Thursday, February 04, 2010

Sakura

Some years ago, i went on a haitus from theater. I think it was around three years of writers' block. Some say it was caused by depression due to the "sais incident." I think I just made that excuse coz I was lazy to write or didn't find the drive to do so.

In anycase, sometime in those 3 years, I'm not sure if it was before or after the great depression (must be before or during), i wrote this short play. Cholo thinks both characters should be played by women. I'm still considering it.

I'm pretty sure I wrote it even before I read or was aware of Tony Perez's "Sa North Diversion Road."

Sakura
dula ni Juan Ekis


MGA TAUHAN

KATHY 20 anyos na dalaga
NICKY 24 anyos na binata

TAGPO

Sa loob ng isang kotse.

Hatinggabi. Nagda-drive si Kathy. Umiinom ng beer in can sa passenger seat si Nicky.

KATHY Grabe lang talaga kanina. Biruin mo anim na oras akong nagda-drive. Nakakaburaot talaga. Tignan mo nga itong braso ko o. (ipapakita ang kaliwang braso) Ito lang kaliwa ang nasunog. Itong kanan hindi. E pano, ganito ako magdrive, etong kaliwa lang ang naaarawan. (Matatawa)

NICKY (Wala sa sarili) Ano’ng oras kayo umalis?

KATHY Umalis kami, tanghali na, alas dose na. Haba apat na oras kami papunta dun. Alas kwatro na kami nakarating. Konting swimming, alis din kami ng five thirty...six...kaya ngayon lang kami nakarating. Okay nga yung beach na pinuntahan namin e. Kinse pesos lang. Okay na rin. Malinaw yung tubig, yun nga lang may lumulutang na oishi.

NICKY Oishi?

KATHY Oo lalagyan ng oishi. Tapos may napkin pa—panty-liner pala. Kadiri. Tapos sa may malayo may diaper. Yuck. Bukod dun sa tatlong lumulutang na ‘yon, malinis naman yung beach. Clear yung tubig.

NICKY Ano bang pagkakaiba ng panty-liner saka napkin?

KATHY Yung panty-liner, mas manipis, yung pang-araw-araw.

NICKY Ah...

KATHY Tapos wala pang katau-tao. Kami lang apat.

NICKY Apat?

KATHY kasama namin yung kabarkada naming bakla.

NICKY Ah.

KATHY Kami lang tao dun pero nung maliligo na kami, pambihira dumami bigla yung mga lalaki. Bobosohan pa yata kami.

NICKY (Matatawa pero pilit) Talaga?

KATHY Hindi nga ako makaligo nang maayos e. Wala kasing banyo doon na panlalaki saka pambabae. Sina Ivy at Leah basta na lang nagshower. Ako nag-igib pa ako at naghanap ng tagong lugar. Its either that o hindi na lang ako maliligo. Tarantado yung mga lalaki dun, sinusundan pa kami, balak talaga kaming bosohan.

Matatawa si Nicky.

KATHY Naalala ko nga nung nagbeach din kami nung mga blockmates ko. E di naglalasingan kami sa beach. May bonfire—kumpleto. Tapos sa may gilid kasi, may parang mahabang bakod. E ang layu-layo ng cottage, ihing-ihi na ako. Pumunta ako sa gilid tapos nagtago ako. Dun ako iihi sa may pader. Tapos nung huhubarin ko na yung shorts ko, nakita kong palapit si Brian. Yuko naman ako. (Matatawa) Tapos bumalik pa uit si Brian. Hinahanap yata ako, gusto yata akong bosohan. (Matatawa)

Matatawa si Nicky.

Tahimik. Iinom sa lata si Nicky.

KATHY Kanina pa kayo?

NICKY Mga 8. Akala ko nga di ka na darating e.

KATHY Pambihira naman kasi yang traffic na yan e.

NICKY Ganyan talaga diyan. Tuwing Lunes ko nadadaanan yang North Luzon pag papunta kaming Pampangga. Mga tatlo-apat na oras biyahe namin.

KATHY Buti nga kayo Pampangga lang e.

NICKY Every Monday naman. Last week nga ako nagdrive. Grabe, ganun pala ang magdrive sa ganoong traffic. Magku-quit na nga ako sa yosi, napayosi tuloy ulit ako sa stress.

KATHY Ako rin nga e. Yosing-yosi na ako kanina. Wala pa naman akong mabilhan. Ang layo ng gas station. Alam mo yun? Sobrang bagal parang prusisyon ng mga langgam ang traffic. Kaliwang paa ko na nga ang ginagamit ko sa pagda-drive. Buti nga itong sasakyang ito ang dala ko. Kung yung RAV4 yung dala ko lugi ako sa gas. At least ito Diesel. Buti na lang. Wala na kasi kaming pera lahat e.

NICKY Anlakas ng loob nyo ring magbeach no? Wala naman kayong pera.

KATHY Sakto-sakto nga lang yung pera namin e. Tapos kanina, sa Chowking kami nagdinner. Sila Leah sobrang pa-demure pa, wanton lang ang inorder. Ako talaga lumamon ako. Kundi ka ba naman magutom sa ganong traffic e.

Tahimik. Uubusin ni Nicky ang beer. Itatapon niya ang lata sa labas ng bintana.

NICKY Sa May pala, magfo-Fontana kami ng barkada ko, gusto mong sumama?

KATHY (automatic) Sige.

NICKY Talaga?

KATHY Basta walang summer class okay. Pero kung may summer wag na.

NICKY Friday naman aalis e. Hanggang Sunday. Ako rin may klase sa May. Magtuturo ako ng Lit.

KATHY Saan?

NICKY Sa atin.

KATHY Lit?

NICKY Sa Highschool. Program ng School of Education. Bibigyan nila ng summer classes ang top students ng Pasig. Ako magtuturo ng Lit.

KATHY Astig.

NICKY So sama ka?

KATHY Sige.

Ngingiti si Nicky.

Tahimik.

KATHY So, sa’n ka nagcelebrate?

NICKY Nag-lunch lang ako with my family. Tapos nagsine kami ni Ian. Tapos naki-party ako kina Cholo. Ayos nga e. Nakatipid ako ng celebration. Nagpa-advanced party si Cholo. Nakikain na lang ako dun. Tapos diretso kami dun sa org party.

KATHY Ayos ka rin a.

NICKY Pauwi na nga ako nung dumating ka. Sabay dapat ako kina Charisse.

KATHY Oh, bakit—?

NICKY E Nagpasama ka e. Saka ayoko pa ring umuwi. Pinauna ko na sila. Sa’yo na lang ako sasabay.

KATHY Sige.

NICKY Ibaba mo na lang ulit ako sa Boni.

KATHY Sige.

Tahimik.

KATHY Ano’ng ginawa ninyo sa party kanina? Marami bang nangyari?

NICKY Wala naman. Toma, yosi, kantahan. May video silang pinakita.

KATHY Ano yung year-ender presentation?

NICKY Hindi. Parang compilation ng mga activities ng buong taon. Nakakatawa nga e.

KATHY Ano’ng oras umalis sina Cheska?

NICKY Maaga. Maaga siya umalis.

KATHY Ano pang nangyari?

NICKY Ayun, naghahagisan sila sa pool. Si Allan nga nakakatawa, may hawak na kutsilyo. Siya na lang yata ang hindi pa naihahagis sa pool.

KATHY E ikaw?

NICKY Sino namang mangangahas? Di naman kami close.

KATHY Matanda ka na kasi.

NICKY (Sarcastic) Salamat ha.

KATHY Ako okay lang na itapon nila. Buti may dala akong pang-swimming!

Tahimik. Titingin si Nicky sa labas ng bintana.

NICKY Ano’ng oras tayo uuwi?

KATHY Sandali lang tayo dun. Tambay lang sandali tapos uwi rin.

Mahabang katahimikan. Titignan ni Nicky si Kathy. Mag-iisip si Nicky.

NICKY Huwag na tayong tumuloy doon.

KATHY Ha?

NICKY Wala na namang ibang darating doon e.

KATHY E saan tayo pupunta?

NICKY Tagaytay tayo.

KATHY Okay ka lang? Hello! Anim na oras na po akong nagda-drive!

NICKY Ako na magda-drive.

KATHY Ayoko. Saka pagod na’ko.

Tahimik.

KATHY Next time na lang. Pag may oras.

Tahimik.

KATHY Saka pinapauwi na ako ng Nanay ko. Sabi ko sa kanya nagswimming lang kami sa hotel.

NICKY Saang hotel?

KATHY Sabi ko hindi ko pa alam. Basta hotel sa Manila.

NICKY Hindi ka talaga nauubusan ng palusot.

KATHY Sabi nga ng nanay ko, hindi nga ako nauubusan ng excuses e.

NICKY Mauubusan ka rin. (Tatawa)

KATHY Hindi mangyayari yon no. Nag-iiba ang ginagawa ng mga tao araw-araw. Kapag may nagbago sa’yo, may bago ka na ring palusot. (Matatawa)

NICKY Makakarma ka niyang ginagawa mo. (Matatawa)

Tahimik.

KATHY Bakit ba lagi mo akong kinukulit magtagaytay?

NICKY Masyado na ba akong makulit?

KATHY Medyo lang.

NICKY Wala lang. Miss ko lang sigurong mag-road trip kasama ka.

Tahimik. Nakatingin lang dalawa sa kalsada.

Titignan ni Nicky si Kathy.

NICKY (Kunwari pabiro) Hindi mo ba ako na-miss?

KATHY Hinde. Marami akong ginagawa e.

Tahimik.

KATHY Kailangan ko munang magpa-gas. Baka mahalata ng tatay ko na maraming akong na-consume. Ano pa bang kailangan ko—tubig.

Tahimik. Liliko sila. Hihinto ang kotse. Papatayin ni Kathy ang makina.

KATHY (Bubuklat ng wallet) Heto, bili mo ko tubig.

NICKY Hindi. Ako na. May brand ka ba?

Bababa ng kotse.

KATHY Kahit ano. Basta distilled.

Lalabas si Nicky.

KATHY Manong malambot ba sa likod?

Bababa rin si Kathy. Lalabas ng stage.

KATHY (OFFSTAGE) singkwenta diesel. Ha? Wala kayong barya? (Sisigaw) Nicky! May barya ka sa five hundred? May barya ka ba? Ha? Mamaya na lang pagbalik mo. (sa gas boy) Manong baka naman may barya kayo diyan, wala na talaga akong barya e. Sige, tatanong ko na lang yung kasama ko pagbalik.

Tahimik. Papasok ulit ng kotse si Kathy. Maghahanap ng barya sa bag.

KATHY Baka meron dito, teka.

NICKY (OFFSTAGE) Ano’ng sabi mo?

KATHY May barya ka sa five hundred?

NICKY (OFFSTAGE) Wala e. Bakit?

KATHY Wala akong barya e.

Lalabas muli ng kotse si Kathy.

NICKY Magkano ba papagas mo?

KATHY Singkwenta lang.

NICKY Eto na.

Papasok si Nicky sa kotse. Uupo siya sa passenger seat.

NICKY Tubig mo nasa gilid.

KATHY (OFFSTAGE) Thanks!

Tititigan ni Nicky ang driver’s seat na parang mayroon siyang katabi.

Tahimik.

Titingin si Nicky sa harap. Nakatulala.

NICKY (Sa sarili) Tangina.

Hihinga siya nang malalim. Kukuha ng yosi. Magsisindi sana.

KATHY (OFFSTAGE) Bawal dito hoy!

NICKY ‘O nga pala. Sorry.

Ibabalik ni Nicky ang yosi. Tahimik. Titingin siya sa labas ng bintana niya. Mamasahihin niya ang kanyang ulo.

Sasakay muli si Kathy.

KATHY Thank you, Manong!

Aandar ulit sila.

KATHY Tubig ko?

NICKY Diyan sa gilid.

Tahimik. Kukunin ni Kathy ang tubig niya. Bubuksan niya pero di niya mabuksan.

KATHY Pakibukas nga.

Bubuksan ni Nicky ang tubig. Pero iinom muna siya. Iaabot niya ang tubig kay Kathy. Iinom si Kathy.

Magsisindi ng yosi si Nicky.

Mahabang katahimikan.

NICKY May exams ka pa?

KATHY Removals na lang.

NICKY Kelan?

KATHY Bukas.

NICKY Ayos. Buhay ka pa.

KATHY (Matatawa) As usual, hapit.

NICKY Tapos magrereklamo ka kung bakit ka bumabagsak.

Tahimik.

NICKY Kamusta yung paper mo sa Philo?

KATHY Pinasa ko na lang yung paper ko sa Lit.

NICKY Ano?

KATHY Pasok naman e. Okay lang yon. Wala na akong mapiga sa utak ko e.

NICKY Sabi ko naman sa’yo tutulungan na kita e. Tawagan mo lang ako.

KATHY Ano ka ba? Okay lang ako no! Saka ayokong nakakaperwisyo ng mga tao. Ayokong makaabala.

NICKY Hindi mo naman ako inaabala a.

Pause. Titignan ni Nicky si Kathy.

NICKY Sinabi ko bang inabala mo ako?

Tahimik.

KATHY Salamat.

Pause.

KATHY I mean, as much as possible kasi, ayoko ng—

NICKY Okay na. You’re welcome na.

Mahabang katahimikan.

KATHY Hinahanap ka sa’kin ni Sir Joel kanina.

NICKY O bakit daw?

KATHY Wala lang. Ba’t di ko daw kasama ang boyfriend ko. (Matatawa) Bakit ba pilit siya nang pilit na boyfriend daw kita?

Hindi sasagot si Nicky.

KATHY Pati nga si Sir Richard tinutukso ako sa’yo e.

NICKY (Matatawa) Si Richard?

KATHY Oo. Sabi ko nga, “bakit ba? Hindi ba kami pwedeng magsama nang hindi kami?”

Matatawa lang si Nicky.

KATHY Bakit?

NICKY May crush sa’yo si Richard.

KATHY Ha?

NICKY Kilala ko ‘yun. Kaklase ko dati yun e.

KATHY Hindi kaya. Kilala ko yung crush nun.

NICKY Pustahan?

KATHY Ano ka ba?

NICKY Pumasa ka ba sa finals mo sa kanya?

KATHY Oo naman. 85 ako sa kanya.

NICKY Hindi ka ibabagsak nun.

KATHY So feeling mo hindi ko kaya yung subject niya, ganun?

NICKY Ikaw na ang nagsabi sa’king wala kang kaalam-alam sa mga tinanong niya nung finals. Di ba kinuwento mo, ni hindi mo nasagutan ang kalahati?

Pause.

NICKY Yihee.

KATHY Gago. Tumigil ka nga.

Matatawa si Nicky.

Magsisindi ng bagong yosi si Nicky.

KATHY Pahithit nga.

Isusubo ni Nicky ang yosi kay Kathy. Hihithit si Kathy. Tapos, si Nicky naman ang hihithit.

Tahimik.

NICKY Nag-“I love you” ka ba kay Jess?

Tahimik.

NICKY I mean, yung face to face. Hindi sa sulat, so text, or sa phone?

Tahimik.

KATHY Wala akong naaalalang ginawa ko yun.

Tahimik.

NICKY Ako rin. I never said it to anyone. To her face at least.

Tahimik.

NICKY E sa sulat? Sa fone? Sa text?

KATHY Walang “I”.

NICKY Ano’ng pagkakaiba?

Mahabang katahimikan.

NICKY So, sasama ba si Anne sa Cebu?

KATHY Ewan ko nga sa kanya e.

NICKY Excited ka na ba?

KATHY Oo no. Bihira yung magsama-sama kaming buong pamilya.

NICKY Buo kayo? Wow. Himala.

KATHY Oo nga e. Sana masaya.

NICKY Masaya yan.

KATHY Sana hindi sila mag-away.

Mahabang katahimikan.

KATHY Ano’ng iniisip mo?

Hindi sasagot si Nicky.

KATHY Tangina pinag-aaralan mo na naman ako.

Tahimik. Ngingiti si Nicky.

KATHY Hindi nga? Ano’ng iniisip mo?

NICKY Ewan ko. Tingin mo?

KATHY Ewan ko.

Tahimik. Ngingiti si Kathy.

KATHY Ano’ng iniisip mo?

NICKY Pareho siguro ng iniisip mo.

Titignan ni Kathy si Nicky. Titingin din si Nicky. Titingin muli si Kathy sa daan.

NICKY Ano’ng iniisip mo?

KATHY Ikaw muna.

NICKY Naalala ko lang yung tagaytay. Yung last month. Nung pinuntahan ninyo ako sa Tagaytay.

Pause.

NICKY Iniisip ko yung malamig na hangin. Nasa helipad tayo. Full moon. Nakahiga ako sa lap mo. Nagyoyosi tayo. Sinasampal ako ng hangin.

Matatawa si Kathy.

KATHY Ako iniisip ko kung nag-mature na nga ako. Kung nagbago na nga ako.

Pause.

KATHY Kung nagbago man ako, isa ka sa dapat kong pasalamatan.

Pause

KATHY Tingin mo nag-mature na ako?

NICKY Marami ka ring pinagbago. May bago ka na namang palusot e.

Magtatawanan ang dalawa.

KATHY Marami na akong utang sa’yo.

NICKY Beer lang ang kapalit nun.

Matatawa si Kathy.

Matagal na katahimikan.

Bubuksan ni Kathy ang radyo ng kotse. Dance Music. Mapapaindak si Kathy.

Ililipat ni Nicky ng istasyon. Rock. Titignan ni Kathy si Nicky nang masama.

KATHY Kotse ko ‘to.

Titignan lang ni Nicky si Kathy.

NICKY So?

Tahimik. Makikinig sila saglit sa Rock music.

KATHY May ipaparinig ako sa’yo.

Magsasaksak ng CD si Kathy. Bob Marley.

NICKY Sino ‘yan. Astig ah.

KATHY Bob Marley.

NICKY Astig. Trip ko ‘to.

Matagal, makikinig lang sila kay Bob Marley habang naghe-head bang. Pagkatapos ng ilang sandali, papatayin ni Nicky ang radyo. Tahimik.

NICKY May ibibigay pala ako sa’yo.

Kukunin ni Nicky ang wallet niya. May kukunin siyang dahon.

NICKY I think they are Sakura leaves. Pinitas ko siya nung pumunta kami sa Kamakura. Alam mo ba, pagdating namin dun, last day of summer. Paggising ko the next day biglang lumamig, autumn na. Galing nga e, nagpapalit na siya ng kulay, tignan mo, red na yung edges nung pinitas ko.

KATHY Sakura? Patingin nga.

Iaabot niya kay Kathy.

KATHY Gagi. Ang sakura, cherry blossoms. Sa spring yun nagbu-bloom. Japanese Maple yan. Sa autum nagpapalit ng kulay.

Matatawa si Nicky.

NICKY Ganun ba?

Kukunin ni Kathy ang dahon.

KATHY (Matatawa) Salamat ha.

Pause.

KATHY Parang for one second there, you were kinda cheesy.

Pause. Matatawa ang dalawa.

KATHY Yuck.

Mahabang katahimikan. Bubuksan ulit ni Kathy ang radyo. Balik kay Bob Marley.

NICKY Hindi na siguro ako babalik sa party.

KATHY Ha?

NICKY Uwi na lang ako.

Tahimik.

KATHY Seryoso ka?

NICKY Oo. Pwedeng ibaba mo na lang ako sa EDSA?

KATHY Wait lang...

Pause.

KATHY Bakit?

NICKY Inaantok na siguro ako.

KATHY Sure ka? Okay ka lang?

NICKY Oo naman, ano ba?

Pause.

KATHY Fine.

Pause.

KATHY Drop na kita sa Boni, di na rin ako tutuloy sa party. Uwi na rin ako.

NICKY Ano ka ba?

KATHY Hindi, pagod na rin ako.

Mahabang katahimikan. Magsisindi ulit ng yosi si Nicky.

KATHY Pahithit nga.

Papahithitin ni Nicky si Kathy. Matagal na katahimikan. Nakatingin lang sila sa daan.

Tulala si Nicky hanggang maubos ang yosi sa kamay. Titigil ang sasakyan.

KATHY Sige, bye. Mwah-mwah!

Hindi gagalaw si Nicky. Nakatingin lang siya sa malayo.

KATHY Huy. Boni na.

NICKY Oh. Bye, ingat.

Magtatanggal ng seatbelt si Nicky. Lalapit si Nicky kay Kathy. Hahawakan niya ang ulo nito at hahalikan niya si Kathy sa noo. Bababa ng kotse si Nicky.

NICKY Salamat.

KATHY Ingat ka.

Lalabas ng entablado si Nicky. Patuloy sa pagdadrive si Kathy.

Fade out.

5 comments:

  1. hmm... mukhang mas interesting nga kung pareho silang babae. :)

    ReplyDelete
  2. onga x, mas interesting nga kung pareho sila babae. bakla ka kasi eh!!!:) bwahahahaha!

    ReplyDelete
  3. tangina mo sinabi nang sikret lang natin yun eh

    ReplyDelete
  4. come out of the closet na kasi. para maging masaya ka na bukas.:)

    ReplyDelete
  5. Hoy X!!! GRRRRR!!! Naalala ko ito. Hmp! Bakla ka!

    ReplyDelete