Thursday, May 13, 2010

Anino

Tanghaling tapat noon kaya akala ko’y iniwan niya ako. Mag-isa kong tinatahak ang mainit at mabatong kalsada. Isang pagtutumbalikan ang mga ganoong sandali: nagtutunggali ang init at alisangsang ng paligid—ang sumisingaw na usok sa mga batong nagkalat sa daan, ang kahungkagan ng kalsada’t kawalan ng mga punong masisilungan, ang kawalang-hanggan ng abot-tanaw na kulay araw magmula sa’king talampakan hanggang sa kanyang sinapupunan—at ang lamig ng paglalakbay sa ganitong paligid…nang nag-iisa.



Malakas ang hangin ngunit mainit at tuyo. Nangungutya ang hampas nito sa aking pisngi at imbis na pawiin ang uhaw ng aking balat, lalo itong nang-aasar upang mapikon ang aking balat at lumuha ng pawis—na imbis na makapawi rin ng uhaw ay nakadaragdag sa alisangsang ng paligid, sa pandidiri ko sa sarili at sa pakiramdam kong di-mapakali. Sa mga ganitong sandali, lalo ko siyang hinahanap.



Dahil nang magsimula akong maglakbay ay siya ang aking sinusundan. Di ko man tiyak ang aming patutunguhan ay sa kanya ko ipinagkatiwala ang landas ng aking mga talampakan. Bulag kong inaapakan ang kanyang mga bakas at buong pagtitiwalang sinusundan ang landas na siya lamang ang nakaaalam.



Nang magsimula kaming maglakbay ay malamig ang simoy at ramdam mo ang halik ng hamog. Ngunit mainit ang pakiramdam sapagkat dalawa kaming naglalakbay. Hindi tulad ngayong nagtatayuan ang aking mga balahibo sa lagkit ng pawis at lamig ng sikmura. Sa sikmura ko nga ba ito nararamdaman? Noon, sinusundan ko ang bawat hakbang niya, ang bawat liko, ang bawat iwas sa lubak, ang bawat pagtawid sa mga lansangang nagkukrus at mga nagsasangang-daan. Bulag ako. Siya ang aking mata.



Tanghaling tapat noon kaya akala ko’y iniwan niya ako. Nang namalayang kong buhat-buhat pala niya ako sa aking buong paglalakbay sa katanghaliang-tapat. Buhat niya ang bawat hakbang ko patungo sa kung-saan. Naibsan ang lamig ng aking sikmura nang matanto kong hindi pala ako nag-iisa.



Saan ba tayo pupunta? Hindi niya ako sinasagot o marahil hindi lang ako nakikinig nang tama. Ngunit ramdam ko na ang sagot niya sa aking mga tanong ay hindi na dapat sinasabi pa. Ang pagbuhat niya sa aking mga yapak ay sapat nang sagot sa misteryoso naming paglalakbay. Lubos ang aking pagtitiwala sa kanya. Mula nang umagang kami’y nagsimula—nang siya’y nasa aking harapan, hanggang sa tanghaling buhat niya ang aking mga paa. Marahil ayaw niya akong mapagod sa aming napakahabang paglalakbay.



Kahit kailan ay hindi ako lumingon sa aking pinanggalingan. Sabi nila’y hindi raw makararating sa paroroonan ang mga gayon. Ngunit ang paglalakbay na ito ay pasulong lamang. Walang puwang sa paglingon, sapagkat ang bawat hakbang ay pagtitiwala lamang sa aking sinusundan noong umaga, at sa bumubuhat sa akin noong tanghali. Ang paglingon ay pagdududa sa mga likong kanyang tinahak para sa akin. Ang paglingon ay pagkuwestiyon sa kanyang mga desisyon. Ang paglingon ay kawalan ng utang na loob.



Kulay pula na ang kalsadang pinaglalatagan ng aking mga yabag. Mas malakas na ang ihip ng hangin—parang buntong-hininga ng pagod na araw. Tanda ito ng kanyang pagpapaalam at antok. Lalong lumamig ang aking sikmura nang matanto kong wala na ang bumubuhat sa aking mga yapak.



Iniwan niya ako nang tuluyan. At dama ko ang lamig ng pag-iisa. Ngayon ay di ko alam kung saang landas ako tutungo, kung saang kalsada liliko, kung aling kalye ang tatawiran at kung aling daan ang iiwasan. Ngunit patuloy ako sa ‘king paglalakbay nang hindi alam kung saan ako tatahan.



Binalutan ako ng takot, pangamba, at pagdududa sa aking naging paglalakbay. Saan niya ako dinala? Bakit niya ako biglang iniwan? Siya na pinagkatiwalaan ko ng aking mga paa, siya na pinagkatiwalaan ko ng aking mga mata, siya na gabay ko, na init ng aking sikmura. Pero nasaan siya? Wala.



Sa paglalakbay kong pasulong lamang, kung saan ang paglingon ay pagbawi ng pagtitiwala, lumingon ako. At sa aking paglingon, nakita ko siyang tinutulak ang aking mga paa sa daan na dapat kong apakan. Tumigil siya ngunit patuloy ako sa paglalakad. Agad akong nagtaka. At sa muli kong paglingon, ako’y nahulog sa bangin na hanggang ngayo’y hindi ko pa nararating ang kaila-ilaliman.

No comments:

Post a Comment