Tuesday, April 12, 2011

Libing


Dumalo ako sa piging ng mga nagluluksang anino
sa harap ng hukay sa tuktok
ng bumbunan kong tinutubuan na ng puting buhok.
Matagal kong iniwasan ang ganitong tagpo.
Pinangungunahan ng paring-babaylan ang pag-awit
ng agunyas na gawa sa mga punit-punit na tinig
ng ating pagpapaalam. Ramdam ko sa panginginig
ng boses ng mga anino ang alaala ng nagbibitak
mong pakiusap na aking pigilan
sa pamamagitan ng mga tula
ang pagkagunaw ng mundo. Ngunit mahal ko,
paano kong itatapat ang purol ng aking talinghaga
sa talas ng katiyakan ng katapusan?
Nilahad ng awit ng mga anino ang sandaling
pagtatalik ng ating mga palad, ang pagbubulungan natin
ng mga ninakaw nating tula sa likod ng buwan,
ang mga paglalakbay ng ating mga pagal na hininga
sa labi, bibig, sa loob ng baga, sa loob ng kaluluwa
ng bawat isa. Sa pagtatapos ng awit, pinaalala
ng paring-babaylan ang katiyakan ng pagiging sandali lamang
ng ating munting pag-iral sa haraya ng isa’t-isa
at sa muwang ng daigdig.
Ang hukay na ito ay pagtatangkang gawing imortal
ang paglipas ng kiliti ng iyong bulong, ng hapdi ng iyong haplos,
ng kinis ng iyong mga luha, ng gaspang
ng mga yapos na hindi mo na maibigay mula sa kabilang-buhay,
sa kabilang-ibayo, sa kabilang-katotohanang hindi ko magawang tulaan.
Isa-isang naglatag ang bawat anino ng alingawngaw
ng iyong mga himutok, ng iyong mga pakiusap,
ng iyong mga pananambitan sa pagmamatigas
ng pag-ibig kong akala ko’y imortal.
Wala akong maibulalas kundi ang paghingi ng patawad
sa kahungkagan ng aking panulaan
sapagkat hindi nito kayang pigilan
ang kamatayan
ang katapusan
ang paghimbing sa libingan ng mga alaala.
Sumunod ang mga anino sa hukay
at patung-patong silang lumikha ng imahen ng iyong mukha—
ang huling larawan ng pakiusap mong nangungulila,
ang huling ngiti mong nagmamakaawang
hawakan ko ang iyong kamay
sapagkat nangako ako sa iyo ng mga tula ng pagpapaalam
sa mga alaalang hindi pa natin nasisimulan.
Dumakot ako ng lupa upang tabunan
ang hukay na sumasalamin ng aking karuwagan,
at ng pangako kong ipinako sa krus ng pag-aalinlangan.

Paalam.
At patawad.

Wala akong krus na maitatarak upang markahan ang iyong libingan,
wala ring batong mailalagak upang ukitan ng iyong pangalan.
Ngunit alam kong magiging puti ang lahat ng buhok ko kinabukasan
at ang naaagnas mong alaala’y magiging pataba sa aking panulaan.

No comments:

Post a Comment