Monday, February 15, 2010

Virtual

Dialing…

Connected…

Verifying username and password…

Logging on to network…

***Connecting to amsterdam.nl.eu.undernet.org (6669)

-

local host: anakin (127.0.0.1)

-

PING? PONG!

/j #teenchat…

[celine] hay naku na conscious me tuloy nakasando me ksi eh rt now

[anakin] hahahahahah

[celine] n shiorts=)

[anakin] parang nakikita kita diyan...nakupo naiinitan na ko

[anakin] ano ginagawa mo?

[celine] nakaupo

[celine] chatting

[celine] nakacrosslegs....hihihi y ba??

[anakin] i can imagine...

[celine] really???then??

[celine] wat u feel abt it?

[anakin] hot...

[anakin] it's hot here u know...

[celine] y???

[anakin] because i'm chatting with a hot babe...?

[celine] so im a hot babe for u ganun?

[celine] wat made me "hot" naman?

[celine] yung totoo

[anakin] fishing ka naman e

[celine] totoo ah

[anakin] fishing ka naman e

[celine] b specific a

[celine] cge na noh

[anakin] cno pa kachat mo ngayon?

[celine] kaw na lng e

[anakin] everything...the way you chat

[celine] y ???

[anakin] well it makes me feel comfortable...para bang okay lang magsalita ng kung anu-ano

[celine] sus, ayaw mong aminin na u saw me na sa skul e.

[anakin] really?

[celine] yeah, my friends told me you used to stare at my

[anakin] what?

[celine] 34 is not big

[anakin] ??? pinagpapawisan na ako rito

[celine] ok ok

[celine] wat u want me to do ba rt now ha?????

[anakin] ikaw?

[celine] as in kahit ano

[celine] oo......

[anakin] ano?

[anakin] ano ba gusto mong hilingin ko?

[anakin] ano ba gusto mong hilingin ko?

[celine] what do you want me to do ever since the first time u saw me ba?

[anakin] a lot of things

[celine] like what?

[celine] wag ka nang mahiya…anything

[anakin] naughty e…

[celine] kaw ha…hihihihi…c'mon tell me

[celine] what do you want me to do ever since the first time u saw me ba?

[anakin] whew! pucha!

*celine crosses her legs, hihihihi

[celine] ano ba tagal mong sumagot…what do you want ba?

[anakin] ang init dito ah

[celine] oo nga eh hihihi…nakasando na nga lang me eh and shorts…hot hot hot

[celine] m sweating hard

[anakin] lalo na ko

[celine] tagal mo namang magreply

[celine] tagal mo namang magreply

*celine takes off her sando…its so hot in here!

Alas tres na ng madaling-araw. Patay ang ilaw sa kuwarto ni Michael at tulog na ang bawat sulok ng bahay nila. Tanging ilaw ng monitor niya ang nagbibigay liwanag sa kanyang kuwarto. Wala kang maririnig na ingay kundi ang musika ng lumubog-umahon na mga tiklado ng keyboard ng kanyang computer. Para silang may binubuong padron. Parang may sistema. Parang may siklo o kung anumang kumbinasyong nabubuo na kung mga tiklado lamang ng piyano ang tinitipa ni Michael ay isang Bach siguro ang maririnig. Hindi, mabilis pa kay Bach. Mozart siguro. Hindi. Mabilis pa--Czerny. Parang nag-uunahan ang mga nota (kung nota man) sa paglubog at muling pag-angat sa tikladong iisa ang tunog. Para silang may hinahabol.

Hindi mapakali si Michael. Kanina pa siyang alas tres ng hapon on-line at hindi pa niya inaabutan si Celine. Limang araw na niyang inaabangan si Celine sa undernet. Hindi pa ito nagpapakita sa kanya.

Hindi naman siya adik sa chat. Para nga sa kanya, isa itong walang kawawaang bagay. Bakit pa mag-uusap sa internet e pwede naman sa telepono? Mas maganda pa nga sa telepono dahil may maririnig kang boses. Sabi naman ng kaibigan niyang si Lloyd, mas okey na rin sa internet dahil hindi mo na kailangang magbayad ng long distance kung taga-America ang ka-chat mo. Ang sabi naman ni Michael, bakit ka makikipag-chat sa taga Amerika kung di ka naman makikipag-eyeball? Mabuti nang taga-pinas, posible pa kayong magka-eyebolan. Kung suswertehin ka pa at maganda, e di makakakana ka pa.

Sinubukan lang naman niya. One shot deal lang. Wala namang mawawala. Wala ngang nawala--limang araw lang naman siyang nagpupuyat at nag-aabang:

/whois celine

-there's no such nick

Hinalughog na niya ang lahat ng posibleng chatrooms sa undernet. Wala siyang makita. Baka nagpalit ng nick(name)? Baka iniiwasan siya? Baka tinataguan siya? Sa ibang server kaya? Sa Dalnet? Sa Chatpinoy? Ilang libo ba ang server sa mundo? Hindi pa naging adik nang ganito sa computer si Michael. At ngayon, mabaliw-baliw na siya sa pagtugtog ng musika ni Czerny sa kanyang tikladong iisa lang naman ang notang tinutugtog.

Kalokohan lang ang pakikipagchat sa internet. Ito ang dati niyang paniniwala. Pag-uubos lang ng oras. Pwede mo namang kausapin ang tao nang harapan. Pwede namang sa telepono. Para kay Michael, ang internet ay para sa mga torpe, at insecure. Para ito sa mga walang tiwala sa sarili: sa mga takot magpakita ng tunay nilang anyo dahil baka hindi magustuhan ng kausap. Para ito sa mga takot magparinig ng boses dahil baka magtunog malandi, o magaralgal o hindi kakau-kausap. Para ito sa mga walang tiwala sa sarili kaya lumilikha sila ng mga virtual nilang kaakuhan. Lumilikha sila ng mga virtual na hitsura, virtual na anyo gamit ang mga salita--gamit ang kapangyarihan ng malayang diwa at ang kapangyarihan ng makabagong daigdig na nabubuhay sa makabagong teknolohiya.

Ang argumento naman ni Lloyd, high-tech na raw ngayon. Maaari kang magpadala ng litrato mo sa net. Pwede nga kayong mag-usap na may boses kung high-tech ang modem mo. Pwede ring kayong magkakitaan kung may kamera ang computer mo. Maraming pwedeng gawin. Makapangyarihan ang computer.

Ngunit para kay Michael, panlilinlang ang lahat ng iyan. Dahil ang computer ay likha lang ng tao, kaya niya itong manipulahin. Kaya niya itong paglaruan. Kaya niya itong dayain. Kaya nitong dayain ang itsura mo sa litrato o sa video. Kaya nitong palitan ang boses mo. Pwede mong ngang palitan ang lugar na pinagmumulan mo para hindi ka ma-trace. Pwede mong palitan ang pangalan mo, ang lahat ng impormasyon tungkol sa'yo. Dahil sa makabagong teknolohiya, maaari kang lumikha ng virtual na ikaw. Mas perpektong ikaw: mas matikas, mas maputi, mas may hitsura, mas kaakit-akit sa maraming tao. Kaya mong likhaing muli ang iyong sarili sa pamamagitan ng computer.

Pero susubukan lang naman niya. One shot deal lang. Wala namang mawawala.

Please wait while your computer shuts down…

It is now safe to turn off your computer.

Si Lloyd ang may pakana ng lahat ng ito.

Hacker si Lloyd. Papalit-palit ng account. Paiba-iba ng nick names para di makilala at di matuklasan. Araw-araw, laman si Lloyd ng internet. Gabi-gabi ay nakatambay siya sa lahat ng chatrooms ng undernet. Sikat na si Lloyd sa undernet bilang si Agimat--ang pinakamatinik na hacker sa undernet. Wag kang magkakamaling makipag-away sa kanya kung ayaw mong mabura ang laman ng computer mo. Wag kang magkakamaling pagtripan siya kung ayaw mong lamunin ng virus ang sistema mo.

Pero kapag babae ang kausap ni Lloyd, agad siyang nagpapalit ng pangalan para di makilala. Naging siya na si machismo, si adonis88, si razor ramo, si hunk69, si bret hart, si brad pitt, si alicia silverstone, oo alicia. Gumamit na rin siya ng sangmilyong pangalan ng babae kapag trip niyang manggago ng mga lalaking chatters.

“Pare minsan may naka-chat akong Australian. Tol, nagpadala sa akin ng picture. Pre ang ganda. Tamang-tama, pupunta siya dito sa Pinas sa isang buwan dahil may pinsan daw siya dito. Nagyayang mag-eyebolan kami.”

“Talaga?”

“Oo tol. Sige, magpaka-skeptic ka diyan. Tingnan mo ako, makakadale pa ng Australian. Wala namang mawawala sa 'yo e. Subukan mo lang. Kung di mo magustuhan e di tigilan mo. Pero sinasabi ko sa'yo pag nasimulan mo na…di ka na titigil.”

Pinahiram siya ni Lloyd ng ghost account para makakunekta sa mIRC. Pinagamit din siya ng jammer para huwag mahuli kung saan siya nanggagaling. “Subukan mo lang 'tol,” sabi ni Lloyd. “Walang mawawala.”

Ganito siguro ang maadik sa droga: isang subok lang. One shot deal. Tapos, tapos na. Hindi na uulit. Pero pag nagustuhan mo…hindi mo na tatantanan. Wala namang mawawala.
Limang araw na ang nakakaraan nang unang makatagpo ni Michael si Celine. Anakin ang nickname na ginamit niya. Nagsimula silang mag-usap tungkol sa Star wars. Nalibang siya. Napasarap ang usapan nila. Mas madali ka palang nakapaglalabas ng mga gusto mong sabihin kapag lumalabas ka sa sarili mo at inihaharap mo sa ibang tao ang virtual na ikaw. Wala kang pakialam kung ano ang masabi mo. Wala kang pakialam kung korni o boring o bastos na ang mga pinagsasabi mo sa kausap mo. Wala naman kasing tono ang tinig mo…walang maling tinig at himig. Walang tonong nag-iimpose, o nagagalit, o nagdidikta, o mahiyain, o torpe, o kung ano pa. Basta usap lang nang usap. Hindi naman niya makikilala ang tunay na ikaw. Sapat nang magkakilanlan ang mga virtual na sila sa virtual na daigdig.

Lumalim lalo ang pag-uusap nila. Napunta sa ibang mga pelikula. Napunta sa mga tagalog na ST films. Mahilig raw si Celine na manood ng gano'n. Saan ka makakakita ng babaeng mahilig manood ng gano'n? Walang babaeng nasa matinong isip niya ang garapalang magsasabi ng gano'n sa harap ng lalaki. Ngunit may kaharap nga ba talaga siyang totoong lalaki? O totoong tao? Mula doon, lumalim na nang lumalim ang usapan nila…palalim na nang palalim…malalim na malalim…

Nagsisimula nang maintindihan ni Michael ang ibig sabihin ni Lloyd. Nagsisimula na siyang mag-enjoy sa matalik na pag-uusap nila ni Celine. Nagsisimula na niyang marinig ang matulin at kaaya-ayang concerto ni Czerny. Hindi lang pala pag-uusap ang magagawa mo sa IRC. Pwede ring kumilos. Pwedeng gumalaw. Lalong luminaw kay Michael ang kaakuhan ng virtual na siya. At gamit ang virtual na siya, unti-unti na niyang nakikita ang virtual na si Celine. Naging mas matalik ang kanilang pagkikita. Lalong nadama ni Michael ang katotohanan ng pag-uusap nilang iyon. Lalong lumilinaw sa kanyang totoo niyang katabi si Celine. Sinimulan niyang hawakan ang kamay nito. Unti-unti silang nagkalapit sa isa't-isa. Mas malapit…malapit na malapit hanggang sa maamoy ni Michael ang hininga ni Celine na amoy anghel…Ano yon, Victoria's Secret Garden? Angel's Breath? Hindi…mas mabango pa.

Ngunit may naaamoy nga ba siyang talaga?

Nilalamon ng liwanag ng mata ni Celine ang paningin ni Michael. Dahan-dahang naglalapat ang kanilang mga labi hanggang sa magkapalitan na sila ng matatamis nilang laway at hiningang umuusok sa lamig. Nararamdaman ni Michael ang katawan ni Celine na nakayakap sa kanya, hinuhubad ang suot niyang malamig na hanging ihip ng kanyang aircon.

Ngunit may nakikita nga ba siya? May nararamdaman nga ba? May nalalasahan? Nag-aapoy ang lahat ng kanyang mga pandama kahit alam niyang hindi niya ginagamit ang lahat ng ito. Nasa mundo siya ngayon kung saan maaaring magpakasenswal samantalang hindi naman nakikipagtalik sa daigdig ang kanyang mga pandama.

Ngunit sa gitna ng pag-aapoy ng sariling lunggati ni Michael, sa kainitan ng mga nagliliyab na nota ng piyesa ni Czerny, parang si Cinderella na inabutan ng alas dose si Celine:

[celine] sorry gtg na…bye

[anakin] wait! wait…

[anakin] u still there?

***celine has quit irc (leaving)

Wala ngang nawala--limang araw lang naman siyang puyat at mabaliw-baliw sa pag-aabang sa kanyang cybergirlfriend.

Alas tres y media na. Halos mamaga na ang kanyang mga mata. “Tangina Celine nasa'n ka? Eight o'clock pa pasok ko bukas!”

Please wait while your computer shuts down…

It is now safe to turn off your computer.

Kailangan niyang matulog kahit sandali. Kailangan niyang umidlip kahit hindi siya inaantok. Kailangan niyang magpahinga. Kialangan niya ng kahit na konting lakas para sa klase bukas. Pero laman ng utak niya si Celine. Pa'no kung mag-online siya ng alas kuwatro, alas singko, alas sais? Hindi naman siguro. May pasok din siguro yon at maagang natulog. Paano kung wala siyang pasok? Ilang oras na lang ang maaari niyang itulog at puno pa rin ng kung anu-ano ang utak ni Michael. Kung pwede lang i-shutdown ang utak! Shut down na! Shut down na! Ctrl-Alt-Delete! Ctrl-Alt Delete! Ah Celine! Shut down!

Para makatulog, nagpatugtog siya ng CD ni De Bussy: Claire de Lune.

Alas otso y media na siya nakapasok. Thirty minutes late na naman siya sa kanyang klase: History of Music. Muntik na siyang hindi papasukin ng titser sa classroom. Buti na lang at napagkamalan siyang nag-CR lang.

“Philippe de Vitry is a French theorist and composer who is best remembered for his treatise entitled Ars Nova, written sometime between 1316 and 1325.” Nagdidikta na naman ng notes ang teacher niya. At ang wirdo pa niyan ay kailangan nilang gumawa ng 5-page reaction paper tungkol sa lecture-kuno na dinikta lang naman ng titser niyang otsenta anyos na yata.

“It is the first treatise containing the first prohibition of parallel fifth or consecutive fifth. He introduced other time values such as the long, verve, semi-verve, and smaller note values.”

Kelangan ni Michael gumawa ng reaction paper. Yun lang ang nakaprogram sa utak niya. Pero hindi nakakundisyon ang utak niyang mag-isip, sumang-ayon, o kumontra sa sinasabi nung titser. Reaction, shet, reaction, 5 pages pa! Ni hindi pumapasok sa utak niya ang lecture na nagaganap. Walang nagrerehistro sa mata niya, sa utak niya. Parang computer na naghang ang utak niya. Wala siya sa classroom na 'to. Nasa harap ulit siya ng kanyang computer. ?PING. !PONG. Welcome to undernet. Please type /motd to view the message of the day. W sets +i to anakin. /Whois celine. Celine. There is no such nick. /Join #pinoychat. Celine r u der? /Join #chatmanila. Celine r u der? /j #teenchat /Join /Join /Join /Whois /Whois /Whowas /Whowas there is no such nick, no such nick, no such nick demmit, kulit mo no such nick nga e…wala dito…wala, Celine is dat u? Nope sorry /Whois !PING !PING wala dito nope nope not here! Anakin was kicked by Obi-wan (why do you keep on askin for celine) CELINE WER R U? CELINE WER R U? CELINE WER R U? CELINE WER R U? CELINE WER R U? Anakin was kicked by W, (excess flood). Please wait while your computer shuts down…It is now safe to turn off your computer.

“…Papers due tomorrow! Class dismissed.”

Hindi pa rin tumatayo si Michael sa kinauupuan niya. Puyat na puyat siya. May tatlo siyang reaction papers at wala siyang nasagap kahit ano. Kahit kapiraso. Sumasakit na ang ulo niya pero hindi pa rin siya dinadapuan ng antok.

“Okay ka lang 'tol? Parang bangag ka a? Nakainom ka ba?” Si Lloyd.

“Hindi. May iniiisip lang. May kailangang tapusin. Sige tol, kailangan kong magcomputer. May tinatype ako e.”

Alas tres na ng madaling araw at patay na ang lahat ng ilaw sa bahay nina Michael. Tanging monitor niya ang nagbibigay liwanag sa kuwarto niyang mainit kahit na naka-high-cool na ang kaniyang aircon. Hindi siya gumagawa ng reaction paper o ng assignment. Hindi siya nagreresearch ng mga idea o nung nilecture kanina para makahabol dahil nga sabog siya sa klase. Iba ang nireresearch niya. Music pa rin ngunit ibang music: Kung paano mangharana sa istilo ni Czerny gamit ang tikladong isa lang ang tunog--patuloy si Michael sa kanyang hunting. Isang oras lang ay nakabuo na siya ng isang haranang may isang tono. Isang oras lang ay namaster niya si Czerny.

Sa wakas, nagbunga ang isang linggo niyang pagpapakapuyat. May nakarinig sa malumay-kahit-mabilis na harana-concerto ni Czerny. Biglang may window na nagbukas sa monitor ni Michael:

[celine] hello, missed me?

Biglang tumigil ang musika ni Czerny. Tahimik ang kuwarto ni Michael. Tahimik ang bahay nila. Kahit kuliglig ng hatinggabi ay hindi sumisitsit.

[celine] u there?

Pinagpawisan nang malagkit si Michael. Nagdidilim ang kanyang paningin. Hindi niya alam kung nahihilo siya sa gutom o sa sobrang babad ng mata sa monitor o sa puyat. Hindi niya namamalayang hindi siya nakapagtanghalian at hapunan kanina sa kaaabang sa undernet at sa kahahalughog sa mga chatrooms. Sa wakas. Pagkatapos ng ilang araw, dumating ang kanyang hinihintay. Nagsimula ang 2nd movement ng concerto ni Czerny: Concerto in ASCII code major, opus 3 number 7.

Humahataw na sa lamig ang aircon ni Michael. Sinigurado niyang naka high cool ang aircon niya ngayon para hindi bumigay ang Pentium IV processor niya. Pero kahit na sobrang lamig sa kuwarto niya, tagaktak pa rin ang kanyang pawis. At parang nararamdaman ng kausap niya ang init sa tapat ng kanyang computer.

[celine] is it hot in here or what?

*celine takes off her shirt: “it's too hot in here.”

Tumutulin sa pagtipa si Michael. Daig pa niya si Mozart sa pagtipa sa tiklado. Sumasabay ngayon sa musika ng piyano ni Michael ang malamig na awit ng aircon. Nagdidilim ang paningin niya.

Shet…ayan na…heto na naman…

Nararamdaman niyang parang hinihigop ng monitor ang mga mata niya…hindi lang mata, ang ulo niya, ang buo niyang katawan. Nilalamon ng liwanag ng kanyang monitor ang dilim sa kanyang kuwarto. Ilang sandali lang ay balot na ng liwanag ang buo niyang paligid. Hindi niya alam kung delusyon lang ito ng gutom o ano. Wala na siya sa kanyang kuwarto. Ngunit nasa tabi pa rin niya ang kanyang kama at maliwanag na sa buo niyang paligid. At ngayon, hindi na siya nag-iisa. Nakaupo na sa kanyang kandungan si Celine. Naka-brang itim at nakashorts at may ngiting lalong nagpabato kay Michael sa kanyang kinauupuan.

[celine] hey, what's up with you? Stoned? Hihihihi

Nagtayuan ang mga balahibo niya sa tawang iyon. Umaagos na parang talon ang pawis mula sa kanyang noo.

Totoo ang sabi ni Lloyd. Kakaiba ang larong ito. Hinding hindi ito magagawa ng sa telepono lang. Tagisan ng mga pagnanasa. Isa itong sikolohikal na laro. Ang unang bumigay, talo.

*celine spreads her legs. (rrriiippp!) oops! Shorts too tight, ur move. Hihihi

Parang chess, si Michael na ang titira. Ngunit hindi tulad ng chess, hindi uubra ang mabagal mag-isip. Hindi uubra ang masusing pagpaplano ng istratehiya. Walang lugar dito ang matagal na panghuhula ng maaaring itira ng kalaban. Bawat galaw mo ay dapat na mabilis. Sagot agad sa tira ng kalaban ngunit dapat tiyak ang bawat galaw. Walang mali. Kailangan ng matalas na utak, mabilis na pagdedesisyon at higit sa lahat, ang musikal na talento ng tulad ng kay Czerny.

Hindi romantiko ang musika ni Czerny lalo na at tulin ng daliri ang hamon ng kanyang mga obra. Ngunit sa daigdig na lumalamon ngayon kina Michael at Celine, hindi mahalaga ang romantikong musika. Hindi kailangan ng mga kandilang nakasindi. Hindi kailangan ng mga pisikal na bagay upang i-set ang mood. Hindi kailangan ng mga pisikal na bagay para paluksuhin ang dugo ng isa't isa. Ang mahalaga ay talas ng isip at kalayaan ng diwa. Ang may pinakamalayang diwa ang siyang diyos sa daigdig na ganito. Siya ang nagmamanipula sa mga isip ng mga nagnanasang magpasakop dito. Kaya niyang ipaisip sa mga taong narito (kung tao nga silang lahat) ang mga nais niyang ipaisip sa kanila. Kaya rin niyang ipaisip sa iyo na hindi mo kayang mag-isip at siya na lang ang mag-iisip para sa iyo.

Sa pagkakataong ito, si Celine ang diyosa ng daigdig na pinasok ni Michael. Nakikipaglaro siya sa isang kalabang bihasang bihasa na sa larong ito. Baguhan siya sa ganitong laro. Hindi tulad ni Celine na isang hustler. Nakikipaglaro siya ng isang matinding sikolohikal na laro kahit alam niyang wala siyang kalaban-laban. Sinusubukan lang naman niya. One shot deal. Wala namang mawawala.

*anakin massages celine's long, soft, and smooth legs

[celine] hihihi. I am enjoying this. Are you?

Tumatayo ang balahibo niya tuwing maririnig niya ang tawang iyon. Pero hindi niya ito naririnig. Dahil sa daigdig na ito, hindi mahalaga ang tunog o ang musika. Mga pisikal na bagay iyan. Mga bagay na nasasagap ng mga pandama. Ang daigdig na ito ay isang paradox: hindi kailangan ng lahat ng iyong pandama upang magpakasensuwal.

*celine unzips anakin's fly…ur move…

Umiinit ang buong paligid ni Michael. Kailangan niyang tumira agad, kundi matatalo siya. Kailangan niyang mag-isip nang mabilis. Hindi siya dapat lamunin ng larong ito…hindi siya dapat magpatalo. Ngunit naninigas na ang buo niyang katawan. Hindi niya alam ang dapat ikilos, ang dapat isipin.

[celine] I'm waiting…

*anakin unhooks celine's bra…ur move hahaha

[celine] hey that's not fair, ur a bad boy…hihihi

Hindi niya alam kung naiirita siya sa tunog ng tawang iyon. Ngunit wala ngang tunog. Paano siyang maiirita? Dahil ba sa alam niyang wala siyang naririnig? O mas nakatatawa pa…wala siya talagang nakikita. Pero alam niyang may nakikita siya. Meron. Hindi pwedeng wala. Dahil kung wala, bakit siya nag-iinit nang ganito? Bakit siya pinagpapawisan ng ganito?

*celine removes anakin's shirt: ur sweating too much…ur move…

Eto na nga marahil ang kapangyarihan ng virtual na daigdig na ito--ang pinakamatinding paradox. Nag-aapoy ang lahat ng mga pandama ni Michael ngunit alam niyang hindi naman niya ginagamit ang lahat ng ito. Mga mata lang niya ang ginagamit niya. At haraya.

Ngunit may nagsasabi sa kanyang kalokohan ang lahat ng ito. May bahagi niyang nagsasabi sa kanyang panlilinlang ang lahat ng nagaganap. Ngunit hindi. Nakikita niya si Celine na nakaupo sa kanyang kandungan. Nakikita niya ang hubad nitong katawang pinakikintab ng malagkit nitong pawis. Nakikita niya ang hinaharap nitong nakaamba sa tapat ng kanyang mukha. At nararamdaman niya ang dahan-dahang paghubad ni Celine sa kanyang t-shirt.

[celine] c'mon…this game is for fast thinkers…

Rumaragasa ang dugo ni Michael sa kanyang mga ugat. Mabilis at parang galit na ilog ang kanyang dugo, umagos ito sa mga sulok na dapat nitong daluyan. Hindi kayang balutin ng malamig na ihip ng aircon ang init na lumalabas sa kanyang katawan. Kailangang tanggapin niya ang hamon. Hindi siya magpapatalo:

*anakin grabs celine by her shorts…

[anakin] watch out…

*anakin slams celine to his bed…ouch! that oughta hurt.

[celine] u animal u…ggrrrrr…

[anakin] ur move…

Hindi ito ilusyon o delusyon o kung ano mang maaaring itawag mo dito. Alam niya ang mga nangyayari. Nakikita niya ang lahat. Nakikita niya ang nakahilatang katawan ni Celine sa kanyang kama suot ang ngiti niyang nanunudyo sa kakayahan ni Michael na mag-isip. Nararamdaman niya ang init at ang pag-aapoy ng kanyang mga pandama…ng buo niyang katawan.

*celine takes off her shorts…ur turn

*anakin takes off his shorts…ladies first hehehe.

*celine crosses her legs…ur move

*anakin approaches the bed, crouches and spreads celine's legs: “check!”

*celine hides underneath the sheets.

*anakin slowly pulls off the sheets

*celine takes off her undies…hihihi

[celine] ur move

Natigilan si Michael. Ngayong nakikita niya ang lahat, mas lalong lumilinaw sa kanyang wala siyang nakikita. Ngayong nararamdaman niya ang buong katawan ni Celine, ngayong nakikita niya ang tumatagaktak nitong pawis, lalong lumilinaw sa kaniya na wala siyang nararamdaman…na wala talaga sa tabi niya si celine. Ngunit nagliliyab ang kanyang mga pandama at basang-basa siya.

[celine] u there?

[celine] alis na'ko tagal mong magreply eh

[celine] alis na'ko tagal mong magreply eh

[celine] alis na'ko tagal mong magreply eh

[anakin] wait!

[anakin] wait!

[anakin] wait!

[anakin] wait!

[celine] c urs when I c urs, bye…hihihi

[anakin] wait!

***celine has quit irc (as the saying goes: “if u can't beat them, ur a loser!” hihihi)

Naputol sa gitna ang concerto ni Czerny. Biglang dumilim ang buong paligid. Wala na siya sa daigdig na pinasukan niya. Ilaw na lang ng monitor ang bukas. Nasa loob ulit siya ng kanyang kuwarto. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya. Para siyang bahagi ng sistemang kanyang ginamit. Para siyang nawalan ng kuryente at nag-brown-out sa kanyang katawan. Nanlulupaypay si Michael. Sa gutom at kabangagan marahil. Basang-basa siya (ng pawis?). Alas dos na ng madaling araw. Kailangan na niyang matulog.

Please wait while your computer shuts down…

It is now safe to turn off your computer.

Maga pa rin ang kanyang mata sa pagpupuyat niya kagabi ngunit kahit paano'y mas payapa na ang kanyang utak. Nagkita na rin sila ni Celine sa wakas matapos ang isang linggo. Natatawa siya sa salitang nagkita gayong wala naman talaga siyang nakita. Hindi naman sila talaga literal na nagkita.

Kahit paano'y bumalik sa pagkanormal ang utak ni Michael. Nakabuti pala sa kanya ang sandaling pagkikita nila ni Celine. Kumalma ang kanyang isip at nabawasan ang kanyang pagkabalisa. Diretso na ulit at normal ang lakad niya papunta sa cafeteria.

Sa isang linggong paghahanap niya kay Celine, hindi naging maayos ang pagkain niya. Madalas siyang nalipasan ng gutom kaya't madalas ding hindi siya maka-concentrate sa klase. Kundi si Celine ang laman ng utak niya, hapdi ng bituka ang umaagaw sa atensiyon niya. At sa isang linggong abnormal niyang pagkain, hindi na yata kaya ng sikmura niyang kumain ng normal.

Pagpasok niya sa cafeteria, narinig niyang pinapatugtog ang isang pamilyar na bahagi ng Mikrokosmos ni Bela Bartok. Nagtataka siya at ganitong uri ng musika ang pinapatugtog dito. Dati-rati kasi, panay April Boy at Renz Verano ang tugtog sa cafeteria.

Nakita niya si Lloyd. Kasama niya ang ilan sa mga schoolmates nila na ka-chat rin ni Lloyd. EB yata ito. Nag-Eyebolan na sila. Hindi na sumama si Michael sa lamesa ni Lloyd. Una, puno na sila. Pangalawa, baka ma-OP lang siya doon. Pagkabili niya ng una niyang disenteng tanghalian matapos ang isang linggo, umupo siya sa lamesang malapit kina Lloyd. Dahan-dahan siyang kumain habang nakikinig sa usapan sa kabilang lamesa.

“Akala ko nung una babae ka kasi riverwind yung nick na ginamit mo e. Parang feminine ang dating sa akin,” sabi ng isang maputing babaeng kulay pula ang buhok kay Lloyd. Natawa lang si Lloyd.

“Speaking of akala, may naka-chat ako nung isang linggo. Sa simula puro pelikula ang pinag-uusapan namin saka Star wars. Napansin ko, baguhan lang pala sa pagcha-chat. E di pinagtripan ko na. Niyaya kong mag-cyber. Nung una nga nahihiya pa kasi wala daw siyang alam sa cybersex. Tapos garapal pala ang kamanyakan nun. E di niya alam lalaki ako.”

“Ano? Lalaki yung ka-cyber mo last week?”

“Pinagtripan ko lang naman e. Tawa ako nang tawa. Halatang wala pang alam sa pagcha-chat. At sobrang manyak ha…kung anu-ano ang pinagtata-type niya.”

“Anong nick ginamit mo?”

“Celine.”

Tumayo ang balahibo ni Michael sa batok. Sumama bigla ang sikmura niya. Sa tinagal-tagal niyang hindi kumakain nang normal, hindi na yata matatanggap ng sikmura niyang kumain pa. Tumingin siya sa kabilang lamesa. Si Lloyd ang nagkukwento. Bumaligtad na nang tuluyan ang sikmura niya at isinuka niya ang lahat ng kinain niya sa lamesa at sa kanyang pantalon. Nahihilo siya, naiiyak, nasusuka lalo, nilalagnat na yata siya. Gusto niyang umuwi. Gusto na niyang matulog nang mahabang-mahaba para mabawi ang isang linggong ipinuyat niya.

Please wait while your computer shuts down…

It is now safe to turn off your computer. 


Revised 5 November 2006.