Wednesday, October 12, 2005

Hinaing kay Inay
(Kay Nanay Maria)

Sabi mo,
Pinipitas lang ang mga bituin
Sa kisameng langit ng dilim.
Naniwala ako sa mga habi mong oyayi
Habang pinapasuso mo ako ng mga panaginip.

Sabi mo,
Maaaring laruin ang ningning
Ng mga musmos kong daliri.
Sumampalataya ako sa iyong talinghaga
Habang pinipikpikan mo ang aking pangamba.

Sabi mo,
Ako’y lalakíng bulas
Kapag inulam ko ang mga munting liwanag.
Idinuyan mo ang aking pagpalahaw
Upang maisubo ko ang iyong pangaral.

Sabi mo.

Sabi mo.

Ngunit hindi mo sinabing
Ang kisame’y abot lamang ng mahaba mong bisig,
Na ang tala’y hindi malalaro ng aking titig,
Na kailangan muna itong tunawin sa bibig.

Hindi mo sinabing
Ang mga kwento mo’y para lamang patulugin
Ang haraya kong nag-aapurang gumising.


05 October 2005

Oyayi ng Ina sa Naghihinaing na Anak


Tahan na, meme na
Bunsong dilat kung managinip.
Batid kong balang araw ay hahaba ang iyong bisig
At mabubuo ang paninindigan ng tuhod mong nanginginig.
Naniniwala ka sa hindi mo nasisilip
Dahil sa mga sinuso mong panaginip.

Tahan na, meme na
Anak na maligalig.
Matututo ka ring maglakad nang pikit-mata
At malalaman mong hindi lahat ay kailangang makita.
Hindi mo ba nadadalumat sa tapik ng aking palad
Na mas mahiwaga sa pagtingin ang paghawak?

Tahan na, meme na
Supling na sinisikmura.
Alam kong gutom ang iyong diwa
Sa tulang hindi nauubusan ng talinghaga.
Ngunit wala pang ipin ang gilagid ng isip
Kailangang tunawin sa laway ang pagkainip.

Tahan na.

Meme na.

Nababasa ko ang bawat mong uha.
Hindi ka pa dumaraing, alam na ng iyong Ina.
Tahan na, bunso.
Itatago ko ang iyong puso
Sa magkapatong kong palad.
Meme na anak.
Iduduyan ko ang iyong pagtangis
Sa magkayakap kong mga bisig.

Tahan na.

Meme na.

Ihiga ang haraya sa aking kandungan
Dahil bukas paggising, sasanib ito sa kalawakan

No comments:

Post a Comment