Mabibilang sa daliri ng kamay mo ang mga nagtangkang tumingin. Ang iba’y panakaw, ang iba’y habang kausap. Lahat sila’y iisa ang kinahinatnan—nawawala sa sarili, nabaliw, nilayasan ng katinuan. Ngunit ang lahat ng ito ay mga kwento pa lamang—mga sabi-sabi, haka-haka. May nakapagsabing anim sa mga binatilyong bigla na lang nawala sa sarili ang biktima ng sumpa ng kanyang mata.
Nariyan si Roni, barkada ko, na-admit sa mental last sem. Catatonic na raw sabi ng nanay—hindi nila matukoy ang dahilan. Si Christian, ang presidente ng student council, bigla na lang hindi pumasok. May balita raw na parating kinakausap ni Christian ang sarili. Si Lloyd, nagsasalita ng German sa Philo class namin. Nadismiss. Pati teacher, nabiktima. Si Dr. Alcantara, ang teacher namin sa Bio, pinagresign na ng Dean. Bigla na lang kasi itong kumakanta ng kanta ni April Boy sa gitna ng lecture niya. Nahuli ito minsan ni Dean na kumakanta ng “Ikaw Pa Rin” sa gitna ng lecture niya tunkol sa DNA. At ang pinakamatindi, si Yorrick na Captain ball ng varsity—ayaw nang pumasok dahil sa paranoia. Pakiramdam niya, parating may gustong pumatay sa kanya. Pinadala ng tatay sa rehab dahil napagkamalang nagdodroga. Ilan lang sila. Ilan lang sa mga naunang nagtangkang pumorma o manligaw. Ilan lang sa mga nagtangkang tumingin sa malalalim niyang mga mata. Lahat sila nabaliw.
Ngunit walang nakapagpatunay na siya nga ang dahilan ng mga nangyari. Walang makapagbigay ng pruweba na may sumpa nga ang mga mata niya. Gayunpaman, kahit mga haka lang ang mga ito, wala na sa aking mga kaibigan ang sumusubok na makipagtitigan sa kanya. Dahil wala pa, kahit isa sa mga nagtangka, ang nakaligtas mula sa sumpa ng kanyang mga mata.
Isa ako sa mga nagtangka.
Nakilala ko si Ana sa gala night ng huling play na ginawa ko sa University. Pagkatapos ng curtain call, sa gitna ng mga congratulations, yakapan, at sigawan, sa gitna ng mga nag-iiyakang cast members, nakita ko siyang papalapit sa akin.
Alam ko na agad ang unang dapat kong gawin. Kailangan kong umiwas ng tingin. Ngunit hindi na maiiwasan ang pagtatagpong ito. Lumapit siya sa akin para i-congratulate ako. Agad kong ipinako ang mga tingin ko sa kanyang nakapagtutulalang ngiti.
“I loved it. It’s probably the darkest play I ever saw...”
“I’m taking that as a compliment.”
“I meant it to be. By the way, my name’s Ana.”
“I know...”
Hindi ko alam kung ano itong pinapasok ko. Nakita ko ang ilan sa mga cast and crew ko na natigilan, napatingin sa direksiyon namin ni Ana. Parang sinasabing: “Huwag kang titingin sa mata, Huwag sa mata!”
“It’s nice meeting you. Iwan na kita. I don’t want to steal you from your company.”
Pero noong sandaling iyon, hindi ako takot mabaliw. May kakaibang misteryo ang bumabalot sa katauhan ni Ana. May kakaibang panghatak, kakaibang balani. May humihila sa aking manatili sa tabi niya kahit na alam kong kabaliwan ang gawin iyon.
“If you’re not busy tonight, we’re having our cast party at my place...you might wanna join us...you know...for booze and stuff...”
Ginantihan niya ako ng ngiti. “I’d love that.”
Sa New York lumaki si Ana. Bumalik siya dito sa Pilipinas dahil may kinailangang asikasuhin ang kanyang Nanay. Dito niya tinapos ang kalahati ng kanyang high school at dito na rin niya balak tapusin ang kanyang kolehiyo. Bunso siya sa tatlong magkakapatid. Senior Manager ang ate niya sa isang kilalang bangko sa Makati samantalang ang kuya niya, o kuyang-ate, ay nasa kung saang sulok ng Malate, tumutugtog ng gitara sa gabi, ibang instrumento naman sa madaling-araw.
Si Ana ang paborito ng kanyang ina na gabi-gabi niyang kasama maliban lang ng gabing iyon. Maliit pa si Ana nang namatay ang tatay niya. Binaril ang tatay ni Ana sa harapan niya. Nagmamaneho noon ang tatay, katabi siya sa harap. Red light—huminto ang kotse sa isang intersection, nang bigla na lang, may isang lalaking naka-shades ang tumapat sa bintana ng kanyang tatay, tinutukan ng baril sa ulo, at pinaputok. Hindi niya maalala ang naramdaman niya noon. Bata pa siya masyado para maalala. Hindi rin niya naintindihan kung ano ang nangyari. Pero hindi niya kailanman malilimutan ang mukha ng lalaking bumaril sa kanyang ama.
Malayo ang narating ng kwentuhan namin. Mula sa pamilya, eskwela, mga hilig, bisyo, barkada, hanggang lolo’t lola. Humanities pala ang kinukuha niya, major in literature kaya sobrang interesado siya sa mga writers ng school. Matagal na pala niyang sinusubaybayan ang mga sinusulat ko.
“This is your most angst-ridden play.”
“Hindi naman talaga ako angst-ridden. Maloko lang talaga akong magsulat.”
“So are you working on any new plays?"
Habang lumalalim nang lumalalim ang aming pag-uusap, lumalalim na rin ang tama namin. Marami kaming natutunan tungkol sa isa’t isa, marami na rin kaming alkohol sa katawan.
“Labas tayo,” aya ko.
Iniwan namin ang tropa sa bahay. Kalahati sa kanila’y lasing na, may ilang sabog sa tsongki, at nakita ko na ring lumabas ng kuwarto ko ang lead actor at actress ng play ko.
Binaybay namin ang malamig na kalsada na iniilawan ng malamlam na titig ng buwan.
Hindi ako makapaniwala, na kasama ko ngayong gabi ang pinakamaganda, pinaka-seksi, pinakamaputi, pinakamakinis, pinaka-“M”—lahat na ng “M”—mabango, mapulang labi, misteryosa, mahabang buhok, mayaman, mabait, malusog at malaman... Ang pantasya ng bayan, ang pinakapatok, ang pinakamabenta sa market, ang pinakaaabangan sa takilya, ang cover girl at centerfold ng school organ, ang dream kepyas ng mga seniors, ang di-mahawak-hawakan, di matitig-titigan.
Pero hanggang pantasya lang kaming lahat. Hanggang isip lang. Dahil sa takot sa sumpa. Pero ngayon, kasama ko siya, naglalakad kami, nagkukwentuhan, nagpapalitan ng mga sama ng loob, ng mga pangarap, ng mga buntong-hininga, ng katahimikan. Minsan, mas malalim ang makipagpalitan ng katahimikan kaysa ng mga karanasan.
Medyo hilo na kami pero nakapako pa rin sa isip ko ang isang bagay: “Huwag kang titingin sa mata, huwag sa mata.”
“Are you scared of me?” Bigla niyang tanong.
Hindi ko inasahan ang tanong na iyon. Pareho na kaming medyo nahihilo. Kumapit siya sa braso ko at inihiga ang ulo sa aking balikat.
“Is it true?” Tanong ko.
Ginantihan lang niya ako ng ngiti. Hindi ko man tukuyin, alam niya kung ano ang tinatanong ko.
“What do you think?”
“Tingin ko, totoo.”
Hindi ko alam kung ano’ng pumasok sa kukote ko. Nasobrahan na siguro ako sa alkohol. Hinawakan ko ang mukha niya, nakapako pa rin ang mga mata ko sa kanyang labi. Dahan-dahang dumampi ang init ng aking labi sa kanyang labi habang hinahawi ng aking dila ang kurtina ng kanyang pag-aalinlangan. At sa loob ng isang mahabang sandali, nalunod kami sa dilim ng sandaling pagkurap ng buwan. Naghiwalay ang aming mga labi, at wala nang gustong dapuan ang aking mga mata kundi ang kanyang tingin. Noong gabing iyon, naligaw ang aking ulirat sa lalim ng kanyang mga mata.
Iyon ang huli naming pagkikita bago siya umalis.
Hindi na muli ako nakarinig mula noon galing sa kanya. Hindi ko na siya nakita sa campus. Nabalitaan ko na lang sa isa niyang kaibigan na bumalik na siyang New York. Tapos na siguro ang inaasikaso ng kanyang Nanay. Umalis siyang walang paalam, nang hindi tinatapos ang kanyang mga sinimulan.
Hindi ko alam kung dapat kong ikatuwa ang pananatili ng aking katinuan matapos ang gabing iyon. Hindi ko alam kung napatunayan kong sabi-sabi lang ang sumpa tungkol sa kanyang mga mata o nakaligtas ako mula rito. Nakaligtas nga ba ako? O hinayaang makaligtas? Pero minsan naiisip ko na mas mabuti na lang ang mabaliw. Minsan, sinasabi ko sa sarili, na mabuti pa’ng wala ka sa sarili kaysa malaman mo kung ano ang hindi mo naangkin—ang hindi mo na maangkin.
Hindi ko na ulit nahanap ang labing iyon. Iyon ang halik na kung saan ihahambing ko ang lahat ng mga halik na aking naangkin, at matatanto kong wala ni isa sa kanila ang makatatapat dito.
Sinubukan kong hanapin kay Shiela, ang naging lead actress ng sumunod kong dula—ang una kong dula sa labas ng pamantasan. Commercial model si Shiela pero gusto niyang matutong umarte kaya siya sumali sa acting workshop ni binibigay ko pag summer. Hindi siya talaga marunong umarte. Pero nang makita ko siya, sabi ko sa sarili na kaya ko siyang paartehin. Walang taong walang talent. Kahit hindi ka marunong umarte, kaya kitang paartehin. Lalo na ang isang commercial model na katulad ni Shiela.
Hindi talaga makuha sa kahit na ano’ng workshop si Shiela. Hindi siya uubra sa entablado. Gusto ko mang kunin siyang bida ng dula ko dahil siya ang hitsurang hinahanap ko, kahit sinong walang alam sa teatro ang magsasabing gago ang direktor kapag ipinagpilitan siyang maging artista.
Alam ito ni Shiela. Dumating ang auditions. Alam niyang di niya ako madadaan sa santong dasalan, kaya dinaan niya ako sa santong paspasan. Sa mas malambot na entablado siya nag-audition sa akin. Papasa na. Marami pala siyang “theater” experience.
Bago ako bumangon sa kama, hinalikan ko si Shiela, hinahanap ko ang labi ni Ana. At tumitig ako sa kanyang mga mata, hinihintay na maligaw ang aking ulirat.
Iyon na ang huling paglabas ni Shiela sa entablado.
Sinubukan kong hanapin kay Mary Ann. Si Mary Ann ang teacher ko sa integral calculus. Typical grade A nerd pero kung tatanggalan mo ng salamin at ilulugay mo ang buhok, pwede na. Parang sa commercial ng Pop: “Siya ‘yon!”
Nabasa ko sa kung saan na ang mga matatalinong tao raw ang mga pinakasenswal. Base raw ito sa konsepto ng tabula rasa—“nothing is in the intellect without passing through the senses.” Kung gayon, mas matalino ka, mas marami ang dumaan sa iyong mga pandama, kaya mas senswal ka.
Tama nga naman. Itong si Mary Ann, kung gaano ka-academic sa klase, ganoon ka-wild sa kama. Kung anu-ano ang pinagagawa sa akin. Memoryado yata ang kamasutra (academic nga!). Pati yata lahat ng mga ritwal ng mga pagano nagawa na namin, at tipong nagresearch pa siyang mabuti dahil habang naghihintay siya ng orgasm, naglelecture siya tungkol sa historical at social contexts ng mga ritwal na ito.
Pero nang hindi ko nahanap sa kanya ang labi ni Ana, at ang lalim ng kanyang mga mata, hindi na ako ulit pumasok sa calculus. Pagkatapos ng sem, bagsak ako, overcut. Kinailangan kong i-retake ang subject sa ibang teacher—si Mrs. Tigershark, isang dambuhalang terror na di ko maintindihan kung bakit naging misis. Eto, kahit anong talino nitong babaeng ito, hindi ako maniniwalang senswal siya.
Kung saan-saan ko hinanap si Ana: Kay Daisy—yung waitress na may dalawa nang anak at naghahanap ng mayamang foreigner na magdadala sa kanya sa ibang bansa; kay Jeli, yung dancer na sinasayawan muna ako bago kami mag-sex; si Denise—yung account executuve ng isang agency na sobrang tahimik sa kama, takot na marinig ng kahit na sino, pakiramdam niya parati’y may nanonood sa kanya; si Maia—yung TV producer ng isang di-kilalang TV show na hindi makaraos kung hindi kumakain ng pizza habang nakikipagtalik; si Marie na ayaw patira sa kepyas at pagkatapos ng tatlong linggong pagtitiyaga ko sa pwet ay nalaman kong lalaki pala (putangina!); at si Alex—ang CEO ng ad agency na pinagtatrabahuhan ko, na FF (Fucking Friend) ko at ka-OPM (On pag magkasama).
Kay Alina siguro ako pinakamatagal na naghanap. Nakilala ko siya sa kiddie birthday party ng pamangkin ko. Siya ang naghost ng mga games. Simpleng babae lang si Alina. Hindi siya matalino pero masipag. Nagtatrabaho siya sa Jollibee pag umaga at nag-aaral sa hapon at gabi—paunti-unting units, makatapos lang. Accounting ang kinukuha niya.
Halos dalawang taon din kaming magkasama ni Alina. Marami akong natutunan sa kanya, at masasabi kong malalim rin ang pinagsamahan naming dalawa. Naging matalik kaming magkaibigan. Naramdaman ko sa kanya na kailangan niya ako, at mas naging malinaw sa akin ang pagkakaroon ng silbi, ang pakiramdam ng may nangangailangan sa iyo, ang pakiramdam na ang mga braso ng isang lalaki’y hinulma ng Diyos sa balikat ng babae. Tinulungan ko siya sa kanyang pag-aaral. Kahit mahina ako sa Math, nagtiyaga akong aralin ito para magapang niya ang kanyang diploma.
Nagtatrabaho na ako noon bilang creative director sa isang advertising agency nang grumaduate si Alina. Sa graduation party niya, niyaya ko siyang magpakasal.
Akala ko’y tuluyan ko nang malilimutan si Ana. Pero habang lumalayo ang alaala niya, lalong lumilinaw sa akin ang hindi ko naangkin. Nanunuot sa balat ko, tumatagos sa bungo, kinakain ang utak ko. Parang obsesyon, habang pinipilit makalimutan ay lalong naaalala, habang nilalabanan ay lalong nagwawagi.
Namatay si Alina isang linggo bago ang aming kasal. Isang gabing pauwi siya galing sa trabaho sa bangko, hinarang siya ng mga adik sa isang eskinita, pinagsamantalahan...pinatay.
Isang buwan akong wala sa sarili. Gabi-gabing nagluluksa karamay si San Miguel. Nag-aaliw sa mga ilaw na patay sindi, at sa mga balakang na gumigiling. Kilala ko na ang aking sarili. Hindi madali para sa akin ang lumimot. Kaya hindi ko inaaliw ang aking sarili para makalimot. Inaaliw ko ang aking sarili para lumikha ng mga bagong alaala sa pag-asang makalikha ako ng alaalang higit pa sa alaala ng gabi ng huli naming pagkikita ni Ana.
Dapat ay nagluluksa ako sa pagkamatay ni Alina. Pero ibang bagay pa rin ang pinagluluksaan ko...hanggang ngayon.
Ilang taon na nga ba? Lima? Anim? Hindi ko na matandaan. Natututunan ko na ang lumimot.
Pero kung kailan ko natututunang makalimutan ang lahat, bigla siyang dumating.
Iyon ang huli naming pagkikita.
Natagpuan ko siyang nakaupo sa isang coffee shop, mukhang may hinihintay. Wala siya pinagbago kundi mas maganda siya. Hindi ako magkakamaling siya iyon. Naroon ang panghatak na naramdaman ko noong una niya akong nilapitan. Para akong compass, wala nang ibang pupuntahan ang mga paa ko kundi ang North...siya.
“Ana?”
Nagulat siya. At ginantihan niya ako ng ngiting tulad ng ibinabato niya sa akin dati. Hindi siya tumanda. At lalong mapusyaw ang pula ng kanyang mga labi. Naka-shades siya, parang nangungutya, ayaw ipakita ang misteryong bumihag sa akin sa loob ng ilang taon.
Hindi kami pareho makapagsalita. Kahit kamustahan. Sapat na ang palitan namin ng katahimikan. Mas nakabubusog ang katahimikan sa mga sandaling ganito kaysa sa magkwentuhan.
“Kailan ka pa bumalik?”
“Just two days ago.”
“Sino’ng kasama mo?”
Bumukas ang pinto ng coffee shop at pumasok ang isang apat na taong gulang na batang babae kasama ang yaya nito. Sinenyasan ni Ana ang yaya na maupo sa lamesa sa kabila.
“My daughter.”
Mahabang katahimikan.
Sa ganitong paghahanap, hinahanap ko bang talaga ang daan palabas, o ang karanasan lang ng pagiging ligaw?
“I just wanted to say hi. I really have to go. It’s nice to see you again, Ana.”
Ginantihan lang niya ako ng ngiti.
“You still haven’t answered my question before.”
“Which one?”
“Is it true? Na lahat ng lalaking tumitig sa mata mo ay nababaliw?”
“Yes”
Tinanggal niya ang kanyang shades. At muli, ipinamalas niya sa akin ang malalim na daigdig ng kanyang mga mata kung saan naligaw ang aking ulirat. Matagal. Pero sandali lang. Sa isang tingin—parang nagkasya ang ilang taon kong paghahanap sa liwanag ng kanyang mga mata.
“Goodbye Ana.”
Ngiti.
Lumabas ako ng coffee shop. Dire-diretso ang lakad ko. Hindi ko alam kung saan ako papunta. Hinahanap ko sa tinabunan kong alaala ang gabing bago siya umalis. Ang init ng labi niya. Ang ulirat kong naglalaro’t naliligaw sa kristal na uniberso ng kanyang mga mata. Ang kanyang pag-aalinlangan na hinawi ng aking dila. Ang gabi ng aking pangangahas na danasin ang sumpa. Ngunit wala akong mahanap. Wala.
Dumiretso ako sa kwarto ko at binuksan ang drawer ng tukador. Inilabas ko ang aking revolver. Hindi ko alam dati kung bakit ko ito binili. Ngayon, alam ko na.
Dati, hindi pinapayagan ng simbahan na bigyan ng Katolikong libing ang mga nagpakamatay. Pero iniba na ito ngayon. Sabi nila, hindi daw natin alam ang nangyayari sa kaluluwa ng mga nagpakamatay. Maaaring humingi sila ng tawad sa Diyos sa huling sandali. Maaari din namang wala sila talagang kasalanan dahil wala sila sa sarili. Mga baliw lang daw ang bumabawi ng sarili nilang buhay. Mga baliw lang daw ang nagpapakamatay.