Tuesday, June 23, 2009

Kapeng Barako Chronicles: Paano kung mahal na kita?

Kapeng Barako Chronicles are sketches, monologues, "doodles", drafts, thoughts, etc. that I crafted in helping flesh out the characters. I'll be posting them once in a while in my attempt to clarify the play to myself and expand the universe (for possible prequels and sequels).

Anyways, for those who have read my first draft of the finished version, this is Joel's internal monologue before he collapsed in front of Anna, right before he dropped the bomb. This monologue was never part of the play and will never be uttered. But this might help the actor understand what is going on inside Joel's head when he was about to confess his feelings to Anna.

More to come. Enjoy!

---

JOEL:

Araaaaaay! Putangina nakikipagsabayan pa ang sikmura ko sa sakit ng puso. Sinabi na nga bang nasobrahan na ako ng kolesterol sa katawan. Sa dinami-dami ng mga araw na tatamaan ako ng acid reflux, ngayon pa, sa harap mo. Putangina lang talaga.


Matinding apoy, kumukulong asupre na lasang bile. Sikmura ko ba talaga ang sumasakit o puso ko ang nagrereklamo sa sakit ng rejection na isasampal sa akin. Alam ko na naman ang ending ng kwentong ito. Alam ko na namang basted ako. Alam ko na namang walang patutunguhan ito. Kaya siguro winawarningan ng sikmura ko...humilab ka lang nang humilab: sige! Mabuti nang pisikal na masaktan para hindi mo mapansin ang sakit ng damdamin na aabutin mo mamaya pagkatapos mong sabihin sa kanya ang lahat.

Oo. Lahat.

Siyempre sasabihin ko sa'yong ngayon ko lang ito naramdaman. Pero ang totoo, matagal na. Sintagal ng paghilab ng sikmura kong hinayupak. Bakit kasi kailangan ko pang magkaroon ng sikmura? Bakit hindi na lang osmosis? Tangina! Ang hilig ko kasi sa maalat at mataba! Man cannot live by bread alone! But with Chiggy's jumbo liempo!

Pero kelangangan kong magkasikmura. Para masikmura ko ang mga sasabihin ko sayo kahit hindi masikmura ng kaluluwa kong aminin ang mga bagay na dapat nilulunok na lang...para iutot.

Mahal kita.

Siyempre sasabihin ko sa'yong ngayon ko lang narealize.

Hindi ako si Pinocchio na hahaba ang ilong pag nagsisinungaling. Sumasakit ang sikmura ko pag nagsisinungaling. Nagsisinungaling ako sa'yo ngayon.

Noong nagkwentuhan tayo tungkol sa kung ano ba ang art at ang artist. Noong tinanong mo sa akin: paano kung mainlove ka sa isang hardcore artist? Noong aminin mo sa akin na gusto mong mainlove sa isang artist. At naisip ko: teka, artist ako ah?

Noong magkaklase pa tayo sa copywriting and creative direction. Noong ako ang artist mo at ikaw ang copywriter ko. Noong parati tayong nananalo sa weekly plates ng prof natin. Noong maghiwalay tayo ng landas at magsell-out ka at naiwan ako para maging starving painter.

Noong tinext moko ng "Pst. Ui, kinilig nakita pix ko!" dahil alam mong lumalabas ang picture mo pag nagtetext ka sa phone ko. Noong mag-usap tayo tungkol sa buhay habang naglalakad lang sa Shaw Boulevard. Noong nagtitigan lang tayo at tumunganga sa open air ng Shangri-La habang umiinom ng Gilbey's premium. Noong gabing sinabi ko sa'yo na wag nating dalasan kasi baka may mabuo at tinawanan mo lang ako. Noong nireto kita kay Roger kasi type na type ka niya kahit di mo siya trip at nabadtrip ka sakin kasi iniwan kitang kasama siya...

Noong masyado ko nang niloloko ang sarili ko.

Dahil hindi ka pa tapos kay Ed.

Tangina. Masakit.

Hindi sa puso. Kundi sa sikmura.

Ipapatanggal ko na ang sikmura ko. Dahil mas gusto kong puso ko na lang ang sumakit.

Parang dighay na ayaw ilabas. Kelangan ng kremil-s o mas matinding droga para makawala. Siguro, pag nasabi ko na nga, kasabay na ring mawawala ang sakit ng aking sikmura.

Paano nga?

Paano nga kung mahal na kita?