Friday, June 04, 2010

Ang Gabi ni Ebang Bakulaw

(Isang mahabang love poem sa ilalim ng balite)


i. prologo: pagbukas at pagbulwak

bumubukaka ang dilim

sa dilat kong mata

upang masuyo ng aking hininga

ang pahapyaw na liwanag

ng ngiti sa pagitan ng iyong mga hita’t binti.

Bumubuka ang dilim

Bumubukaka ang lilim

Lumiliwanag ang anino

Kumukulo ang orgasmo

Nanginginig ang pandinig

Ng musika ng pagniniig

At panginginig

Sa saliw ng pagyanig

Ng malamig kong titig.

Bumubukaka ang dilim

Bumubuka ang dilim

Bumubulwak ang dugo

Bumubukas ang sulo

Bumubukas, sumisindi, lumiliyab, lumalagablab

Sa alab ng alapaap

na itim

sa pagbukas ng dilim

Lumalamig ang lambing

Ng labi at lambi

Lumalandi ang labi

Ng yumaong lambing.

Lumalamig ang dilim

Ng bukakang itim

Sa lambing at lambi

Ng labi at labi.

Bumubukaka ang dilim

Bumubuka ang lihim

Lumalamig ang kimkim

Na lilim ng lihim.

Nililimot ng lihim mo

ang pahapyaw na liwanag

ng ngiti sa pagitan ng iyong mga hita’t binti.

ii. bilog ang buwan sa ilalim ng balite

bilog ang buwan sa ilalim ng balite

busog ang dilim sa mga kuwentong maitim

dilat ang mata ko sa katititig sa iyo

o buwang madilim

o buwang malihim.

Bilog ang buwan sa ilalim ng balite

Pinupuno ng lunggati ang sabik kong ngiti

Binubusog sa orgasmo ang panaginip kong itim

Na bumuka sa mata ng dilim ng lihim.

Bilog ang buwan sa ilalim ng balite

Pinalalamig ng lilim ang yakap ng hangin

Hinihintay ko ang pagbaba ng paraluman

Hinihintay ko ang pag-awit ng buwan.

Dilat ang mata sa katititig sa iyo

O buwang madilim umawit ka ng mito :

Upang bumaba ang aking paraluman

At mamalas ang lihim ng mukha niyang bathaluman.

Dilat ang mata sa katititig sa iyo

O buwang malihim ibulong ang gusto

Ang langit, ang langit, sumisilay sa’yong singit

O paralumang diwata na ang mata ay singkit.

Bilog ang buwan sa ilalim ng balite

Hinihintay kong lumantad ang kanyang ngiti

Upang bumulwak ang pahapyaw na liwanag

ng ngiti sa pagitan ng iyong mga hita’t binti.

iii. Ebang bakulaw

Sasara ang bulaklak

Bubuka ang bulaklak

Lalabas ang reyna

Sasayaw ng cha-cha

Bum-ti-yaya ! Bum-ti-yaya! Bum-yeye!

Ang lahat ng pangit

Ay nagtatago sa dilim

Ang lahat ng lagim

Ay nagtatago sa itim

Ang lahat ng lihim

Ay nanlalamig sa lilim

Ang lahat ng lilim

Bumubulwak sa dilim

Ang buhok niya’y dumadaloy na araw,

Bawat hibla’y gabing pumapanaw.

Mga mata niya’y kristal na uniberso,

Ang kanyang hininga’y hinabing mga berso.

Ang kanyang labi’t ngiti’y eternal na dalumat,

Ang kanyang tinig at titig ay gintong alamat.

Ang kanyang mga pisngi’y dambana ng mga halik

Ang kanyang mga halik ay daungan ng pintig.

Ang mga mata ko’y kanyang inalipin

Nang siya’y bumaba sa punong madilim

Ang aking haraya’y kanyang kinakain

Nang siya’y pumanaog sa halamang malihim.

Bum-ti-yaya ! Bum-ti-yaya! Bum-yeye!

Bum-ti-yaya ! Bum-ti-yaya! Bum-yeye!

iv. sayaw ng alipin at bakulaw

walang kasing liwanag ang kanyang mga kamay

na aking hinawakan, hinagka’t, ikinampay

saka kami’y magkayakap at paikot na sumayaw

sa saliw ng awit ng hanging maginaw.

Walang kasing liwanag ang kanyang mga kamay

Idinampi niya ito sa pisngi kong walang kulay.

Pinahid niya ang luha ng paghihintay

At nangakong makikipagsayaw habangbuhay.

a.

idinampi niya sa pisngi kong walang kulay,

rikit at hiwaga ng kanyang mga kamay.

indak sa musika’y tulang dakila

sayaw sa dilim ay eternal na talinghaga

dahil lilim ng lihim ay maliwanag

epidemyang laganap ang ngiting binubunyag.

lason na ngiti’y dilim na kumakagat

ay ! ang kanyang tinig ay gintong alamat.

tulog pa ang umaga sa pagsayaw ng bakulaw

oras ma’y tumitigil sa kanyang pagpalahaw.

retasong tagpi-tagpi ang alaala ng gabi

relasyong kailan ma’y di malilimot sa ngiti.

ewan ko kung kailan ako dadalawin ng araw.

b.

ang alindog ng halimaw na bathaluman ang mukha

na tanging bumibihag sa puyat kong mga mata

ay di na magpapapatak ng kahit isang luha

at di na hahayaang ang mata ay magmuta.

nang siya’y pumanaog at kami’y magsayaw

sa saliw ng awit ng hanging maginaw,

ang kanyang mga pisngi’y naging daungan ng halik

oras ay tumigil sa bawat pintig ng dibdib.

c.

musikang eternal ang maayang nang-aakit,

alisan ng pangamba ang takot kong pumikit.

retasong tagpi-tagpi ang alaala ng gabi

ilaw sa pagsayaw ang namamanghang guni-guni

ewan ko kung kailan ako dadalawin ng araw

pag tuluyan na sigurong ang haraya ay pumanaw.

ulilain man ako ng talinghaga ng isip

yayakapin ko pa rin ang misteryo ng bakulaw

alilain man ako ng kanyang malihim na ngiti

tunawin man ako ng liwanag ng araw.

v. epilogo : isang love poem sa ilalim ng balite

Bubuka ang bulaklak

Lalabas ang reyna

Ang pag-ibig ko sa iyo

O Ebang bakulaw

Ay higit pa sa sangsang

Ng katas ng kakwate

Sa dibdib ng lungayngay

Na kalaliman ng gabi

Ngunit mas masarap pang

Ihambing sa tsokolateng

Tinunaw sa sarap

Ng kapusukan ng gabi.

Bilog ang buwan sa ilalim ng balite

Pinupuno ng lunggati ang sabik kong ngiti

Pumapanik na ang diyosang paraluman

Ngunit sabi niya sa aki’y di niya ako iiwan.

Bumubuka ang dilim

Bumubukaka ang lilim

Lumiliwanag ang anino

Kumukulo ang orgasmo

Nanginginig ang pandinig

Ng musika ng pagniniig

At panginginig

Sa saliw ng pagyanig

Ng malamig kong titig.

Hindi raw niya ako iiwan

Iyan ang pangako niya

Sa ilalim ng balite

Saksi ang itim na buwan.

Kaya’t ako ay nag-iwan

Ako ay nagpunla

Ng tatlong patak ng luha

Na inialay ko sa lupa

At sa aking pagtalikod

May umusbong na makahiya

At sa maputlang pisngi ko’y

May nagmarkang alaala.