Wednesday, December 14, 2005

Gabay sa Murang Pagbabalot ng Regalo
(para sa mga nagtitipid)


MGA MATERYALES:

1 Kahon
1 Lumang panyo o t-shirt na bigay ng ex-girlfriend
Mga lumang sulat ng ex-girlfriend
Scotch tape
1 Gunting
1 Pala
1 Krus na kahoy


MGA HAKBANG SA PAGBABALOT:

Isilid ang regalo sa pinakatagong sulok
Ng kahon
Lakipan ng luha
Bago takpan ng paglimot.
Tiyaking walang hanging papasok,
Hindi dapat matuyo ang luha bago mo isara
Upang manatiling sariwa sa alaala
Ang regalong padala.

Pilasin ang mga lumang sulat
Itira ang matatamis na tayutay at talinghaga
Saka ibalot nang marahan at buong pagmamahal
Sa kahon.

Gumupit ng kapi-kapirasog scotch tape,
Mariing idikit sa kahon ang mga sulat
Upang di makatakas
Ang luhang nagpupumiglas
Makalabas.

Balutin ng panyo o t-shirt na bigay niya noong Pasko,
Buhulin ang mga dulo:
Isiping ikaw ang regalong binabalot mo.

Pagkatapos,
Humukay ng may anim na dipa sa likod ng iyong bakuran
Doon ilibing ang regalong binalutan
Saka mo tabunan
Ng mga bagong alaala.

Tarakan ng krus ang pinaglibingan
Saka mo iukit ang kanyang pangalan.


13 Dec 2005