Minsan sa anim na taon, nagiging politikal ka. Di mo alam kung bakit. Pero bigla na lang, madali kang mag-init, maging passionate, maging madaldal kapag ang usapan ay politika na. May napipisil kang kandidato. Tingin mo siya ang nararapat. At napipikon ka bigla kapag ang mga kaibigan mo ay boboto ng iba.
“Tangina bakit ‘yan? E bobo naman yan?”
“Iboboto mo ‘yan dahil lang sa pangalan ng magulang niya? C’mon!”
“Galing at Talino? E bakit pumili ng artistang incompetent na running mate?”
“Eh mayabang masyado ‘yan! So full of himself”
“Magnanakaw naman ‘yan eh. Ginagawang business ang gobyerno.”
Sangkatutak ang post mo sa facebook, twitter at tumblr. Pinagsisigawan mo kung sino ang iboboto mo at kung sino ang di dapat iboto.
“Siya ang iboto natin! Tiyak ang asenso! Giginhawa tayo! Tapos ang kahirapan! Walang korupsiyon!”
Punung-puno ka ng pag-asa. Punung-puno ng apoy. Minsan sa anim na taon, nagiging politikal ka.
Pupunta ka sa presinto. Suot ang kulay ng kandidato mo. Boboto ka na.
Dalawa ang resolution pero iisa ang ending ng kwento mo:
Una. Nanalo ang kandidato mo. Ang saya-saya mo. Nagpost ka ulit sa lahat ng social networking site mo: “Tangina nyo! Panalo kami!” Proud na proud ka sa kandidato mo. At malaki ang tiwala mong magbabago ang Pilipinas dahil sa kanya.
Pangalawa. Natalo ang kandidato mo. BV ka. Nagpost ka ulit sa lahat ng social networking site mo: “This country deserves its leaders.” Bitter ka. Feeling mo wala na tayong pag-asang bumangon pa.
Alin man ang resolution, ito ang ending mo:
Babalik ka sa gawain mo araw-araw. Gigising, mag-aalmusal, maliligo, maghahandang pumasok. Papasok sa opisina, magtatrabaho, magrereklamo sa tambak ng trabaho at sa kakupalan ng boss mo. Di ka makahintay mag ala-singko. Uuwi, mabubuwisit sa trapik, isusumpa ang Pilipinas, mangangarap na mag-abroad. Darating sa bahay, manonood ng balita. Mabubuwisit sa Pilipinas. Kakain, matutulog.
Maghihintay ka ulit ng susunod na eleksiyon para maging politikal.
At sa tuwing mabuburat ka sa sitwasyon ng bayan mong pinakamamahal, tuwing natatrapik ka o manonood ng balita, kahit minsan, hindi mo naisip, na ikaw ang may kasalanan.
Dahil minsan ka lang sa anim na taon may pakialam.
-juan ekis