Monday, August 31, 2009

Malayo pa ba ang expressway?

“Eto ang best part ng trip, sa expressway. So smooth, so wide, ang liwa-liwanag.”

Malayo sa NLEX ang biyahe ng play na ito. Mula nang naisipan naming ito ang isadula, hanggang sa mga problemang naengkwentro namin sa biyahe, siguro, sa baku-bakong service road kami napadaan. Hanggang sa pagsusulat ko nitong ilang mga tala tungkol sa produksiyon, hindi pa kami nakakapasok sa expressway. Hindi pa naming nararating ang smooth, wide, at maliwanag na bahagi ng biyahe.

Maraming lubak, humps, kupal na driver, at mga pedestrian na hindi gumagamit ng overpass ang nasalubong namin sa aming paglalakbay. Noong una, napili namin ang dulang ito dahil akala nami’y madali lang ang “Sa North Diversion Road.” Tutal, dalawang artista lang ang kailangan. At lagi lang silang nakaupo sa kotse. Ngunit tulad ng kahit anong biyahe, marami kaming harang na nasalubong sa daan.

Anuman ang mga lubak na iyon, pilit naming nilalampasan at tinatandaan upang maging bahagi ng aming edukasyon sa teatro. At bawat araw ng aming ensayo, lalong humihirap ang biyahe. Hindi pala madali ang dulang ito. Kailan ba naging madali si Tony Perez? Napasubo ata kami. Pero tinanggap namin ang hamon ng dula ni Tony Perez. Hindi kami titigil hanggat hindi naming nabibigyang buhay ang drama sa diyalogo ng batikang mandudula.

“Sa lawak ng pag-ibig ko, baka maligaw ka lang…”

Una akong na-inlove sa mga gawa ni Tony Perez nang mabasa ko ang “Sierra Lakes.” Naging matagumpay ang aking unang pagtatangkang idirehe ito sa tulong ng dulaang ROC. Mula noon, kinulekta ko na ang mga gawa ni Tony Perez at sinubukan ko siyang gayahin sa aking mga sinusulat. Inspirasyon si Tony sa dalawang paborito kong isinulat—ang “Twenty Questions” at ang pinakabago kong dula, “Kapeng Barako Club: Samahan ng mga Bitter,” na kapwa ipalalabas sa darating na bagong taon. Iba ang karisma ng mga karakter at ang talim ng sagutan sa mga dula ni Tony Perez. At lalo kaming nagulantang sa bigat ng “Sa North Diversion Road.” Hindi siya pambata. Hindi siya pang-amateur. Hindi siya pang-bagito.

Bagaman ang temang tinatalakay ng dula ay tungkol sa pangangaliwa ng may-asawa, na malayo sa saklaw ng karanasan ko at ng aking mga artista, ang higit na tumawag sa aking atensiyon ay ang tema ng pag-ibig at pagpapatawad. Higit sa tema ng pangangaliwa, mas tumimo sa aking kamalayan ang diskusyon ni Tony Perez sa iba’t ibang mukha ng pag-ibig at pagpapatawad. Hindi ko tiyak kung ito ang tesis ni Perez. Ngunit ito ang direksiyon ng biyaheng aming sinimulan. Ito ang basa namin sa mapa ng script. Walang kapatawaran, kung walang pag-ibig. Walang pag-ibig kung walang kapatawaran. Sa lahat ng uri ng relasyon, madaling itinatapon n gating mga bibig ang salitang pag-ibig ngunit bihira natin itong naiintindihan. Sa pagkakataon lamang na sinusubok ito ng mas malaking pag-ibig, ng pagtataksil, o ng kamatayan laman natin ganap na mabibigyang linaw ang konseptong ito. Dito lamang siya tunay na maiintindihan. At hanggat hindi natin nararanasan ang magpatawad sa kasalanan sa pag-ibig, hindi natin ito lubos na mauunawaan. Sa bahaging ito, nang malinaw namin ito sa aming pag-intindi ng malawak na haraya ni Tony, doon lamang kami nakalabas sa expressway. Sana nga’y tuluy-tuloy na ang biyahe. Sana’y makarating sa huling exit.

“Magkwento ka naman, Tony. Ano’ng iniisip mo?”

Ang dulang ito ay koleksiyon ng sampung diyalogo tungkol sa pag-ibig, pagtataksil, at kapatawaran. Higit sa lahat, ito ay pag-uusap ng dalawampung kaluluwa, pag-intindi sa dalawampung puso at isip. Higit sa lahat, ito ay pagtatalik ng dalawang kamalayan patungo sa dulo ng malawak na daan ng pag-ibig. Inaanyayahan tayo ng dulang itong makisama sa biyahe patungong hilaga, kung saan nakaturo ang lahat ng bagay—sa hilaga, sa true north, na destinasyon ng lahat…sa pag-ibig. Mararanasan lamang natin ang salimuot at luwalhati ng paglalakbay na ito sa pamamagitan ng pag-urirat sa isipan ng mga karakter, sa pamamagitan ng pakikipagkwentuhan sa kanila.

Kung gayon, maupo kayo’t magrelax. Mauupo rin sa harap ninyo ang mga tauhang likha ni Tony Perez. Kasama ng mga bumubuo ng ACASIA at ASTIG, uupo rin kami, tayo’y magkwentuhan habang bumibiyahe patungong hilaga…patungo sa pag-ibig.

Tuesday, August 25, 2009

Eto na, this September!


"Sa Lawak ng Pag-ibig ko, baka maligaw ka lang..."

sa direksiyon ni Juan Ekis

COMING THIS SEPTEMBER

Monday, August 03, 2009

Sa North Diversion Road



Rehearsing Tony Perez's "Sa North Diversion Road"

Starring

Frankie Pascua
Martin dela Paz

Directed by X Vallez

Sunday, July 05, 2009

Good Morning Poems

A long long time ago, in a galaxy far far away, noong gumigising ako kapag hatinggabi, pumupunta sa tuktok ng bundok at nag-aabang ng mga bituwin, manghuhuli ako ng isa gamit ang aking mga kamay. Kahit sunog ang aking mga palad sa paghuli, papandayin ko ang bawat isang bituwin at gagawin tula.

Ito ang mga tulang nahukay ko sa baul ko. Buti na lang, tinubuan na ulit ako ng kamay at kaluluwa.

Paggising ko sa umaga, sumusulat ako ng isa. Heto sila. Buti na lang ginawa ko ito, naging training ko ito sa pagsulat ko ng libretto ng "Lorenzo."

Pagtiyagaan n'yo na at matagal na akong hindi tumutula...


Good morning Poems


Tanaga #1

Maganda ang umaga
Sa binatang makata
Na laging tinutula
Ngiti mong mahiwaga


Haiku #1

Nililigawan
Ng makulit na hamog
Ang dahong tuyo


Dalit #1

Hinarana ng makata
Ang silahis ng umaga
Para lamang masinagan
Ang ngiti ng paraluman


Tangka #1

Inaawitan
ng maya ang umaga
ng talinghaga:
napangiti ang araw,
humiwaga ang tula


Diyona #1

Gising na aking mahal
Mundo ay nakaabang
Sa ngiti mong dalisay


Awit #1

Ngumiti ka sinta
Ayan na’ng umaga
Tuyuin ang luha
Sa pisngi mong sutla

Pagkat ika’y musa
Ng pobreng makata
Na salat sa tula
Pag ngiti mo’y wala


Freeverse #1

Pinaalpas
Ng ngiti mo
Ang tugma’t sukat
Na ginapos
Ng tayutay
Ng halik kong
Nakasulat
Sa hangin.


Senryu #1

Inaapuhap
Ng aking haikung hubad
Ang iyong ngiti


Bugtong #1

Tula kung umaga
Sa gabi’y tulala


Limerick #1

Ako’y humubog
Tulang pansahog.
Pag-ibig ay hinamak
Ng dalagang nasindak--
Puso’y nagdabog.


Quintella #1

Mauubos din, mahal ko
Ang mga alay kong tula.
Ngunit dahil sa ngiti mo
Walang hanggang talinghaga
Ang aking kayang iluha


Haiku #2

Humikab
Ang bukang-liwayway:
Tula.


Awit #2

Gising na, mahal ko
Almusal ay tula
Talinghagang luto
Ginisa sa tugma

Gising na, mahal ko
Pagdamutan mo na,
Ang ‘yong kusinero’y
Hamak na makata


Dalit #2

Kung saan-saang lupalop
Naghahagilap ng tugma
Ang buhok mo pala’y ilog,
Nilalanguyan ng tula.


Tanaga #2

Tahimik na nagmasid
Umiibig na buwan
Nagnakaw ng silahis
sa dilag niyang araw


Diyona #2

Nagpaalam ang luha
Sa sinisintang mata
Tinanan ng makata.


Freeverse #2

Sa wakas
Ngumiti ka
Ngunit ako’y
Dati pang nakatihaya:
Dahil baligtad
Ang nakita,
Ang simangot mo’y
Ngiti pala.

Tuesday, June 23, 2009

Kapeng Barako Chronicles: Paano kung mahal na kita?

Kapeng Barako Chronicles are sketches, monologues, "doodles", drafts, thoughts, etc. that I crafted in helping flesh out the characters. I'll be posting them once in a while in my attempt to clarify the play to myself and expand the universe (for possible prequels and sequels).

Anyways, for those who have read my first draft of the finished version, this is Joel's internal monologue before he collapsed in front of Anna, right before he dropped the bomb. This monologue was never part of the play and will never be uttered. But this might help the actor understand what is going on inside Joel's head when he was about to confess his feelings to Anna.

More to come. Enjoy!

---

JOEL:

Araaaaaay! Putangina nakikipagsabayan pa ang sikmura ko sa sakit ng puso. Sinabi na nga bang nasobrahan na ako ng kolesterol sa katawan. Sa dinami-dami ng mga araw na tatamaan ako ng acid reflux, ngayon pa, sa harap mo. Putangina lang talaga.


Matinding apoy, kumukulong asupre na lasang bile. Sikmura ko ba talaga ang sumasakit o puso ko ang nagrereklamo sa sakit ng rejection na isasampal sa akin. Alam ko na naman ang ending ng kwentong ito. Alam ko na namang basted ako. Alam ko na namang walang patutunguhan ito. Kaya siguro winawarningan ng sikmura ko...humilab ka lang nang humilab: sige! Mabuti nang pisikal na masaktan para hindi mo mapansin ang sakit ng damdamin na aabutin mo mamaya pagkatapos mong sabihin sa kanya ang lahat.

Oo. Lahat.

Siyempre sasabihin ko sa'yong ngayon ko lang ito naramdaman. Pero ang totoo, matagal na. Sintagal ng paghilab ng sikmura kong hinayupak. Bakit kasi kailangan ko pang magkaroon ng sikmura? Bakit hindi na lang osmosis? Tangina! Ang hilig ko kasi sa maalat at mataba! Man cannot live by bread alone! But with Chiggy's jumbo liempo!

Pero kelangangan kong magkasikmura. Para masikmura ko ang mga sasabihin ko sayo kahit hindi masikmura ng kaluluwa kong aminin ang mga bagay na dapat nilulunok na lang...para iutot.

Mahal kita.

Siyempre sasabihin ko sa'yong ngayon ko lang narealize.

Hindi ako si Pinocchio na hahaba ang ilong pag nagsisinungaling. Sumasakit ang sikmura ko pag nagsisinungaling. Nagsisinungaling ako sa'yo ngayon.

Noong nagkwentuhan tayo tungkol sa kung ano ba ang art at ang artist. Noong tinanong mo sa akin: paano kung mainlove ka sa isang hardcore artist? Noong aminin mo sa akin na gusto mong mainlove sa isang artist. At naisip ko: teka, artist ako ah?

Noong magkaklase pa tayo sa copywriting and creative direction. Noong ako ang artist mo at ikaw ang copywriter ko. Noong parati tayong nananalo sa weekly plates ng prof natin. Noong maghiwalay tayo ng landas at magsell-out ka at naiwan ako para maging starving painter.

Noong tinext moko ng "Pst. Ui, kinilig nakita pix ko!" dahil alam mong lumalabas ang picture mo pag nagtetext ka sa phone ko. Noong mag-usap tayo tungkol sa buhay habang naglalakad lang sa Shaw Boulevard. Noong nagtitigan lang tayo at tumunganga sa open air ng Shangri-La habang umiinom ng Gilbey's premium. Noong gabing sinabi ko sa'yo na wag nating dalasan kasi baka may mabuo at tinawanan mo lang ako. Noong nireto kita kay Roger kasi type na type ka niya kahit di mo siya trip at nabadtrip ka sakin kasi iniwan kitang kasama siya...

Noong masyado ko nang niloloko ang sarili ko.

Dahil hindi ka pa tapos kay Ed.

Tangina. Masakit.

Hindi sa puso. Kundi sa sikmura.

Ipapatanggal ko na ang sikmura ko. Dahil mas gusto kong puso ko na lang ang sumakit.

Parang dighay na ayaw ilabas. Kelangan ng kremil-s o mas matinding droga para makawala. Siguro, pag nasabi ko na nga, kasabay na ring mawawala ang sakit ng aking sikmura.

Paano nga?

Paano nga kung mahal na kita?