“Eto ang best part ng trip, sa expressway. So smooth, so wide, ang liwa-liwanag.”
Malayo sa NLEX ang biyahe ng play na ito. Mula nang naisipan naming ito ang isadula, hanggang sa mga problemang naengkwentro namin sa biyahe, siguro, sa baku-bakong service road kami napadaan. Hanggang sa pagsusulat ko nitong ilang mga tala tungkol sa produksiyon, hindi pa kami nakakapasok sa expressway. Hindi pa naming nararating ang smooth, wide, at maliwanag na bahagi ng biyahe.
Maraming lubak, humps, kupal na driver, at mga pedestrian na hindi gumagamit ng overpass ang nasalubong namin sa aming paglalakbay. Noong una, napili namin ang dulang ito dahil akala nami’y madali lang ang “Sa North Diversion Road.” Tutal, dalawang artista lang ang kailangan. At lagi lang silang nakaupo sa kotse. Ngunit tulad ng kahit anong biyahe, marami kaming harang na nasalubong sa daan.
Anuman ang mga lubak na iyon, pilit naming nilalampasan at tinatandaan upang maging bahagi ng aming edukasyon sa teatro. At bawat araw ng aming ensayo, lalong humihirap ang biyahe. Hindi pala madali ang dulang ito. Kailan ba naging madali si Tony Perez? Napasubo ata kami. Pero tinanggap namin ang hamon ng dula ni Tony Perez. Hindi kami titigil hanggat hindi naming nabibigyang buhay ang drama sa diyalogo ng batikang mandudula.
“Sa lawak ng pag-ibig ko, baka maligaw ka lang…”
Una akong na-inlove sa mga gawa ni Tony Perez nang mabasa ko ang “Sierra Lakes.” Naging matagumpay ang aking unang pagtatangkang idirehe ito sa tulong ng dulaang ROC. Mula noon, kinulekta ko na ang mga gawa ni Tony Perez at sinubukan ko siyang gayahin sa aking mga sinusulat. Inspirasyon si Tony sa dalawang paborito kong isinulat—ang “Twenty Questions” at ang pinakabago kong dula, “Kapeng Barako Club: Samahan ng mga Bitter,” na kapwa ipalalabas sa darating na bagong taon. Iba ang karisma ng mga karakter at ang talim ng sagutan sa mga dula ni Tony Perez. At lalo kaming nagulantang sa bigat ng “Sa North Diversion Road.” Hindi siya pambata. Hindi siya pang-amateur. Hindi siya pang-bagito.
Bagaman ang temang tinatalakay ng dula ay tungkol sa pangangaliwa ng may-asawa, na malayo sa saklaw ng karanasan ko at ng aking mga artista, ang higit na tumawag sa aking atensiyon ay ang tema ng pag-ibig at pagpapatawad. Higit sa tema ng pangangaliwa, mas tumimo sa aking kamalayan ang diskusyon ni Tony Perez sa iba’t ibang mukha ng pag-ibig at pagpapatawad. Hindi ko tiyak kung ito ang tesis ni Perez. Ngunit ito ang direksiyon ng biyaheng aming sinimulan. Ito ang basa namin sa mapa ng script. Walang kapatawaran, kung walang pag-ibig. Walang pag-ibig kung walang kapatawaran. Sa lahat ng uri ng relasyon, madaling itinatapon n gating mga bibig ang salitang pag-ibig ngunit bihira natin itong naiintindihan. Sa pagkakataon lamang na sinusubok ito ng mas malaking pag-ibig, ng pagtataksil, o ng kamatayan laman natin ganap na mabibigyang linaw ang konseptong ito. Dito lamang siya tunay na maiintindihan. At hanggat hindi natin nararanasan ang magpatawad sa kasalanan sa pag-ibig, hindi natin ito lubos na mauunawaan. Sa bahaging ito, nang malinaw namin ito sa aming pag-intindi ng malawak na haraya ni Tony, doon lamang kami nakalabas sa expressway. Sana nga’y tuluy-tuloy na ang biyahe. Sana’y makarating sa huling exit.
“Magkwento ka naman, Tony. Ano’ng iniisip mo?”
Ang dulang ito ay koleksiyon ng sampung diyalogo tungkol sa pag-ibig, pagtataksil, at kapatawaran. Higit sa lahat, ito ay pag-uusap ng dalawampung kaluluwa, pag-intindi sa dalawampung puso at isip. Higit sa lahat, ito ay pagtatalik ng dalawang kamalayan patungo sa dulo ng malawak na daan ng pag-ibig. Inaanyayahan tayo ng dulang itong makisama sa biyahe patungong hilaga, kung saan nakaturo ang lahat ng bagay—sa hilaga, sa true north, na destinasyon ng lahat…sa pag-ibig. Mararanasan lamang natin ang salimuot at luwalhati ng paglalakbay na ito sa pamamagitan ng pag-urirat sa isipan ng mga karakter, sa pamamagitan ng pakikipagkwentuhan sa kanila.
Kung gayon, maupo kayo’t magrelax. Mauupo rin sa harap ninyo ang mga tauhang likha ni Tony Perez. Kasama ng mga bumubuo ng ACASIA at ASTIG, uupo rin kami, tayo’y magkwentuhan habang bumibiyahe patungong hilaga…patungo sa pag-ibig.