A long long time ago, in a galaxy far far away, noong gumigising ako kapag hatinggabi, pumupunta sa tuktok ng bundok at nag-aabang ng mga bituwin, manghuhuli ako ng isa gamit ang aking mga kamay. Kahit sunog ang aking mga palad sa paghuli, papandayin ko ang bawat isang bituwin at gagawin tula.
Ito ang mga tulang nahukay ko sa baul ko. Buti na lang, tinubuan na ulit ako ng kamay at kaluluwa.
Paggising ko sa umaga, sumusulat ako ng isa. Heto sila. Buti na lang ginawa ko ito, naging training ko ito sa pagsulat ko ng libretto ng "Lorenzo."
Pagtiyagaan n'yo na at matagal na akong hindi tumutula...
Good morning Poems
Tanaga #1
Maganda ang umaga Sa binatang makata Na laging tinutula Ngiti mong mahiwaga
Haiku #1
Nililigawan Ng makulit na hamog Ang dahong tuyo
Dalit #1
Hinarana ng makata Ang silahis ng umaga Para lamang masinagan Ang ngiti ng paraluman
Tangka #1
Inaawitan ng maya ang umaga ng talinghaga: napangiti ang araw, humiwaga ang tula
Diyona #1
Gising na aking mahal Mundo ay nakaabang Sa ngiti mong dalisay
Awit #1
Ngumiti ka sinta Ayan na’ng umaga Tuyuin ang luha Sa pisngi mong sutla
Pagkat ika’y musa Ng pobreng makata Na salat sa tula Pag ngiti mo’y wala
Freeverse #1
Pinaalpas Ng ngiti mo Ang tugma’t sukat Na ginapos Ng tayutay Ng halik kong Nakasulat Sa hangin.
Senryu #1
Inaapuhap Ng aking haikung hubad Ang iyong ngiti
Bugtong #1
Tula kung umaga Sa gabi’y tulala
Limerick #1
Ako’y humubog Tulang pansahog. Pag-ibig ay hinamak Ng dalagang nasindak-- Puso’y nagdabog.
Quintella #1
Mauubos din, mahal ko Ang mga alay kong tula. Ngunit dahil sa ngiti mo Walang hanggang talinghaga Ang aking kayang iluha
Haiku #2
Humikab Ang bukang-liwayway: Tula.
Awit #2
Gising na, mahal ko Almusal ay tula Talinghagang luto Ginisa sa tugma
Gising na, mahal ko Pagdamutan mo na, Ang ‘yong kusinero’y Hamak na makata
Dalit #2
Kung saan-saang lupalop Naghahagilap ng tugma Ang buhok mo pala’y ilog, Nilalanguyan ng tula.
Tanaga #2
Tahimik na nagmasid Umiibig na buwan Nagnakaw ng silahis sa dilag niyang araw
Diyona #2
Nagpaalam ang luha Sa sinisintang mata Tinanan ng makata.
Freeverse #2
Sa wakas Ngumiti ka Ngunit ako’y Dati pang nakatihaya: Dahil baligtad Ang nakita, Ang simangot mo’y Ngiti pala.
Kapeng Barako Chronicles are sketches, monologues, "doodles", drafts, thoughts, etc. that I crafted in helping flesh out the characters. I'll be posting them once in a while in my attempt to clarify the play to myself and expand the universe (for possible prequels and sequels).
Anyways, for those who have read my first draft of the finished version, this is Joel's internal monologue before he collapsed in front of Anna, right before he dropped the bomb. This monologue was never part of the play and will never be uttered. But this might help the actor understand what is going on inside Joel's head when he was about to confess his feelings to Anna.
More to come. Enjoy!
---
JOEL:
Araaaaaay! Putangina nakikipagsabayan pa ang sikmura ko sa sakit ng puso. Sinabi na nga bang nasobrahan na ako ng kolesterol sa katawan. Sa dinami-dami ng mga araw na tatamaan ako ng acid reflux, ngayon pa, sa harap mo. Putangina lang talaga.
Matinding apoy, kumukulong asupre na lasang bile. Sikmura ko ba talaga ang sumasakit o puso ko ang nagrereklamo sa sakit ng rejection na isasampal sa akin. Alam ko na naman ang ending ng kwentong ito. Alam ko na namang basted ako. Alam ko na namang walang patutunguhan ito. Kaya siguro winawarningan ng sikmura ko...humilab ka lang nang humilab: sige! Mabuti nang pisikal na masaktan para hindi mo mapansin ang sakit ng damdamin na aabutin mo mamaya pagkatapos mong sabihin sa kanya ang lahat.
Oo. Lahat.
Siyempre sasabihin ko sa'yong ngayon ko lang ito naramdaman. Pero ang totoo, matagal na. Sintagal ng paghilab ng sikmura kong hinayupak. Bakit kasi kailangan ko pang magkaroon ng sikmura? Bakit hindi na lang osmosis? Tangina! Ang hilig ko kasi sa maalat at mataba! Man cannot live by bread alone! But with Chiggy's jumbo liempo!
Pero kelangangan kong magkasikmura. Para masikmura ko ang mga sasabihin ko sayo kahit hindi masikmura ng kaluluwa kong aminin ang mga bagay na dapat nilulunok na lang...para iutot.
Mahal kita.
Siyempre sasabihin ko sa'yong ngayon ko lang narealize.
Hindi ako si Pinocchio na hahaba ang ilong pag nagsisinungaling. Sumasakit ang sikmura ko pag nagsisinungaling. Nagsisinungaling ako sa'yo ngayon.
Noong nagkwentuhan tayo tungkol sa kung ano ba ang art at ang artist. Noong tinanong mo sa akin: paano kung mainlove ka sa isang hardcore artist? Noong aminin mo sa akin na gusto mong mainlove sa isang artist. At naisip ko: teka, artist ako ah?
Noong magkaklase pa tayo sa copywriting and creative direction. Noong ako ang artist mo at ikaw ang copywriter ko. Noong parati tayong nananalo sa weekly plates ng prof natin. Noong maghiwalay tayo ng landas at magsell-out ka at naiwan ako para maging starving painter.
Noong tinext moko ng "Pst. Ui, kinilig nakita pix ko!" dahil alam mong lumalabas ang picture mo pag nagtetext ka sa phone ko. Noong mag-usap tayo tungkol sa buhay habang naglalakad lang sa Shaw Boulevard. Noong nagtitigan lang tayo at tumunganga sa open air ng Shangri-La habang umiinom ng Gilbey's premium. Noong gabing sinabi ko sa'yo na wag nating dalasan kasi baka may mabuo at tinawanan mo lang ako. Noong nireto kita kay Roger kasi type na type ka niya kahit di mo siya trip at nabadtrip ka sakin kasi iniwan kitang kasama siya...
Noong masyado ko nang niloloko ang sarili ko.
Dahil hindi ka pa tapos kay Ed.
Tangina. Masakit.
Hindi sa puso. Kundi sa sikmura.
Ipapatanggal ko na ang sikmura ko. Dahil mas gusto kong puso ko na lang ang sumakit.
Parang dighay na ayaw ilabas. Kelangan ng kremil-s o mas matinding droga para makawala. Siguro, pag nasabi ko na nga, kasabay na ring mawawala ang sakit ng aking sikmura.
Pagkatapos kaming ipagparty ni Tita Malu sa dorm (birthday namin nina rhenz, at despedida ni marlowe), biglang napunta ang usapan namin sa mga useless super powers. Sumakit ang tiyan namin sa kakatawa at halos maiyak ako sa sakit ng bagang at tiyan. Siguradong hahaba ang buhay namin sa haba rin ng halakhakan.
Paano nga kaya, kung mayroong mga ganitong superheroes? (contributions by ron, rhenz, joe, alex)
SIGH-CLOPS. Katulad ni Cyclops, meron siyang heat vision. Pero di tulad ni cyclops, hindi niya kailangan ng shades. He can completely control his powers. Problema lang, one-inch lang ang distance na kayang abutin ng kanyang heat vision. Kailangan niyang dumikit, up-close, face to face sa kalaban para tamaan ito.
VERTICAL MAN. Kaya niyang lumipad. Pero vertical lang.
THE TELEPORTER. Kaya niyang mag-teleport. Pero isang dangkal lang.
IMBISIBOL BOY. Invisible siya, pero sa sarili lang niya.
IMBISIBOL BOY Jr. Nagiging Invisible siya pero parating may loud music siyang kasunod.
IMBISIBOL BOY III. Nagiging Invisible siya pero kailangan niyang kumanta para maging invisible.
SLOW-MO MAN. Lahat ng bagay sa kanya, slow-mo. Forever.
THE FLUSH. Kaya niyang lampasan ang speed of sound, pero one meter lang. Tapos, hihingalin na siya.
LOGAN Jr. Parang Wolverine, may self-healing powers. Pero mga sugat lang na nagawa niya sa sarili ang kaya niyang gamutin.
THE BULK. Parang si Hulk. Pag nagagalit, lumalaki ng sobra ang dalawang braso niya. Sobrang laki. Kaso, yun lang ang lumalaki, wala nang ibang parts.
TON-TON. Kaya niyang magbuhat ng mabibigat na bagay that weighs more than one ton. Pero di niya kayang magbuhat ng magagaan.
ANALEPSIS. The man who can see 10 seconds into the past.
AMNESIA. He can see 10 minutes into the future. Pero 5 seconds lang ang memory niya.
ARK ANGEL. Parang si Angel ng X-men. Pero nasa dibdib ang pakpak niya.
THE COMEDIAN. Better than the comedian ni Allan Moore. Eto, talagang magaling siyang magpatawa. Sobrang witty. Pero nagagawa lang niya ito...sa funeral.
UGLY MAN. Pag nagagalit siya, pumapangit siya. Yun lang. Pero mabait pa rin siya. Pangit lang.
THE FIRE FLY. Kaya niyang magpalabas ng apoy sa kamay niya. Pero nasusunog ang kamay niya pag ginagawa niya ito.
THE REPAIR MAN. Kaya niyang ayusin ang lahat ng sirang bagay. Pero kailangan, sirain muna niya.
Pag may naisip pa kami, idadagdag ko sa listahan. Tapos, gagawin naming graphic novel. Hehe.