Sunday, July 05, 2009

Good Morning Poems

A long long time ago, in a galaxy far far away, noong gumigising ako kapag hatinggabi, pumupunta sa tuktok ng bundok at nag-aabang ng mga bituwin, manghuhuli ako ng isa gamit ang aking mga kamay. Kahit sunog ang aking mga palad sa paghuli, papandayin ko ang bawat isang bituwin at gagawin tula.

Ito ang mga tulang nahukay ko sa baul ko. Buti na lang, tinubuan na ulit ako ng kamay at kaluluwa.

Paggising ko sa umaga, sumusulat ako ng isa. Heto sila. Buti na lang ginawa ko ito, naging training ko ito sa pagsulat ko ng libretto ng "Lorenzo."

Pagtiyagaan n'yo na at matagal na akong hindi tumutula...


Good morning Poems


Tanaga #1

Maganda ang umaga
Sa binatang makata
Na laging tinutula
Ngiti mong mahiwaga


Haiku #1

Nililigawan
Ng makulit na hamog
Ang dahong tuyo


Dalit #1

Hinarana ng makata
Ang silahis ng umaga
Para lamang masinagan
Ang ngiti ng paraluman


Tangka #1

Inaawitan
ng maya ang umaga
ng talinghaga:
napangiti ang araw,
humiwaga ang tula


Diyona #1

Gising na aking mahal
Mundo ay nakaabang
Sa ngiti mong dalisay


Awit #1

Ngumiti ka sinta
Ayan na’ng umaga
Tuyuin ang luha
Sa pisngi mong sutla

Pagkat ika’y musa
Ng pobreng makata
Na salat sa tula
Pag ngiti mo’y wala


Freeverse #1

Pinaalpas
Ng ngiti mo
Ang tugma’t sukat
Na ginapos
Ng tayutay
Ng halik kong
Nakasulat
Sa hangin.


Senryu #1

Inaapuhap
Ng aking haikung hubad
Ang iyong ngiti


Bugtong #1

Tula kung umaga
Sa gabi’y tulala


Limerick #1

Ako’y humubog
Tulang pansahog.
Pag-ibig ay hinamak
Ng dalagang nasindak--
Puso’y nagdabog.


Quintella #1

Mauubos din, mahal ko
Ang mga alay kong tula.
Ngunit dahil sa ngiti mo
Walang hanggang talinghaga
Ang aking kayang iluha


Haiku #2

Humikab
Ang bukang-liwayway:
Tula.


Awit #2

Gising na, mahal ko
Almusal ay tula
Talinghagang luto
Ginisa sa tugma

Gising na, mahal ko
Pagdamutan mo na,
Ang ‘yong kusinero’y
Hamak na makata


Dalit #2

Kung saan-saang lupalop
Naghahagilap ng tugma
Ang buhok mo pala’y ilog,
Nilalanguyan ng tula.


Tanaga #2

Tahimik na nagmasid
Umiibig na buwan
Nagnakaw ng silahis
sa dilag niyang araw


Diyona #2

Nagpaalam ang luha
Sa sinisintang mata
Tinanan ng makata.


Freeverse #2

Sa wakas
Ngumiti ka
Ngunit ako’y
Dati pang nakatihaya:
Dahil baligtad
Ang nakita,
Ang simangot mo’y
Ngiti pala.

1 comment:

  1. aba aba aba. tumutula na naman si x. lufet! sulat lang nang sulat tsong! :)

    ReplyDelete