Tuesday, February 24, 2009

Love advice para kay Bartolome

Bartolome,

Hindi ka talaga sasagutin niyang nililigawan mo. Napaka-old school kasi ng mga tactics mo. Wala nang gumagawa ng ganyan. Sa panahon ngayon, lahat ng bagay, nagtaas na. Nagtaas na ang gasolina, nagtaas na ang presyo ng bigas at mga bilihin, nagtaas na ang pamasahe, at lalong nagtaas na rin ng standards ang mga babae. Hindi na uubra yang siopao at kalachuci mo. Lalo na yung huli mong binigay, hopia at santan. Ano ba pare? Ano’ng era ka ba pinanganak?

Pero don’t worry. It’s not too late. May pag-asa ka pa. Hindi pa naman siya kinakasal at di pa niya sinasagot yung crush niya na basketball player. Kahit lamang siya ng sampung paligo sa’yo, daanin mo sa utak at creativity. Dahil aminin na natin, iyon na lang talaga ang pag-asa mo. Heto, bibigyan kita ng mga simple, tried and tested na mga regalo para di siya mapurga sa hopia at siomai. Sundin mo ‘to, tiyak na lalaglag ang bagang niya sa’yo. Mga medyo more than your usual regalong panligaw:

1. Bili ka ng century tuna. Ilagay mo sa isang napakalaking box—yung sinlaki ng TV o kaya box ng desktop PC mo. Tapos balutan mo ng magarang pambalot. Kuntsabahin mo na yung teacher niya sa Calculus. Sa gitna ng klase, bigla kang kumatok sa classroom. Pero dapat, incognito ka. Magsuot ka ng LBC jacket, magshades, at magsuot ng surgical mask. Pagpasok mo sa classroom, iabot mo yung box sa teacher, at papirmahin mo ng acknowledgement receipt. Tapos pabuksan mo in front of everyone. Tignan mong mabuti ang reaction sa mukha niya.

Later during the day, pag tinanong niya kung bakit Century Tuna ang binigay mo, iikot mo yung lata at ituro mo yung sign na “Omega 8.” Pag tinanong niya kung ano yung Omega 8, sabihin mo: “because you’re good for my heart.”

2. Mangolekta ka ng isang dosenang hanger na libre mong nakukuha tuwing nagpapa-dry clean ka. Tapos, sa bawat hanger, isula mo: “I miss hanging out with you.”

3. Instead of roses, kuha ka ng tissue paper sa banyo ng school mo. Gawin mong tissue paper roses. Gawa ka ng isang dosena. Pag-abot mo, sabihin mo, “Ganito kalinis ang pag-ibig ko sa’yo.”

4. Bili ka ng tetra pack ng mantikang Minola. Tapos bilugan mo yung “with Omega 8.” Hindi na siya magtatanong kung bakit.

5. Bigyan mo ng ice cream cone. Dapat cone lang at walang ice cream. Pag hinanap niya yung ice cream, sabihin mo, “natunaw na kakatitig sa’yo.”

6. Bili ka ng sandosenang box ng crayola. Kolektahin mo lahat ng black. Lagay mo sa isang box ng crayola. Sa likod, isulat mo: “Walang kulay ang buhay kung wala ka.”

7. Bigyan mo siya ng mumurahing bumbilya. Alam mo na siguro by this time kung ano ang isasagot pag tinanong niya kung bakit.

8. Itext mo siya ng: “Hindi tayo tao, hindi tayo hayop, hindi tayo halaman. Bagay tayo. Bagay!”

9. Bigyan mo siya ng calling card ng MMDA. Sa likod, isulat mo “para pag nagkabanggaan ang puso natin.”

10. Padalhan mo ng Happy Meal pero huwag mong ibibigay yung libreng laruan. Paghinanap niya, sabihin mo: “Ako yung freebie, at ikaw yung meal na nagpapahappy sa’kin.”

Pag hindi ka pa niyan sinagot, ewan ko na lang.

Monday, February 23, 2009

Call the shot


Directed by X Vallez
Assistant Director: Javi Abola
Director of Photography: Dom Nuesa
Production Design: Issa Lopez
Starring the MDAFI Basic Batch 2008-2009 and MDAFI alumni

Sunday, February 22, 2009

Once you go black, you can't go back

Nag-aalangan ako dati na magswitch from PC to Mac. Una, alien ang interface para sa akin dahil nasanay ako sa PC. Namulat ako sa 286 na computer na MS DOS ang kausap ko. Nasanay akong nagtatype ng “DIR” para malaman ang nilalaman ng floppy disk ko at mag-enter ng “PROMPT GWAPO AKO: $g” para magpasikat sa seatmate ko sa IT-Lab. Pangalawa, mahal ang Mac kumpara sa PC. Pero sa huli, hindi na ako nakatiis. Hindi ako eksperto sa Mac pero heto ang ilan sa aking mga dahilan kung bakit pagkatapos kong bumili ng black Macbook, masasabi ko nang: “Once you go black, you can’t go back”

1. Gumugwapo ka pag Mac ang gamit mo. Sabi nila, the best daw ang Macbook kung multimedia artist ka, web designer, lay-out artist, film and video editor, lalo na writer. Sulit daw ang Macbook kung freelance artist ka dahil sa state-of-the-art capabilities nito. Sa totoo lang, kahit wala kang trabaho, kahit di ka freelancer, kahit tambay ka lang, bagay na bagay sa’yo ang Macbook. Punta ka sa Starbucks or sa Seattle’s best, labas ka ng notebook at magsulat-sulat ka kunwari for a while. Maya-maya, pag nagpasukan na ang mga kolehiyala at mga hottie na yuppies, time to bring out your baby. Garantisado, hot ka na rin! Pag nilabas mo ang Macbook mo, mukha ka na ring angst-ridden, eccentric, genius, introspective, freelance artist. Kasing gwapo ka ng gear mo. Dahil mukhang sophisticated at elegante ng design ng iyong macbook, sophisticated at elegant ka na rin.

2. Magmumukha kang mayaman sa Mac. Sure, mahal ang Macbook. Actually, namumulubi ako ngayon dahil sa binili kong Macbook. Cup Noodles na lang ang almusal ko, skyflakes na lunch, at ChocNut na dinner ang tinitira ko para lang mabayaran ko ang inutang ko pambili ng Macbook ko (Take note, hindi ito laptop, its called a Macbook). Pero okay lang. Hindi halatang naghihirap ka na kapag kaharap mo ang iyong hi-powered Mac. Hindi lang siya mukhang mamahalin (dahil talagang mahal siya), amoy mamahalin pa siya! Kahit freelance writer ka lang o multimedia artist na isang kahig, isang tuka, magmumukha kang highly-paid creative director ng isang ad agency dahil Mac ang gamit mo sa paggawa ng brochure ng karinderya ni Aling Pacing.

3. Pang-bobo at Technophobe ang Mac. Kung wala kang alam sa computer, kung takot ka sa technology, kung bano ka operating systems, sa internet, sa pagdo-download, kung napag-iiwanan ka na ng panahon, this is the machine for you. Sobrang simple ng disenyo hindi mo kailangang pag-isipan kung ano ang pipindutin, kung alin ang kakalikutin, kung saan hahanapin ang kung-anu-ano sa computer mo. Walang right click, isang pindutan lang. Walang scroll bars, dalawang daliri lang ang gamitin mo para magscroll. May eject key sa keyboard para sa mga CD mo. Kung may di ka mahanap, type mo lang sa Spotlight sa upper right corner ng screen mo, hahanapin niya sa computer mo, pati sa internet, hahanapin niya, maging file man o dictionary definition pati nawawala mong pusa, kaya niyang hanapin.

4. Conducive to Creativity ang porma ng Mac. Dahil sa hayop na GUI ng leopard OS X, kahit hindi ka artistic, mapipilitan kang gumawa ng artistic na bagay. Ibang klase ang GUI ng Mac. Mabusisi ang bawat icon sa dashboard mo, pambihira ang animation, napakasarap titigan ng interface. Kung laos kang multimedia artist or beginner ka pa lang o di kaya’y amateur, magiging pro ka in less than two weeks katititig mo sa hinayupak ng Graphical User Interface ng iyong Macbook. Sabi nga nila, palibutan mo ng magaganda ang isang pangit, gaganda na rin yon. So kung feeling mo, hindi ka creative; kung pakiramdam mo, pangit kang gumawa ng art, don’t worry! Katitingin mo sa puro maganda sa screen mo, masasanay kang puro maganda ang ginagawa mo.

Ilan lang ito sa mga dahilan kung bakit hinding hindi na ako babalik sa PC. Maliban na lang kung mahold-up ako kapoporma ko sa Seattle’s Best at mapilitang bumili ng second hand na laptop na may Windows 95 para lang mairaos ang mga freelance work ko. Ayoko nang magmukhang jologs angst-ridden starving artist (kahit totoo). Kung may mga Metrosexual, sa Macbook, mukha kang Technosexual.