang server sa mundo? Hindi pa naging adik nang ganito sa computer si Michael. At ngayon, mabaliw-baliw na siya sa pagtugtog ng musika ni Czerny sa kanyang tikladong iisa lang naman ang notang tinutugtog.

Kalokohan lang ang pakikipagchat sa internet. Ito ang dati niyang paniniwala. Pag-uubos lang ng oras. Pwede mo namang kausapin ang tao nang harapan. Pwede namang sa telepono. Para kay Michael, ang internet ay para sa mga torpe, at insecure. Para ito sa mga walang tiwala sa sarili: sa mga takot magpakita ng tunay nilang anyo dahil baka hindi magustuhan ng kausap. Para ito sa mga takot magparinig ng boses dahil baka magtunog malandi, o magaralgal o hindi kakau-kausap. Para ito sa mga walang tiwala sa sarili kaya lumilikha sila ng mga virtual nilang kaakuhan. Lumilikha sila ng mga virtual na hitsura, virtual na anyo gamit ang mga salita--gamit ang kapangyarihan ng malayang diwa at ang kapangyarihan ng makabagong daigdig na nabubuhay sa makabagong teknolohiya.

Ang argumento naman ni Lloyd, high-tech na raw ngayon. Maaari kang magpadala ng litrato mo sa net. Pwede nga kayong mag-usap na may boses kung high-tech ang modem mo. Pwede ring kayong magkakitaan kung may kamera ang computer mo. Maraming pwedeng gawin. Makapangyarihan ang computer.

Ngunit para kay Michael, panlilinlang ang lahat ng iyan. Dahil ang computer ay likha lang ng tao, kaya niya itong manipulahin. Kaya niya itong paglaruan. Kaya niya itong dayain. Kaya nitong dayain ang itsura mo sa litrato o sa video. Kaya nitong palitan ang boses mo. Pwede mong ngang palitan ang lugar na pinagmumulan mo para hindi ka ma-trace. Pwede mong palitan ang pangalan mo, ang lahat ng impormasyon tungkol sa'yo. Dahil sa makabagong teknolohiya, maaari kang lumikha ng virtual na ikaw. Mas perpektong ikaw: mas matikas, mas maputi, mas may hitsura, mas kaakit-akit sa maraming tao. Kaya mong likhaing muli ang iyong sarili sa pamamagitan ng computer.

Pero susubukan lang naman niya. One shot deal lang. Wala namang mawawala.

Please wait while your computer shuts down…

It is now safe to turn off your computer.

Si Lloyd ang may pakana ng lahat ng ito.

Hacker si Lloyd. Papalit-palit ng account. Paiba-iba ng nick names para di makilala at di matuklasan. Araw-araw, laman si Lloyd ng internet. Gabi-gabi ay nakatambay siya sa lahat ng chatrooms ng undernet. Sikat na si Lloyd sa undernet bilang si Agimat--ang pinakamatinik na hacker sa undernet. Wag kang magkakamaling makipag-away sa kanya kung ayaw mong mabura ang laman ng computer mo. Wag kang magkakamaling pagtripan siya kung ayaw mong lamunin ng virus ang sistema mo.

Pero kapag babae ang kausap ni Lloyd, agad siyang nagpapalit ng pangalan para di makilala. Naging siya na si machismo, si adonis88, si razor ramo, si hunk69, si bret hart, si brad pitt, si alicia silverstone, oo alicia. Gumamit na rin siya ng sangmilyong pangalan ng babae kapag trip niyang manggago ng mga lalaking chatters.

“Pare minsan may naka-chat akong Australian. Tol, nagpadala sa akin ng picture. Pre ang ganda. Tamang-tama, pupunta siya dito sa Pinas sa isang buwan dahil may pinsan daw siya dito. Nagyayang mag-eyebolan kami.”

“Talaga?”

“Oo tol. Sige, magpaka-skeptic ka diyan. Tingnan mo ako, makakadale pa ng Australian. Wala namang mawawala sa 'yo e. Subukan mo lang. Kung di mo magustuhan e di tigilan mo. Pero sinasabi ko sa'yo pag nasimulan mo na…di ka na titigil.”

Pinahiram siya ni Lloyd ng ghost account para makakunekta sa mIRC. Pinagamit din siya ng jammer para huwag mahuli kung saan siya nanggagaling. “Subukan mo lang 'tol,” sabi ni Lloyd. “Walang mawawala.”

Ganito siguro ang maadik sa droga: isang subok lang. One shot deal. Tapos, tapos na. Hindi na uulit. Pero pag nagustuhan mo…hindi mo na tatantanan. Wala namang mawawala.
Limang araw na ang nakakaraan nang unang makatagpo ni Michael si Celine. Anakin ang nickname na ginamit niya. Nagsimula silang mag-usap tungkol sa Star wars. Nalibang siya. Napasarap ang usapan nila. Mas madali ka palang nakapaglalabas ng mga gusto mong sabihin kapag lumalabas ka sa sarili mo at inihaharap mo sa ibang tao ang virtual na ikaw. Wala kang pakialam kung ano ang masabi mo. Wala kang pakialam kung korni o boring o bastos na ang mga pinagsasabi mo sa kausap mo. Wala naman kasing tono ang tinig mo…walang maling tinig at himig. Walang tonong nag-iimpose, o nagagalit, o nagdidikta, o mahiyain, o torpe, o kung ano pa. Basta usap lang nang usap. Hindi naman niya makikilala ang tunay na ikaw. Sapat nang magkakilanlan ang mga virtual na sila sa virtual na daigdig.

Lumalim lalo ang pag-uusap nila. Napunta sa ibang mga pelikula. Napunta sa mga tagalog na ST films. Mahilig raw si Celine na manood ng gano'n. Saan ka makakakita ng babaeng mahilig manood ng gano'n? Walang babaeng nasa matinong isip niya ang garapalang magsasabi ng gano'n sa harap ng lalaki. Ngunit may kaharap nga ba talaga siyang totoong lalaki? O totoong tao? Mula doon, lumalim na nang lumalim ang usapan nila…palalim na nang palalim…malalim na malalim…

Nagsisimula nang maintindihan ni Michael ang ibig sabihin ni Lloyd. Nagsisimula na siyang mag-enjoy sa matalik na pag-uusap nila ni Celine. Nagsisimula na niyang marinig ang matulin at kaaya-ayang concerto ni Czerny. Hindi lang pala pag-uusap ang magagawa mo sa IRC. Pwede ring kumilos. Pwedeng gumalaw. Lalong luminaw kay Michael ang kaakuhan ng virtual na siya. At gamit ang virtual na siya, unti-unti na niyang nakikita ang virtual na si Celine. Naging mas matalik ang kanilang pagkikita. Lalong nadama ni Michael ang katotohanan ng pag-uusap nilang iyon. Lalong lumilinaw sa kanyang totoo niyang katabi si Celine. Sinimulan niyang hawakan ang kamay nito. Unti-unti silang nagkalapit sa isa't-isa. Mas malapit…malapit na malapit hanggang sa maamoy ni Michael ang hininga ni Celine na amoy anghel…Ano yon, Victoria's Secret Garden? Angel's Breath? Hindi…mas mabango pa.

Ngunit may naaamoy nga ba siyang talaga?

Nilalamon ng liwanag ng mata ni Celine ang paningin ni Michael. Dahan-dahang naglalapat ang kanilang mga labi hanggang sa magkapalitan na sila ng matatamis nilang laway at hiningang umuusok sa lamig. Nararamdaman ni Michael ang katawan ni Celine na nakayakap sa kanya, hinuhubad ang suot niyang malamig na hanging ihip ng kanyang aircon.

Ngunit may nakikita nga ba siya? May nararamdaman nga ba? May nalalasahan? Nag-aapoy ang lahat ng kanyang mga pandama kahit alam niyang hindi niya ginagamit ang lahat ng ito. Nasa mundo siya ngayon kung saan maaaring magpakasenswal samantalang hindi naman nakikipagtalik sa daigdig ang kanyang mga pandama.

Ngunit sa gitna ng pag-aapoy ng sariling lunggati ni Michael, sa kainitan ng mga nagliliyab na nota ng piyesa ni Czerny, parang si Cinderella na inabutan ng alas dose si Celine:

[celine] sorry gtg na…bye

[anakin] wait! wait…

[anakin] u still there?

***celine has quit irc (leaving)

Wala ngang nawala--limang araw lang naman siyang puyat at mabaliw-baliw sa pag-aabang sa kanyang cybergirlfriend.

Alas tres y media na. Halos mamaga na ang kanyang mga mata. “Tangina Celine nasa'n ka? Eight o'clock pa pasok ko bukas!”

Please wait while your computer shuts down…

It is now safe to turn off your computer.

Kailangan niyang matulog kahit sandali. Kailangan niyang umidlip kahit hindi siya inaantok. Kailangan niyang magpahinga. Kialangan niya ng kahit na konting lakas para sa klase bukas. Pero laman ng utak niya si Celine. Pa'no kung mag-online siya ng alas kuwatro, alas singko, alas sais? Hindi naman siguro. May pasok din siguro yon at maagang natulog. Paano kung wala siyang pasok? Ilang oras na lang ang maaari niyang itulog at puno pa rin ng kung anu-ano ang utak ni Michael. Kung pwede lang i-shutdown ang utak! Shut down na! Shut down na! Ctrl-Alt-Delete! Ctrl-Alt Delete! Ah Celine! Shut down!

Para makatulog, nagpatugtog siya ng CD ni De Bussy: Claire de Lune.

Alas otso y media na siya nakapasok. Thirty minutes late na naman siya sa kanyang klase: History of Music. Muntik na siyang hindi papasukin ng titser sa classroom. Buti na lang at napagkamalan siyang nag-CR lang.

“Philippe de Vitry is a French theorist and composer who is best remembered for his treatise entitled Ars Nova, written sometime between 1316 and 1325.” Nagdidikta na naman ng notes ang teacher niya. At ang wirdo pa niyan ay kailangan nilang gumawa ng 5-page reaction paper tungkol sa lecture-kuno na dinikta lang naman ng titser niyang otsenta anyos na yata.

“It is the first treatise containing the first prohibition of parallel fifth or consecutive fifth. He introduced other time values such as the long, verve, semi-verve, and smaller note values.”

Kelangan ni Michael gumawa ng reaction paper. Yun lang ang nakaprogram sa utak niya. Pero hindi nakakundisyon ang utak niyang mag-isip, sumang-ayon, o kumontra sa sinasabi nung titser. Reaction, shet, reaction, 5 pages pa! Ni hindi pumapasok sa utak niya ang lecture na nagaganap. Walang nagrerehistro sa mata niya, sa utak niya. Parang computer na naghang ang utak niya. Wala siya sa classroom na 'to. Nasa harap ulit siya ng kanyang computer. ?PING. !PONG. Welcome to undernet. Please type /motd to view the message of the day. W sets +i to anakin. /Whois celine. Celine. There is no such nick. /Join #pinoychat. Celine r u der? /Join #chatmanila. Celine r u der? /j #teenchat /Join /Join /Join /Whois /Whois /Whowas /Whowas there is no such nick, no such nick, no such nick demmit, kulit mo no such nick nga e…wala dito…wala, Celine is dat u? Nope sorry /Whois !PING !PING wala dito nope nope not here! Anakin was kicked by Obi-wan (why do you keep on askin for celine) CELINE WER R U? CELINE WER R U? CELINE WER R U? CELINE WER R U? CELINE WER R U? Anakin was kicked by W, (excess flood). Please wait while your computer shuts down…It is now safe to turn off your computer.

“…Papers due tomorrow! Class dismissed.”

Hindi pa rin tumatayo si Michael sa kinauupuan niya. Puyat na puyat siya. May tatlo siyang reaction papers at wala siyang nasagap kahit ano. Kahit kapiraso. Sumasakit na ang ulo niya pero hindi pa rin siya dinadapuan ng antok.

“Okay ka lang 'tol? Parang bangag ka a? Nakainom ka ba?” Si Lloyd.

“Hindi. May iniiisip lang. May kailangang tapusin. Sige tol, kailangan kong magcomputer. May tinatype ako e.”

Alas tres na ng madaling araw at patay na ang lahat ng ilaw sa bahay nina Michael. Tanging monitor niya ang nagbibigay liwanag sa kuwarto niyang mainit kahit na naka-high-cool na ang kaniyang aircon. Hindi siya gumagawa ng reaction paper o ng assignment. Hindi siya nagreresearch ng mga idea o nung nilecture kanina para makahabol dahil nga sabog siya sa klase. Iba ang nireresearch niya. Music pa rin ngunit ibang music: Kung paano mangharana sa istilo ni Czerny gamit ang tikladong isa lang ang tunog--patuloy si Michael sa kanyang hunting. Isang oras lang ay nakabuo na siya ng isang haranang may isang tono. Isang oras lang ay namaster niya si Czerny.

Sa wakas, nagbunga ang isang linggo niyang pagpapakapuyat. May nakarinig sa malumay-kahit-mabilis na harana-concerto ni Czerny. Biglang may window na nagbukas sa monitor ni Michael:

[celine] hello, missed me?

Biglang tumigil ang musika ni Czerny. Tahimik ang kuwarto ni Michael. Tahimik ang bahay nila. Kahit kuliglig ng hatinggabi ay hindi sumisitsit.

[celine] u there?

Pinagpawisan nang malagkit si Michael. Nagdidilim ang kanyang paningin. Hindi niya alam kung nahihilo siya sa gutom o sa sobrang babad ng mata sa monitor o sa puyat. Hindi niya namamalayang hindi siya nakapagtanghalian at hapunan kanina sa kaaabang sa undernet at sa kahahalughog sa mga chatrooms. Sa wakas. Pagkatapos ng ilang araw, dumating ang kanyang hinihintay. Nagsimula ang 2nd movement ng concerto ni Czerny: Concerto in ASCII code major, opus 3 number 7.

Humahataw na sa lamig ang aircon ni Michael. Sinigurado niyang naka high cool ang aircon niya ngayon para hindi bumigay ang Pentium IV processor niya. Pero kahit na sobrang lamig sa kuwarto niya, tagaktak pa rin ang kanyang pawis. At parang nararamdaman ng kausap niya ang init sa tapat ng kanyang computer.

[celine] is it hot in here or what?

*celine takes off her shirt: “it's too hot in here.”

Tumutulin sa pagtipa si Michael. Daig pa niya si Mozart sa pagtipa sa tiklado. Sumasabay ngayon sa musika ng piyano ni Michael ang malamig na awit ng aircon. Nagdidilim ang paningin niya.

Shet…ayan na…heto na naman…

Nararamdaman niyang parang hinihigop ng monitor ang mga mata niya…hindi lang mata, ang ulo niya, ang buo niyang katawan. Nilalamon ng liwanag ng kanyang monitor ang dilim sa kanyang kuwarto. Ilang sandali lang ay balot na ng liwanag ang buo niyang paligid. Hindi niya alam kung delusyon lang ito ng gutom o ano. Wala na siya sa kanyang kuwarto. Ngunit nasa tabi pa rin niya ang kanyang kama at maliwanag na sa buo niyang paligid. At ngayon, hindi na siya nag-iisa. Nakaupo na sa kanyang kandungan si Celine. Naka-brang itim at nakashorts at may ngiting lalong nagpabato kay Michael sa kanyang kinauupuan.

[celine] hey, what's up with you? Stoned? Hihihihi

Nagtayuan ang mga balahibo niya sa tawang iyon. Umaagos na parang talon ang pawis mula sa kanyang noo.

Totoo ang sabi ni Lloyd. Kakaiba ang larong ito. Hinding hindi ito magagawa ng sa telepono lang. Tagisan ng mga pagnanasa. Isa itong sikolohikal na laro. Ang unang bumigay, talo.

*celine spreads her legs. (rrriiippp!) oops! Shorts too tight, ur move. Hihihi

Parang chess, si Michael na ang titira. Ngunit hindi tulad ng chess, hindi uubra ang mabagal mag-isip. Hindi uubra ang masusing pagpaplano ng istratehiya. Walang lugar dito ang matagal na panghuhula ng maaaring itira ng kalaban. Bawat galaw mo ay dapat na mabilis. Sagot agad sa tira ng kalaban ngunit dapat tiyak ang bawat galaw. Walang mali. Kailangan ng matalas na utak, mabilis na pagdedesisyon at higit sa lahat, ang musikal na talento ng tulad ng kay Czerny.

Hindi romantiko ang musika ni Czerny lalo na at tulin ng daliri ang hamon ng kanyang mga obra. Ngunit sa daigdig na lumalamon ngayon kina Michael at Celine, hindi mahalaga ang romantikong musika. Hindi kailangan ng mga kandilang nakasindi. Hindi kailangan ng mga pisikal na bagay upang i-set ang mood. Hindi kailangan ng mga pisikal na bagay para paluksuhin ang dugo ng isa't isa. Ang mahalaga ay talas ng isip at kalayaan ng diwa. Ang may pinakamalayang diwa ang siyang diyos sa daigdig na ganito. Siya ang nagmamanipula sa mga isip ng mga nagnanasang magpasakop dito. Kaya niyang ipaisip sa mga taong narito (kung tao nga silang lahat) ang mga nais niyang ipaisip sa kanila. Kaya rin niyang ipaisip sa iyo na hindi mo kayang mag-isip at siya na lang ang mag-iisip para sa iyo.

Sa pagkakataong ito, si Celine ang diyosa ng daigdig na pinasok ni Michael. Nakikipaglaro siya sa isang kalabang bihasang bihasa na sa larong ito. Baguhan siya sa ganitong laro. Hindi tulad ni Celine na isang hustler. Nakikipaglaro siya ng isang matinding sikolohikal na laro kahit alam niyang wala siyang kalaban-laban. Sinusubukan lang naman niya. One shot deal. Wala namang mawawala.

*anakin massages celine's long, soft, and smooth legs

[celine] hihihi. I am enjoying this. Are you?

Tumatayo ang balahibo niya tuwing maririnig niya ang tawang iyon. Pero hindi niya ito naririnig. Dahil sa daigdig na ito, hindi mahalaga ang tunog o ang musika. Mga pisikal na bagay iyan. Mga bagay na nasasagap ng mga pandama. Ang daigdig na ito ay isang paradox: hindi kailangan ng lahat ng iyong pandama upang magpakasensuwal.

*celine unzips anakin's fly…ur move…

Umiinit ang buong paligid ni Michael. Kailangan niyang tumira agad, kundi matatalo siya. Kailangan niyang mag-isip nang mabilis. Hindi siya dapat lamunin ng larong ito…hindi siya dapat magpatalo. Ngunit naninigas na ang buo niyang katawan. Hindi niya alam ang dapat ikilos, ang dapat isipin.

[celine] I'm waiting…

*anakin unhooks celine's bra…ur move hahaha

[celine] hey that's not fair, ur a bad boy…hihihi

Hindi niya alam kung naiirita siya sa tunog ng tawang iyon. Ngunit wala ngang tunog. Paano siyang maiirita? Dahil ba sa alam niyang wala siyang naririnig? O mas nakatatawa pa…wala siya talagang nakikita. Pero alam niyang may nakikita siya. Meron. Hindi pwedeng wala. Dahil kung wala, bakit siya nag-iinit nang ganito? Bakit siya pinagpapawisan ng ganito?

*celine removes anakin's shirt: ur sweating too much…ur move…

Eto na nga marahil ang kapangyarihan ng virtual na daigdig na ito--ang pinakamatinding paradox. Nag-aapoy ang lahat ng mga pandama ni Michael ngunit alam niyang hindi naman niya ginagamit ang lahat ng ito. Mga mata lang niya ang ginagamit niya. At haraya.

Ngunit may nagsasabi sa kanyang kalokohan ang lahat ng ito. May bahagi niyang nagsasabi sa kanyang panlilinlang ang lahat ng nagaganap. Ngunit hindi. Nakikita niya si Celine na nakaupo sa kanyang kandungan. Nakikita niya ang hubad nitong katawang pinakikintab ng malagkit nitong pawis. Nakikita niya ang hinaharap nitong nakaamba sa tapat ng kanyang mukha. At nararamdaman niya ang dahan-dahang paghubad ni Celine sa kanyang t-shirt.

[celine] c'mon…this game is for fast thinkers…

Rumaragasa ang dugo ni Michael sa kanyang mga ugat. Mabilis at parang galit na ilog ang kanyang dugo, umagos ito sa mga sulok na dapat nitong daluyan. Hindi kayang balutin ng malamig na ihip ng aircon ang init na lumalabas sa kanyang katawan. Kailangang tanggapin niya ang hamon. Hindi siya magpapatalo:

*anakin grabs celine by her shorts…

[anakin] watch out…

*anakin slams celine to his bed…ouch! that oughta hurt.

[celine] u animal u…ggrrrrr…

[anakin] ur move…

Hindi ito ilusyon o delusyon o kung ano mang maaaring itawag mo dito. Alam niya ang mga nangyayari. Nakikita niya ang lahat. Nakikita niya ang nakahilatang katawan ni Celine sa kanyang kama suot ang ngiti niyang nanunudyo sa kakayahan ni Michael na mag-isip. Nararamdaman niya ang init at ang pag-aapoy ng kanyang mga pandama…ng buo niyang katawan.

*celine takes off her shorts…ur turn

*anakin takes off his shorts…ladies first hehehe.

*celine crosses her legs…ur move

*anakin approaches the bed, crouches and spreads celine's legs: “check!”

*celine hides underneath the sheets.

*anakin slowly pulls off the sheets

*celine takes off her undies…hihihi

[celine] ur move

Natigilan si Michael. Ngayong nakikita niya ang lahat, mas lalong lumilinaw sa kanyang wala siyang nakikita. Ngayong nararamdaman niya ang buong katawan ni Celine, ngayong nakikita niya ang tumatagaktak nitong pawis, lalong lumilinaw sa kaniya na wala siyang nararamdaman…na wala talaga sa tabi niya si celine. Ngunit nagliliyab ang kanyang mga pandama at basang-basa siya.

[celine] u there?

[celine] alis na'ko tagal mong magreply eh

[celine] alis na'ko tagal mong magreply eh

[celine] alis na'ko tagal mong magreply eh

[anakin] wait!

[anakin] wait!

[anakin] wait!

[anakin] wait!

[celine] c urs when I c urs, bye…hihihi

[anakin] wait!

***celine has quit irc (as the saying goes: “if u can't beat them, ur a loser!” hihihi)

Naputol sa gitna ang concerto ni Czerny. Biglang dumilim ang buong paligid. Wala na siya sa daigdig na pinasukan niya. Ilaw na lang ng monitor ang bukas. Nasa loob ulit siya ng kanyang kuwarto. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya. Para siyang bahagi ng sistemang kanyang ginamit. Para siyang nawalan ng kuryente at nag-brown-out sa kanyang katawan. Nanlulupaypay si Michael. Sa gutom at kabangagan marahil. Basang-basa siya (ng pawis?). Alas dos na ng madaling araw. Kailangan na niyang matulog.

Please wait while your computer shuts down…

It is now safe to turn off your computer.

Maga pa rin ang kanyang mata sa pagpupuyat niya kagabi ngunit kahit paano'y mas payapa na ang kanyang utak. Nagkita na rin sila ni Celine sa wakas matapos ang isang linggo. Natatawa siya sa salitang nagkita gayong wala naman talaga siyang nakita. Hindi naman sila talaga literal na nagkita.

Kahit paano'y bumalik sa pagkanormal ang utak ni Michael. Nakabuti pala sa kanya ang sandaling pagkikita nila ni Celine. Kumalma ang kanyang isip at nabawasan ang kanyang pagkabalisa. Diretso na ulit at normal ang lakad niya papunta sa cafeteria.

Sa isang linggong paghahanap niya kay Celine, hindi naging maayos ang pagkain niya. Madalas siyang nalipasan ng gutom kaya't madalas ding hindi siya maka-concentrate sa klase. Kundi si Celine ang laman ng utak niya, hapdi ng bituka ang umaagaw sa atensiyon niya. At sa isang linggong abnormal niyang pagkain, hindi na yata kaya ng sikmura niyang kumain ng normal.

Pagpasok niya sa cafeteria, narinig niyang pinapatugtog ang isang pamilyar na bahagi ng Mikrokosmos ni Bela Bartok. Nagtataka siya at ganitong uri ng musika ang pinapatugtog dito. Dati-rati kasi, panay April Boy at Renz Verano ang tugtog sa cafeteria.

Nakita niya si Lloyd. Kasama niya ang ilan sa mga schoolmates nila na ka-chat rin ni Lloyd. EB yata ito. Nag-Eyebolan na sila. Hindi na sumama si Michael sa lamesa ni Lloyd. Una, puno na sila. Pangalawa, baka ma-OP lang siya doon. Pagkabili niya ng una niyang disenteng tanghalian matapos ang isang linggo, umupo siya sa lamesang malapit kina Lloyd. Dahan-dahan siyang kumain habang nakikinig sa usapan sa kabilang lamesa.

“Akala ko nung una babae ka kasi riverwind yung nick na ginamit mo e. Parang feminine ang dating sa akin,” sabi ng isang maputing babaeng kulay pula ang buhok kay Lloyd. Natawa lang si Lloyd.

“Speaking of akala, may naka-chat ako nung isang linggo. Sa simula puro pelikula ang pinag-uusapan namin saka Star wars. Napansin ko, baguhan lang pala sa pagcha-chat. E di pinagtripan ko na. Niyaya kong mag-cyber. Nung una nga nahihiya pa kasi wala daw siyang alam sa cybersex. Tapos garapal pala ang kamanyakan nun. E di niya alam lalaki ako.”

“Ano? Lalaki yung ka-cyber mo last week?”

“Pinagtripan ko lang naman e. Tawa ako nang tawa. Halatang wala pang alam sa pagcha-chat. At sobrang manyak ha…kung anu-ano ang pinagtata-type niya.”

“Anong nick ginamit mo?”

“Celine.”

Tumayo ang balahibo ni Michael sa batok. Sumama bigla ang sikmura niya. Sa tinagal-tagal niyang hindi kumakain nang normal, hindi na yata matatanggap ng sikmura niyang kumain pa. Tumingin siya sa kabilang lamesa. Si Lloyd ang nagkukwento. Bumaligtad na nang tuluyan ang sikmura niya at isinuka niya ang lahat ng kinain niya sa lamesa at sa kanyang pantalon. Nahihilo siya, naiiyak, nasusuka lalo, nilalagnat na yata siya. Gusto niyang umuwi. Gusto na niyang matulog nang mahabang-mahaba para mabawi ang isang linggong ipinuyat niya.

Please wait while your computer shuts down…

It is now safe to turn off your computer. 


Revised 5 November 2006.


Saturday, February 13, 2010

TANGINANG ADSENSE

PAUNAWA SA AKING MGA MAMBABASA:

Kung makita ninyo ang mukha ni MONEY VILLAR sa blog ko, nais ko lamang ipaalam sa lahat ng aking mambabasa na hindi ko sinusuportahan ang hinayupak na magnanakaw na yan.

Malaki lang masyado ang binayad niya sa google kaya lumalabas siya sa lahat ng AdSense chorva.

Kung pwede ko lang tanggalin ang ad niya at ibigay na dahilan na "I find it offensive" parang sa Facebook, matagal ko nang ginawa.

Yun lang. Back to literary shit.

Thursday, February 04, 2010

Sakura

Some years ago, i went on a haitus from theater. I think it was around three years of writers' block. Some say it was caused by depression due to the "sais incident." I think I just made that excuse coz I was lazy to write or didn't find the drive to do so.

In anycase, sometime in those 3 years, I'm not sure if it was before or after the great depression (must be before or during), i wrote this short play. Cholo thinks both characters should be played by women. I'm still considering it.

I'm pretty sure I wrote it even before I read or was aware of Tony Perez's "Sa North Diversion Road."

Sakura
dula ni Juan Ekis


MGA TAUHAN

KATHY 20 anyos na dalaga
NICKY 24 anyos na binata

TAGPO

Sa loob ng isang kotse.

Hatinggabi. Nagda-drive si Kathy. Umiinom ng beer in can sa passenger seat si Nicky.

KATHY Grabe lang talaga kanina. Biruin mo anim na oras akong nagda-drive. Nakakaburaot talaga. Tignan mo nga itong braso ko o. (ipapakita ang kaliwang braso) Ito lang kaliwa ang nasunog. Itong kanan hindi. E pano, ganito ako magdrive, etong kaliwa lang ang naaarawan. (Matatawa)

NICKY (Wala sa sarili) Ano’ng oras kayo umalis?

KATHY Umalis kami, tanghali na, alas dose na. Haba apat na oras kami papunta dun. Alas kwatro na kami nakarating. Konting swimming, alis din kami ng five thirty...six...kaya ngayon lang kami nakarating. Okay nga yung beach na pinuntahan namin e. Kinse pesos lang. Okay na rin. Malinaw yung tubig, yun nga lang may lumulutang na oishi.

NICKY Oishi?

KATHY Oo lalagyan ng oishi. Tapos may napkin pa—panty-liner pala. Kadiri. Tapos sa may malayo may diaper. Yuck. Bukod dun sa tatlong lumulutang na ‘yon, malinis naman yung beach. Clear yung tubig.

NICKY Ano bang pagkakaiba ng panty-liner saka napkin?

KATHY Yung panty-liner, mas manipis, yung pang-araw-araw.

NICKY Ah...

KATHY Tapos wala pang katau-tao. Kami lang apat.

NICKY Apat?

KATHY kasama namin yung kabarkada naming bakla.

NICKY Ah.

KATHY Kami lang tao dun pero nung maliligo na kami, pambihira dumami bigla yung mga lalaki. Bobosohan pa yata kami.

NICKY (Matatawa pero pilit) Talaga?

KATHY Hindi nga ako makaligo nang maayos e. Wala kasing banyo doon na panlalaki saka pambabae. Sina Ivy at Leah basta na lang nagshower. Ako nag-igib pa ako at naghanap ng tagong lugar. Its either that o hindi na lang ako maliligo. Tarantado yung mga lalaki dun, sinusundan pa kami, balak talaga kaming bosohan.

Matatawa si Nicky.

KATHY Naalala ko nga nung nagbeach din kami nung mga blockmates ko. E di naglalasingan kami sa beach. May bonfire—kumpleto. Tapos sa may gilid kasi, may parang mahabang bakod. E ang layu-layo ng cottage, ihing-ihi na ako. Pumunta ako sa gilid tapos nagtago ako. Dun ako iihi sa may pader. Tapos nung huhubarin ko na yung shorts ko, nakita kong palapit si Brian. Yuko naman ako. (Matatawa) Tapos bumalik pa uit si Brian. Hinahanap yata ako, gusto yata akong bosohan. (Matatawa)

Matatawa si Nicky.

Tahimik. Iinom sa lata si Nicky.

KATHY Kanina pa kayo?

NICKY Mga 8. Akala ko nga di ka na darating e.

KATHY Pambihira naman kasi yang traffic na yan e.

NICKY Ganyan talaga diyan. Tuwing Lunes ko nadadaanan yang North Luzon pag papunta kaming Pampangga. Mga tatlo-apat na oras biyahe namin.

KATHY Buti nga kayo Pampangga lang e.

NICKY Every Monday naman. Last week nga ako nagdrive. Grabe, ganun pala ang magdrive sa ganoong traffic. Magku-quit na nga ako sa yosi, napayosi tuloy ulit ako sa stress.

KATHY Ako rin nga e. Yosing-yosi na ako kanina. Wala pa naman akong mabilhan. Ang layo ng gas station. Alam mo yun? Sobrang bagal parang prusisyon ng mga langgam ang traffic. Kaliwang paa ko na nga ang ginagamit ko sa pagda-drive. Buti nga itong sasakyang ito ang dala ko. Kung yung RAV4 yung dala ko lugi ako sa gas. At least ito Diesel. Buti na lang. Wala na kasi kaming pera lahat e.

NICKY Anlakas ng loob nyo ring magbeach no? Wala naman kayong pera.

KATHY Sakto-sakto nga lang yung pera namin e. Tapos kanina, sa Chowking kami nagdinner. Sila Leah sobrang pa-demure pa, wanton lang ang inorder. Ako talaga lumamon ako. Kundi ka ba naman magutom sa ganong traffic e.

Tahimik. Uubusin ni Nicky ang beer. Itatapon niya ang lata sa labas ng bintana.

NICKY Sa May pala, magfo-Fontana kami ng barkada ko, gusto mong sumama?

KATHY (automatic) Sige.

NICKY Talaga?

KATHY Basta walang summer class okay. Pero kung may summer wag na.

NICKY Friday naman aalis e. Hanggang Sunday. Ako rin may klase sa May. Magtuturo ako ng Lit.

KATHY Saan?

NICKY Sa atin.

KATHY Lit?

NICKY Sa Highschool. Program ng School of Education. Bibigyan nila ng summer classes ang top students ng Pasig. Ako magtuturo ng Lit.

KATHY Astig.

NICKY So sama ka?

KATHY Sige.

Ngingiti si Nicky.

Tahimik.

KATHY So, sa’n ka nagcelebrate?

NICKY Nag-lunch lang ako with my family. Tapos nagsine kami ni Ian. Tapos naki-party ako kina Cholo. Ayos nga e. Nakatipid ako ng celebration. Nagpa-advanced party si Cholo. Nakikain na lang ako dun. Tapos diretso kami dun sa org party.

KATHY Ayos ka rin a.

NICKY Pauwi na nga ako nung dumating ka. Sabay dapat ako kina Charisse.

KATHY Oh, bakit—?

NICKY E Nagpasama ka e. Saka ayoko pa ring umuwi. Pinauna ko na sila. Sa’yo na lang ako sasabay.

KATHY Sige.

NICKY Ibaba mo na lang ulit ako sa Boni.

KATHY Sige.

Tahimik.

KATHY Ano’ng ginawa ninyo sa party kanina? Marami bang nangyari?

NICKY Wala naman. Toma, yosi, kantahan. May video silang pinakita.

KATHY Ano yung year-ender presentation?

NICKY Hindi. Parang compilation ng mga activities ng buong taon. Nakakatawa nga e.

KATHY Ano’ng oras umalis sina Cheska?

NICKY Maaga. Maaga siya umalis.

KATHY Ano pang nangyari?

NICKY Ayun, naghahagisan sila sa pool. Si Allan nga nakakatawa, may hawak na kutsilyo. Siya na lang yata ang hindi pa naihahagis sa pool.

KATHY E ikaw?

NICKY Sino namang mangangahas? Di naman kami close.

KATHY Matanda ka na kasi.

NICKY (Sarcastic) Salamat ha.

KATHY Ako okay lang na itapon nila. Buti may dala akong pang-swimming!

Tahimik. Titingin si Nicky sa labas ng bintana.

NICKY Ano’ng oras tayo uuwi?

KATHY Sandali lang tayo dun. Tambay lang sandali tapos uwi rin.

Mahabang katahimikan. Titignan ni Nicky si Kathy. Mag-iisip si Nicky.

NICKY Huwag na tayong tumuloy doon.

KATHY Ha?

NICKY Wala na namang ibang darating doon e.

KATHY E saan tayo pupunta?

NICKY Tagaytay tayo.

KATHY Okay ka lang? Hello! Anim na oras na po akong nagda-drive!

NICKY Ako na magda-drive.

KATHY Ayoko. Saka pagod na’ko.

Tahimik.

KATHY Next time na lang. Pag may oras.

Tahimik.

KATHY Saka pinapauwi na ako ng Nanay ko. Sabi ko sa kanya nagswimming lang kami sa hotel.

NICKY Saang hotel?

KATHY Sabi ko hindi ko pa alam. Basta hotel sa Manila.

NICKY Hindi ka talaga nauubusan ng palusot.

KATHY Sabi nga ng nanay ko, hindi nga ako nauubusan ng excuses e.

NICKY Mauubusan ka rin. (Tatawa)

KATHY Hindi mangyayari yon no. Nag-iiba ang ginagawa ng mga tao araw-araw. Kapag may nagbago sa’yo, may bago ka na ring palusot. (Matatawa)

NICKY Makakarma ka niyang ginagawa mo. (Matatawa)

Tahimik.

KATHY Bakit ba lagi mo akong kinukulit magtagaytay?

NICKY Masyado na ba akong makulit?

KATHY Medyo lang.

NICKY Wala lang. Miss ko lang sigurong mag-road trip kasama ka.

Tahimik. Nakatingin lang dalawa sa kalsada.

Titignan ni Nicky si Kathy.

NICKY (Kunwari pabiro) Hindi mo ba ako na-miss?

KATHY Hinde. Marami akong ginagawa e.

Tahimik.

KATHY Kailangan ko munang magpa-gas. Baka mahalata ng tatay ko na maraming akong na-consume. Ano pa bang kailangan ko—tubig.

Tahimik. Liliko sila. Hihinto ang kotse. Papatayin ni Kathy ang makina.

KATHY (Bubuklat ng wallet) Heto, bili mo ko tubig.

NICKY Hindi. Ako na. May brand ka ba?

Bababa ng kotse.

KATHY Kahit ano. Basta distilled.

Lalabas si Nicky.

KATHY Manong malambot ba sa likod?

Bababa rin si Kathy. Lalabas ng stage.

KATHY (OFFSTAGE) singkwenta diesel. Ha? Wala kayong barya? (Sisigaw) Nicky! May barya ka sa five hundred? May barya ka ba? Ha? Mamaya na lang pagbalik mo. (sa gas boy) Manong baka naman may barya kayo diyan, wala na talaga akong barya e. Sige, tatanong ko na lang yung kasama ko pagbalik.

Tahimik. Papasok ulit ng kotse si Kathy. Maghahanap ng barya sa bag.

KATHY Baka meron dito, teka.

NICKY (OFFSTAGE) Ano’ng sabi mo?

KATHY May barya ka sa five hundred?

NICKY (OFFSTAGE) Wala e. Bakit?

KATHY Wala akong barya e.

Lalabas muli ng kotse si Kathy.

NICKY Magkano ba papagas mo?

KATHY Singkwenta lang.

NICKY Eto na.

Papasok si Nicky sa kotse. Uupo siya sa passenger seat.

NICKY Tubig mo nasa gilid.

KATHY (OFFSTAGE) Thanks!

Tititigan ni Nicky ang driver’s seat na parang mayroon siyang katabi.

Tahimik.

Titingin si Nicky sa harap. Nakatulala.

NICKY (Sa sarili) Tangina.

Hihinga siya nang malalim. Kukuha ng yosi. Magsisindi sana.

KATHY (OFFSTAGE) Bawal dito hoy!

NICKY ‘O nga pala. Sorry.

Ibabalik ni Nicky ang yosi. Tahimik. Titingin siya sa labas ng bintana niya. Mamasahihin niya ang kanyang ulo.

Sasakay muli si Kathy.

KATHY Thank you, Manong!

Aandar ulit sila.

KATHY Tubig ko?

NICKY Diyan sa gilid.

Tahimik. Kukunin ni Kathy ang tubig niya. Bubuksan niya pero di niya mabuksan.

KATHY Pakibukas nga.

Bubuksan ni Nicky ang tubig. Pero iinom muna siya. Iaabot niya ang tubig kay Kathy. Iinom si Kathy.

Magsisindi ng yosi si Nicky.

Mahabang katahimikan.

NICKY May exams ka pa?

KATHY Removals na lang.

NICKY Kelan?

KATHY Bukas.

NICKY Ayos. Buhay ka pa.

KATHY (Matatawa) As usual, hapit.

NICKY Tapos magrereklamo ka kung bakit ka bumabagsak.

Tahimik.

NICKY Kamusta yung paper mo sa Philo?

KATHY Pinasa ko na lang yung paper ko sa Lit.

NICKY Ano?

KATHY Pasok naman e. Okay lang yon. Wala na akong mapiga sa utak ko e.

NICKY Sabi ko naman sa’yo tutulungan na kita e. Tawagan mo lang ako.

KATHY Ano ka ba? Okay lang ako no! Saka ayokong nakakaperwisyo ng mga tao. Ayokong makaabala.

NICKY Hindi mo naman ako inaabala a.

Pause. Titignan ni Nicky si Kathy.

NICKY Sinabi ko bang inabala mo ako?

Tahimik.

KATHY Salamat.

Pause.

KATHY I mean, as much as possible kasi, ayoko ng—

NICKY Okay na. You’re welcome na.

Mahabang katahimikan.

KATHY Hinahanap ka sa’kin ni Sir Joel kanina.

NICKY O bakit daw?

KATHY Wala lang. Ba’t di ko daw kasama ang boyfriend ko. (Matatawa) Bakit ba pilit siya nang pilit na boyfriend daw kita?

Hindi sasagot si Nicky.

KATHY Pati nga si Sir Richard tinutukso ako sa’yo e.

NICKY (Matatawa) Si Richard?

KATHY Oo. Sabi ko nga, “bakit ba? Hindi ba kami pwedeng magsama nang hindi kami?”

Matatawa lang si Nicky.

KATHY Bakit?

NICKY May crush sa’yo si Richard.

KATHY Ha?

NICKY Kilala ko ‘yun. Kaklase ko dati yun e.

KATHY Hindi kaya. Kilala ko yung crush nun.

NICKY Pustahan?

KATHY Ano ka ba?

NICKY Pumasa ka ba sa finals mo sa kanya?

KATHY Oo naman. 85 ako sa kanya.

NICKY Hindi ka ibabagsak nun.

KATHY So feeling mo hindi ko kaya yung subject niya, ganun?

NICKY Ikaw na ang nagsabi sa’king wala kang kaalam-alam sa mga tinanong niya nung finals. Di ba kinuwento mo, ni hindi mo nasagutan ang kalahati?

Pause.

NICKY Yihee.

KATHY Gago. Tumigil ka nga.

Matatawa si Nicky.

Magsisindi ng bagong yosi si Nicky.

KATHY Pahithit nga.

Isusubo ni Nicky ang yosi kay Kathy. Hihithit si Kathy. Tapos, si Nicky naman ang hihithit.

Tahimik.

NICKY Nag-“I love you” ka ba kay Jess?

Tahimik.

NICKY I mean, yung face to face. Hindi sa sulat, so text, or sa phone?

Tahimik.

KATHY Wala akong naaalalang ginawa ko yun.

Tahimik.

NICKY Ako rin. I never said it to anyone. To her face at least.

Tahimik.

NICKY E sa sulat? Sa fone? Sa text?

KATHY Walang “I”.

NICKY Ano’ng pagkakaiba?

Mahabang katahimikan.

NICKY So, sasama ba si Anne sa Cebu?

KATHY Ewan ko nga sa kanya e.

NICKY Excited ka na ba?

KATHY Oo no. Bihira yung magsama-sama kaming buong pamilya.

NICKY Buo kayo? Wow. Himala.

KATHY Oo nga e. Sana masaya.

NICKY Masaya yan.

KATHY Sana hindi sila mag-away.

Mahabang katahimikan.

KATHY Ano’ng iniisip mo?

Hindi sasagot si Nicky.

KATHY Tangina pinag-aaralan mo na naman ako.

Tahimik. Ngingiti si Nicky.

KATHY Hindi nga? Ano’ng iniisip mo?

NICKY Ewan ko. Tingin mo?

KATHY Ewan ko.

Tahimik. Ngingiti si Kathy.

KATHY Ano’ng iniisip mo?

NICKY Pareho siguro ng iniisip mo.

Titignan ni Kathy si Nicky. Titingin din si Nicky. Titingin muli si Kathy sa daan.

NICKY Ano’ng iniisip mo?

KATHY Ikaw muna.

NICKY Naalala ko lang yung tagaytay. Yung last month. Nung pinuntahan ninyo ako sa Tagaytay.

Pause.

NICKY Iniisip ko yung malamig na hangin. Nasa helipad tayo. Full moon. Nakahiga ako sa lap mo. Nagyoyosi tayo. Sinasampal ako ng hangin.

Matatawa si Kathy.

KATHY Ako iniisip ko kung nag-mature na nga ako. Kung nagbago na nga ako.

Pause.

KATHY Kung nagbago man ako, isa ka sa dapat kong pasalamatan.

Pause

KATHY Tingin mo nag-mature na ako?

NICKY Marami ka ring pinagbago. May bago ka na namang palusot e.

Magtatawanan ang dalawa.

KATHY Marami na akong utang sa’yo.

NICKY Beer lang ang kapalit nun.

Matatawa si Kathy.

Matagal na katahimikan.

Bubuksan ni Kathy ang radyo ng kotse. Dance Music. Mapapaindak si Kathy.

Ililipat ni Nicky ng istasyon. Rock. Titignan ni Kathy si Nicky nang masama.

KATHY Kotse ko ‘to.

Titignan lang ni Nicky si Kathy.

NICKY So?

Tahimik. Makikinig sila saglit sa Rock music.

KATHY May ipaparinig ako sa’yo.

Magsasaksak ng CD si Kathy. Bob Marley.

NICKY Sino ‘yan. Astig ah.

KATHY Bob Marley.

NICKY Astig. Trip ko ‘to.

Matagal, makikinig lang sila kay Bob Marley habang naghe-head bang. Pagkatapos ng ilang sandali, papatayin ni Nicky ang radyo. Tahimik.

NICKY May ibibigay pala ako sa’yo.

Kukunin ni Nicky ang wallet niya. May kukunin siyang dahon.

NICKY I think they are Sakura leaves. Pinitas ko siya nung pumunta kami sa Kamakura. Alam mo ba, pagdating namin dun, last day of summer. Paggising ko the next day biglang lumamig, autumn na. Galing nga e, nagpapalit na siya ng kulay, tignan mo, red na yung edges nung pinitas ko.

KATHY Sakura? Patingin nga.

Iaabot niya kay Kathy.

KATHY Gagi. Ang sakura, cherry blossoms. Sa spring yun nagbu-bloom. Japanese Maple yan. Sa autum nagpapalit ng kulay.

Matatawa si Nicky.

NICKY Ganun ba?

Kukunin ni Kathy ang dahon.

KATHY (Matatawa) Salamat ha.

Pause.

KATHY Parang for one second there, you were kinda cheesy.

Pause. Matatawa ang dalawa.

KATHY Yuck.

Mahabang katahimikan. Bubuksan ulit ni Kathy ang radyo. Balik kay Bob Marley.

NICKY Hindi na siguro ako babalik sa party.

KATHY Ha?

NICKY Uwi na lang ako.

Tahimik.

KATHY Seryoso ka?

NICKY Oo. Pwedeng ibaba mo na lang ako sa EDSA?

KATHY Wait lang...

Pause.

KATHY Bakit?

NICKY Inaantok na siguro ako.

KATHY Sure ka? Okay ka lang?

NICKY Oo naman, ano ba?

Pause.

KATHY Fine.

Pause.

KATHY Drop na kita sa Boni, di na rin ako tutuloy sa party. Uwi na rin ako.

NICKY Ano ka ba?

KATHY Hindi, pagod na rin ako.

Mahabang katahimikan. Magsisindi ulit ng yosi si Nicky.

KATHY Pahithit nga.

Papahithitin ni Nicky si Kathy. Matagal na katahimikan. Nakatingin lang sila sa daan.

Tulala si Nicky hanggang maubos ang yosi sa kamay. Titigil ang sasakyan.

KATHY Sige, bye. Mwah-mwah!

Hindi gagalaw si Nicky. Nakatingin lang siya sa malayo.

KATHY Huy. Boni na.

NICKY Oh. Bye, ingat.

Magtatanggal ng seatbelt si Nicky. Lalapit si Nicky kay Kathy. Hahawakan niya ang ulo nito at hahalikan niya si Kathy sa noo. Bababa ng kotse si Nicky.

NICKY Salamat.

KATHY Ingat ka.

Lalabas ng entablado si Nicky. Patuloy sa pagdadrive si Kathy.

Fade out.