Tuesday, May 17, 2011

Memory Surgery

anesthesia ang alak
sa pagbiyak ng utak
pagkat sabi ng duktor
alaala mo'y tumor

Tuesday, April 12, 2011

Libing


Dumalo ako sa piging ng mga nagluluksang anino
sa harap ng hukay sa tuktok
ng bumbunan kong tinutubuan na ng puting buhok.
Matagal kong iniwasan ang ganitong tagpo.
Pinangungunahan ng paring-babaylan ang pag-awit
ng agunyas na gawa sa mga punit-punit na tinig
ng ating pagpapaalam. Ramdam ko sa panginginig
ng boses ng mga anino ang alaala ng nagbibitak
mong pakiusap na aking pigilan
sa pamamagitan ng mga tula
ang pagkagunaw ng mundo. Ngunit mahal ko,
paano kong itatapat ang purol ng aking talinghaga
sa talas ng katiyakan ng katapusan?
Nilahad ng awit ng mga anino ang sandaling
pagtatalik ng ating mga palad, ang pagbubulungan natin
ng mga ninakaw nating tula sa likod ng buwan,
ang mga paglalakbay ng ating mga pagal na hininga
sa labi, bibig, sa loob ng baga, sa loob ng kaluluwa
ng bawat isa. Sa pagtatapos ng awit, pinaalala
ng paring-babaylan ang katiyakan ng pagiging sandali lamang
ng ating munting pag-iral sa haraya ng isa’t-isa
at sa muwang ng daigdig.
Ang hukay na ito ay pagtatangkang gawing imortal
ang paglipas ng kiliti ng iyong bulong, ng hapdi ng iyong haplos,
ng kinis ng iyong mga luha, ng gaspang
ng mga yapos na hindi mo na maibigay mula sa kabilang-buhay,
sa kabilang-ibayo, sa kabilang-katotohanang hindi ko magawang tulaan.
Isa-isang naglatag ang bawat anino ng alingawngaw
ng iyong mga himutok, ng iyong mga pakiusap,
ng iyong mga pananambitan sa pagmamatigas
ng pag-ibig kong akala ko’y imortal.
Wala akong maibulalas kundi ang paghingi ng patawad
sa kahungkagan ng aking panulaan
sapagkat hindi nito kayang pigilan
ang kamatayan
ang katapusan
ang paghimbing sa libingan ng mga alaala.
Sumunod ang mga anino sa hukay
at patung-patong silang lumikha ng imahen ng iyong mukha—
ang huling larawan ng pakiusap mong nangungulila,
ang huling ngiti mong nagmamakaawang
hawakan ko ang iyong kamay
sapagkat nangako ako sa iyo ng mga tula ng pagpapaalam
sa mga alaalang hindi pa natin nasisimulan.
Dumakot ako ng lupa upang tabunan
ang hukay na sumasalamin ng aking karuwagan,
at ng pangako kong ipinako sa krus ng pag-aalinlangan.

Paalam.
At patawad.

Wala akong krus na maitatarak upang markahan ang iyong libingan,
wala ring batong mailalagak upang ukitan ng iyong pangalan.
Ngunit alam kong magiging puti ang lahat ng buhok ko kinabukasan
at ang naaagnas mong alaala’y magiging pataba sa aking panulaan.

Saturday, April 09, 2011

Minsa’y Dinaratnan Ko Ang Iyong Anino


Minsa’y dinaratnan ko ang iyong anino
sa dati nating tagpuan. Sinisiyasat niya
ang mga dating bakas ng ating yapak
na tinubuan na ng makahiya. 
Nagdadalawang-isip akong lumapit
sapagkat baka bigla itong umalis
sa kagyat na liwanag kong tangan-tangan.
Hindi ko maaninag ang kanyang luha.
Ito ba’y dahil anino rin itong nagkukubli
mula sa liwanag ng alaala? O dahil wala
siyang naipong luha mula sa mga awit at dalit
ng pagdadaop ng ating mga palad?

Minsa’y hinihinala kong ako’y kanyang sinusundan
sapagkat madalas ko siyang masumpungan
sa lahat ng mga dati nating nilalakaran.
Siya ba’y lumilimot o nagbubura
ng nakaraan? Siya ba’y lumilikha 
na ng mga bagong aapakan?

Minsa’y tinangka ko siyang sundan
sa pag-asang uuwi siya sa’yong kandungan.
Ngunit pinigilan ako ng mga alaala
ng ‘yong ligalig at kapusukan
at minumulto ako 
ng mga hinaka kong imahen na may kung ano’ng
bagong halimaw na umiidlip sa iyong kandungan.
Babalikan ko na lamang ang ating mga nilakaran
at tatamnan ng mga bagong tayutay 
ang lupang ating tinapakan.
Wala akong maididilig kindi mga panis na luha
ng panghihinayang. Baka sakaling maawa
ang lupa sa mumunting sustansyang hatid ng aking pangungulila,
at aasa akong may uusbong na mga tula.

Minsa’y dinaratnan ko ang iyong anino
sa mga madidilim na sulok na ating dinayo;
sa mga liblib na sentimiyentong pinagkublihan
natin ng mga hipong sikreto, mga nakaw na halik,
at mga kiming bungisngis. Di ko tiyak kung
naroon siya upang bawiin ang mga pangakong
ating iniukit sa dilim,
o silipin kung pinuslit ko na ang mga lihim natin
At tuluyan nang inilibing.
Aalis siyang walang dala,
ako’y magtatago upang di niya makita
ang aking pag-iisa. 

Minsan.

Minsa’y naglakas loob akong lapitan ang iyong anino
sa dati nating tagpuan, sa ilalim ng puno ng ligalig,
sa kalibugan ng buwan, sa harap ng mga nangungutyang kuliglig.
Kinuyom ko sa aking palad ang bitbit kong liwanag
ng alaala, nang hindi siya mabigla sa aking pang-uusisa.
Siya’y aking tinapik nang marahan, tulad ng malumanay na pagdapo
ng aking palad sa balikat mong pagod 
na sa pagbubuhat sa munti nating mundo.
Siya’y lumingon
at nagpakilala
na siya’y hindi iyo
kundi
anino kong nagluluksa.