Saturday, April 09, 2011

Minsa’y Dinaratnan Ko Ang Iyong Anino


Minsa’y dinaratnan ko ang iyong anino
sa dati nating tagpuan. Sinisiyasat niya
ang mga dating bakas ng ating yapak
na tinubuan na ng makahiya. 
Nagdadalawang-isip akong lumapit
sapagkat baka bigla itong umalis
sa kagyat na liwanag kong tangan-tangan.
Hindi ko maaninag ang kanyang luha.
Ito ba’y dahil anino rin itong nagkukubli
mula sa liwanag ng alaala? O dahil wala
siyang naipong luha mula sa mga awit at dalit
ng pagdadaop ng ating mga palad?

Minsa’y hinihinala kong ako’y kanyang sinusundan
sapagkat madalas ko siyang masumpungan
sa lahat ng mga dati nating nilalakaran.
Siya ba’y lumilimot o nagbubura
ng nakaraan? Siya ba’y lumilikha 
na ng mga bagong aapakan?

Minsa’y tinangka ko siyang sundan
sa pag-asang uuwi siya sa’yong kandungan.
Ngunit pinigilan ako ng mga alaala
ng ‘yong ligalig at kapusukan
at minumulto ako 
ng mga hinaka kong imahen na may kung ano’ng
bagong halimaw na umiidlip sa iyong kandungan.
Babalikan ko na lamang ang ating mga nilakaran
at tatamnan ng mga bagong tayutay 
ang lupang ating tinapakan.
Wala akong maididilig kindi mga panis na luha
ng panghihinayang. Baka sakaling maawa
ang lupa sa mumunting sustansyang hatid ng aking pangungulila,
at aasa akong may uusbong na mga tula.

Minsa’y dinaratnan ko ang iyong anino
sa mga madidilim na sulok na ating dinayo;
sa mga liblib na sentimiyentong pinagkublihan
natin ng mga hipong sikreto, mga nakaw na halik,
at mga kiming bungisngis. Di ko tiyak kung
naroon siya upang bawiin ang mga pangakong
ating iniukit sa dilim,
o silipin kung pinuslit ko na ang mga lihim natin
At tuluyan nang inilibing.
Aalis siyang walang dala,
ako’y magtatago upang di niya makita
ang aking pag-iisa. 

Minsan.

Minsa’y naglakas loob akong lapitan ang iyong anino
sa dati nating tagpuan, sa ilalim ng puno ng ligalig,
sa kalibugan ng buwan, sa harap ng mga nangungutyang kuliglig.
Kinuyom ko sa aking palad ang bitbit kong liwanag
ng alaala, nang hindi siya mabigla sa aking pang-uusisa.
Siya’y aking tinapik nang marahan, tulad ng malumanay na pagdapo
ng aking palad sa balikat mong pagod 
na sa pagbubuhat sa munti nating mundo.
Siya’y lumingon
at nagpakilala
na siya’y hindi iyo
kundi
anino kong nagluluksa.

Sunday, April 03, 2011

Tula Para sa Sarili

Nasumpungan kita sa harap ng salamin.
Binabagtas ng iyong dalumat ang bawat bakat,
bawat lamat at pilat ng tatlong dekadang paghahanap
sa balon ng buhay na walanghanggan,
na nakatato sa iyong noo, sa iyong pisngi, sa iyong mukhang
tinatabingan ng iyong buhok na pinahaba upang matakpan
ang iyong mga kasalanan.

Kay tagal nating hindi nagkita bagamat lagi tayong magkasama.
Hindi madalas ang pagsisiyasat natin ng haraya
ng isa't isa. Ngayo’y tinititigan mo ako na puno ng pag-aakusa
sa walang pakundangan kong pagpikit at pagbubulag-bulagan
tuwing tinatawag ang ating pansin ng mga salaming ating nadaraanan.
Ano ba'ng dapat kong ikatakot, iyong pinagtataka. Bakit ganoon na lamang
ang aking panghihilakbot na lumaot sa karagatan ng salamin?
Ano'ng mga halimaw at bakulaw ba ang hinahaka kong nag-aabang
sa mga alon? Ano'ng multo, ano'ng maligno ang hinihinala kong nagtatago
sa dalampasigan ng mga basag na liwanag? Hindi ba't ipinagkakait ko sa iyo
ang kalayaang sakupin ang aking daigdig sa pag-iwas
kong sumulyap sa iyong mga mata?

Nasumpungan kita sa harap ng salamin na iyong bintana
sa aking haraya, at aking bintana sa iyo. Napadaan ako para mangamusta
at basahan ka ng ilang mga tulang ninakaw ko mula sa ating pagkabata.
Alam kong uhaw ka na sa mga talinghaga bagamat lagi kang basa
ng liwanag sa karagatan ng repleksiyong basag-basag. Tinanong mo ako
kung ako'y takot pa ring makipagpalitan sa iyo ng pwesto
ngunit ang tugon ko'y isang duwag na "lagi naman kitang kasama
saan man ako tumungo."

Ang sabi mo'y ang mga bakat, lamat, at pilat ay di iyo kundi akin,
at ako ang uhaw, hindi ikaw, dahil lagi kang basa ng alaala't pangarap.
Hindi iyo ang sinisiyasat kundi ang mga sarili kong guhit
ng edad, mga titik sa noo kong sumisigaw ng mga tayutay
na hindi ko ginagapos sa dahil sa takot, mga talinghagang hindi
ko hinahaplos upang magbagong-anyo at lumapat sa kaluluwa
kong pagal sa kaiiwas na magtampisaw sa iyong dalampasigan.

Hindi kita nasumpungan, kundi sinadya. Narito ako para mangumpisal
sa likod ng tingin mong mapanghusga. Narito ako para magpasintensiya
at sa wakas ay angkinin ang mga kasalanang pilit
mong tinatakluban ng pinahaba mong mga alaala.
Sinadya kita sa salaming bintana natin sa kaluluwa ng isa’t isa
dala-dala ang mga bangkay ng mga tulang aking pinaslang
habang hindi pa sila isinisilang—balot ng buntung-hininga’t panghihinayang.
Ilalatag ko ang mga ito sa iyong harapan, sa walang-katapusang daang binuksan
ng pakikipagtitigan ng ating mga mata sa basag na liwanag
at pahuhugasan ang mga walang buhay nilang basal na anyubog
sa paro’t paritong mga alon ng mga hinarayang liwanag.
Ibinabalik ko na sila sa iyong laot sa likod ng salaming bintana
at ngayo’y tatanggapin ang panghuhusga ng iyong mga mata.

Sa pag-alis ko’y hinihintay ko ang iyong pag-abswelto.
Ika’y ngumiti at ako’y inayang muling makipagpalitan sa iyo ng pwesto.
Palasap naman ng hangin ng Laguna, ng hampas at sampal ng malamig na awit
ng mga ulap na sinasabayan ng indayog ng mga punong kahoy. Patikim naman
ng mga tulang may amoy, may porma, may lasa. Nais mong maintindihan ang metapora
ng natutunaw na chicharong bulaklak sa iyong dila habang naka-marijuana
ang iyong konsiyensiya. Parinig naman ng panaginip ng buwan, ng bangungot ng araw,
ng mga ninakaw na alaala ng kapre’t tikbalang. Paamoy naman ng pawis sa singit ng birheng
tanaga, ng sangsang ng hininga ng bagong-silang na dalit, ng samyo ng bagong-paslang
na malayang taludturan. Alok mo sa aki’y pagpapatawad kapalit ang mga ito.

Nasumpungan kita sa harap ng salamin.
Iminumuwestra mo sa aking mukha ang simbolo ng krus ng pagpapatawad,
habang dumudura ka ng berso ng kapatawaran.
Lumuluha ako ng duguang berso sa pagsisisi sa aking karuwagan
habang inaanod sa iyong dalampasigan ang mga bangkay ng tula
patungo sa walang-katiyakan. Handa na akong makipagtagisan ng lakas at talino
sa anumang multo o maligno na nakatago sa ilalim ng mga dayandang
sa iyong ibayo. Handa na akong sumiping sa sinumang bakulaw o halimaw
na nagkukubli sa iyong dalampasigan.
Hindi ko babasagin ang bintanang salamin, at hindi ko mamasamain
kung paminsan-minsan ay lilimutin mong tumingin kapag tinatawag ko
ang iyong pansin. Lasapin mo ang daigdig na matagal nang dapat ay iyo;
na ngayon mo lamang tinutuklas dahil sa karuwagan ko,
ako ngayo’y lalangoy sa laot kasama ang mga naagnas kong tula
at paminsan-minsa’y mag-aabang sa salaming bintana ng ating mga kaluluwa
para sa mga pasalubong mong mga tula ng iyong panunuklas
sa balon ng buhay na walang hanggan na susuklian ko
ng mga awit ng aking panghaharaya’t pagtatangkang tumakas.


-Juan Ekis
3 Abril 2011