Custom Search
Creative Commons License

Sunday, July 05, 2009

Good Morning Poems

A long long time ago, in a galaxy far far away, noong gumigising ako kapag hatinggabi, pumupunta sa tuktok ng bundok at nag-aabang ng mga bituwin, manghuhuli ako ng isa gamit ang aking mga kamay. Kahit sunog ang aking mga palad sa paghuli, papandayin ko ang bawat isang bituwin at gagawin tula.

Ito ang mga tulang nahukay ko sa baul ko. Buti na lang, tinubuan na ulit ako ng kamay at kaluluwa.

Paggising ko sa umaga, sumusulat ako ng isa. Heto sila. Buti na lang ginawa ko ito, naging training ko ito sa pagsulat ko ng libretto ng "Lorenzo."

Pagtiyagaan n'yo na at matagal na akong hindi tumutula...


Good morning Poems


Tanaga #1

Maganda ang umaga
Sa binatang makata
Na laging tinutula
Ngiti mong mahiwaga


Haiku #1

Nililigawan
Ng makulit na hamog
Ang dahong tuyo


Dalit #1

Hinarana ng makata
Ang silahis ng umaga
Para lamang masinagan
Ang ngiti ng paraluman


Tangka #1

Inaawitan
ng maya ang umaga
ng talinghaga:
napangiti ang araw,
humiwaga ang tula


Diyona #1

Gising na aking mahal
Mundo ay nakaabang
Sa ngiti mong dalisay


Awit #1

Ngumiti ka sinta
Ayan na’ng umaga
Tuyuin ang luha
Sa pisngi mong sutla

Pagkat ika’y musa
Ng pobreng makata
Na salat sa tula
Pag ngiti mo’y wala


Freeverse #1

Pinaalpas
Ng ngiti mo
Ang tugma’t sukat
Na ginapos
Ng tayutay
Ng halik kong
Nakasulat
Sa hangin.


Senryu #1

Inaapuhap
Ng aking haikung hubad
Ang iyong ngiti


Bugtong #1

Tula kung umaga
Sa gabi’y tulala


Limerick #1

Ako’y humubog
Tulang pansahog.
Pag-ibig ay hinamak
Ng dalagang nasindak--
Puso’y nagdabog.


Quintella #1

Mauubos din, mahal ko
Ang mga alay kong tula.
Ngunit dahil sa ngiti mo
Walang hanggang talinghaga
Ang aking kayang iluha


Haiku #2

Humikab
Ang bukang-liwayway:
Tula.


Awit #2

Gising na, mahal ko
Almusal ay tula
Talinghagang luto
Ginisa sa tugma

Gising na, mahal ko
Pagdamutan mo na,
Ang ‘yong kusinero’y
Hamak na makata


Dalit #2

Kung saan-saang lupalop
Naghahagilap ng tugma
Ang buhok mo pala’y ilog,
Nilalanguyan ng tula.


Tanaga #2

Tahimik na nagmasid
Umiibig na buwan
Nagnakaw ng silahis
sa dilag niyang araw


Diyona #2

Nagpaalam ang luha
Sa sinisintang mata
Tinanan ng makata.


Freeverse #2

Sa wakas
Ngumiti ka
Ngunit ako’y
Dati pang nakatihaya:
Dahil baligtad
Ang nakita,
Ang simangot mo’y
Ngiti pala.

Tuesday, June 23, 2009

Kapeng Barako Chronicles: Paano kung mahal na kita?

Kapeng Barako Chronicles are sketches, monologues, "doodles", drafts, thoughts, etc. that I crafted in helping flesh out the characters. I'll be posting them once in a while in my attempt to clarify the play to myself and expand the universe (for possible prequels and sequels).

Anyways, for those who have read my first draft of the finished version, this is Joel's internal monologue before he collapsed in front of Anna, right before he dropped the bomb. This monologue was never part of the play and will never be uttered. But this might help the actor understand what is going on inside Joel's head when he was about to confess his feelings to Anna.

More to come. Enjoy!

---

JOEL:

Araaaaaay! Putangina nakikipagsabayan pa ang sikmura ko sa sakit ng puso. Sinabi na nga bang nasobrahan na ako ng kolesterol sa katawan. Sa dinami-dami ng mga araw na tatamaan ako ng acid reflux, ngayon pa, sa harap mo. Putangina lang talaga.


Matinding apoy, kumukulong asupre na lasang bile. Sikmura ko ba talaga ang sumasakit o puso ko ang nagrereklamo sa sakit ng rejection na isasampal sa akin. Alam ko na naman ang ending ng kwentong ito. Alam ko na namang basted ako. Alam ko na namang walang patutunguhan ito. Kaya siguro winawarningan ng sikmura ko...humilab ka lang nang humilab: sige! Mabuti nang pisikal na masaktan para hindi mo mapansin ang sakit ng damdamin na aabutin mo mamaya pagkatapos mong sabihin sa kanya ang lahat.

Oo. Lahat.

Siyempre sasabihin ko sa'yong ngayon ko lang ito naramdaman. Pero ang totoo, matagal na. Sintagal ng paghilab ng sikmura kong hinayupak. Bakit kasi kailangan ko pang magkaroon ng sikmura? Bakit hindi na lang osmosis? Tangina! Ang hilig ko kasi sa maalat at mataba! Man cannot live by bread alone! But with Chiggy's jumbo liempo!

Pero kelangangan kong magkasikmura. Para masikmura ko ang mga sasabihin ko sayo kahit hindi masikmura ng kaluluwa kong aminin ang mga bagay na dapat nilulunok na lang...para iutot.

Mahal kita.

Siyempre sasabihin ko sa'yong ngayon ko lang narealize.

Hindi ako si Pinocchio na hahaba ang ilong pag nagsisinungaling. Sumasakit ang sikmura ko pag nagsisinungaling. Nagsisinungaling ako sa'yo ngayon.

Noong nagkwentuhan tayo tungkol sa kung ano ba ang art at ang artist. Noong tinanong mo sa akin: paano kung mainlove ka sa isang hardcore artist? Noong aminin mo sa akin na gusto mong mainlove sa isang artist. At naisip ko: teka, artist ako ah?

Noong magkaklase pa tayo sa copywriting and creative direction. Noong ako ang artist mo at ikaw ang copywriter ko. Noong parati tayong nananalo sa weekly plates ng prof natin. Noong maghiwalay tayo ng landas at magsell-out ka at naiwan ako para maging starving painter.

Noong tinext moko ng "Pst. Ui, kinilig nakita pix ko!" dahil alam mong lumalabas ang picture mo pag nagtetext ka sa phone ko. Noong mag-usap tayo tungkol sa buhay habang naglalakad lang sa Shaw Boulevard. Noong nagtitigan lang tayo at tumunganga sa open air ng Shangri-La habang umiinom ng Gilbey's premium. Noong gabing sinabi ko sa'yo na wag nating dalasan kasi baka may mabuo at tinawanan mo lang ako. Noong nireto kita kay Roger kasi type na type ka niya kahit di mo siya trip at nabadtrip ka sakin kasi iniwan kitang kasama siya...

Noong masyado ko nang niloloko ang sarili ko.

Dahil hindi ka pa tapos kay Ed.

Tangina. Masakit.

Hindi sa puso. Kundi sa sikmura.

Ipapatanggal ko na ang sikmura ko. Dahil mas gusto kong puso ko na lang ang sumakit.

Parang dighay na ayaw ilabas. Kelangan ng kremil-s o mas matinding droga para makawala. Siguro, pag nasabi ko na nga, kasabay na ring mawawala ang sakit ng aking sikmura.

Paano nga?

Paano nga kung mahal na kita?

Tuesday, May 05, 2009

Justice League Filipinas!

Pagkatapos kaming ipagparty ni Tita Malu sa dorm (birthday namin nina rhenz, at despedida ni marlowe), biglang napunta ang usapan namin sa mga useless super powers. Sumakit ang tiyan namin sa kakatawa at halos maiyak ako sa sakit ng bagang at tiyan. Siguradong hahaba ang buhay namin sa haba rin ng halakhakan.

Paano nga kaya, kung mayroong mga ganitong superheroes?
(contributions by ron, rhenz, joe, alex)

SIGH-CLOPS. Katulad ni Cyclops, meron siyang heat vision. Pero di tulad ni cyclops, hindi niya kailangan ng shades. He can completely control his powers. Problema lang, one-inch lang ang distance na kayang abutin ng kanyang heat vision. Kailangan niyang dumikit, up-close, face to face sa kalaban para tamaan ito.

VERTICAL MAN. Kaya niyang lumipad. Pero vertical lang.

THE TELEPORTER. Kaya niyang mag-teleport. Pero isang dangkal lang.

IMBISIBOL BOY. Invisible siya, pero sa sarili lang niya.

IMBISIBOL BOY Jr. Nagiging Invisible siya pero parating may loud music siyang kasunod.

IMBISIBOL BOY III. Nagiging Invisible siya pero kailangan niyang kumanta para maging invisible.

SLOW-MO MAN. Lahat ng bagay sa kanya, slow-mo. Forever.

THE FLUSH. Kaya niyang lampasan ang speed of sound, pero one meter lang. Tapos, hihingalin na siya.

LOGAN Jr. Parang Wolverine, may self-healing powers. Pero mga sugat lang na nagawa niya sa sarili ang kaya niyang gamutin.

THE BULK. Parang si Hulk. Pag nagagalit, lumalaki ng sobra ang dalawang braso niya. Sobrang laki. Kaso, yun lang ang lumalaki, wala nang ibang parts.

TON-TON. Kaya niyang magbuhat ng mabibigat na bagay that weighs more than one ton. Pero di niya kayang magbuhat ng magagaan.

ANALEPSIS. The man who can see 10 seconds into the past.

AMNESIA. He can see 10 minutes into the future. Pero 5 seconds lang ang memory niya.

ARK ANGEL. Parang si Angel ng X-men. Pero nasa dibdib ang pakpak niya.

THE COMEDIAN. Better than the comedian ni Allan Moore. Eto, talagang magaling siyang magpatawa. Sobrang witty. Pero nagagawa lang niya ito...sa funeral.

UGLY MAN. Pag nagagalit siya, pumapangit siya. Yun lang. Pero mabait pa rin siya. Pangit lang.

THE FIRE FLY. Kaya niyang magpalabas ng apoy sa kamay niya. Pero nasusunog ang kamay niya pag ginagawa niya ito.

THE REPAIR MAN. Kaya niyang ayusin ang lahat ng sirang bagay. Pero kailangan, sirain muna niya.

Pag may naisip pa kami, idadagdag ko sa listahan. Tapos, gagawin naming graphic novel. Hehe.




Friday, May 01, 2009

Di na natuto

Palanca season na naman. April 30 deadline.

Noong college ako, tradition na namin nila Mr. Coroza na sabay-sabay na magpunta sa Palanca office at magsubmit ng aming entries bandang alas onse medya ng gabi pag April 30. Minsan magkikita muna kami sa bahay niya at magkakatayan bago kami tumuloy. Eventually, naging busy na lahat, kanya-kanyang submit na lang. Minsan nagkikita-kita kami doon.

Ako na lang yata sa amin ang nagsusubmit. Si Terdo, Araw awards na ang kinakana. Si Robster, abala sa paggawa ng jinggle at kanta. Si Roni, ekonomista na. Si Mr. Coroza, nagjujudge na ng Palanca.

6 years ago, nanalo ako, sa wakas.

Panahon na para magtake-two.

Noong mga sumunod na taon, hindi ko masyadong naseryoso ang pagpapasa. Lagi akong inaabutan ng deadline kaya parating mga lumang gawa ang nasasubmit ko. At parati, pag April 30, alas dose ng hatinggabi ako dumarating sa palanca office para magsubmit. Buzzer beater na naman.

So last year, sabi ko sa sarili ko, magpapasa ako ng bagong play. Matagal nang idea yung Kapeng Barako Club. May tatlong taon na siguro. Sinimulan kong isulat. April 30 ng umaga, wala pa rin akong nasusulat. Naghanap na lang ako ng lumang play, nirevise ko ng konti. Print. Submit. Dumating ako, 12:30am na. 30 minutes late ako. Nakiusap ako. Sa awa ng Diyos, dahil bagong lipat ang office nila at maraming naligaw, inextend nila ang deadline for a week.

Pagkapasa ko, sabi ko sa sarili ko, okay lang na di ko natapos yung Kapeng Barako Club. Meron akong isang taon para sulatin yon.

Isang taon ang nakalipas.

Di ko pa rin tapos ang hinayupak na play. Sinimulan ko noong isang araw. Kinopya ko yung mga snippets sa blog ko at sinubukan kong lagyan ng sense. Sakit sa ulo. After writing 3 scenes, may ibang play na pumasok sa utak ko. Di ko napigilan ang sarili ko, kaya sinulat ko na rin. Nakatapos ako ng isang one-act play. "Riles" ang title (pero di ako masaya sa title, papalitan ko na lang pag nanalo na). Noon matapos ko yung one-act play, binalikan ko yung kapeng barako club. Shet. April 30 na.

Habang nagco-countdown ako bago mag-alas dose, piniga ko ang utak ko sa pagsusulat.

Alas dos ng hapon, nakatulog ako.

Alas singko na ako nagising.

Shet. Isang act pa lang nasusulat ko. Ligo muna para magising ang utak.

Alas diyes ng gabi. Natapos ko ang play ko na isang taon ko dapat susulatin. Tinawagan ako ng gf ko. Walang tinta ang printer niya. Walang tinta ang printer ko. Walang tinta ang printer ni Marlowe. Pakshet. Takbo kami sa tapat ng JRU. Buti may bukas na computer shop.

Ang haba pala ng play ko. Halos 60 pages. Times 3 copies. Wala pa silang photocopy machine. Tawag ako kay Czyka na kakasubmit lang. May xerox sa palanca. Bahala na. Doon na ako magpapaphotocopy.

Dumating kami sa Palanca 11:55 at wala pa akong makuhang parking. Nakipagdiskusyon pa ako sa guwardiya na 5 minutes lang ser! Malelate ako sa Palanca!

Naawa ang Diyos, may bakanteng parking bigla. Takbo kami pataas. Sakto alas dose. Submit.

Doon na ako nagpaphotocopy. Shet anlaki ng ginastos ko.

Pakshet kang palanca ka pag di kita makuha this year ewan ko na lang.

At least, nakatapos ako ng play. At buti na lang, masarap ang kinain namin ni alex sa whistlestop.

Di na ako natuto. I had one year to write. Bakit kelangang last minute ako lagi magpasa?!

Ang sakit na ng utak ko. Wala akong ginawa maghapon kundi makipag-usap sa mga karakter ko.

Matutulog na ako. Bukas, sana paggising ko, maganda pa rin yung play.

Tuesday, April 14, 2009

Top X Reasons bakit kelangan magfilm school

May camera naman ako. Point and shoot na lang di ba? Gagastos pa ako ng pag-aaral e pwede ko namang kapain. Bakit pa ako mag-aaral sa film school?

Iho, lagi ka na lang nagrereklamo kung gaano kapangit ang mga palabas sa TV ngayon. Feeling mo ikaw ang messiah ng Philippine TV and Film Industry. Pero ayaw mo mag-aral? Eto ang sampung dahilan kung bakit kelangan mong mag-aral:

1. Ang pelikula ay art na may grammar. Kung di ka nag-aral ng grammar, para kang barok magkwento sa pelikula. Gamit ka nang gamit ng fade to black hindi mo naman alam ang ibig sabihin.

2. Hindi naman nag-aral ng Film si Orson Welles ah?! Bakit si Lino Brocka at Ishmael Bernal? Si Lino, nag-apprentice ng ilang taon. Si Ishma, nag-aral sa India. Kung ayaw mo talagang mag-film school, mag-apprentice ka sa isang Master for 10 years. yun, pwedeng substitute. Sa panahon ngayon, kaninong master ka mag-aapprentice?

3. Kailangan mo ng mga kaklaseng tutulong sayo pag gumagawa ka na ng pelikula. Yung nagkakaintindihan kayo. Hindi mo kayang gumawa ng pelikula mag-isa.

4. Nagbabago ang technology. Magpapalit ang mga kamera, hardware at software. Ang technique permanente. Hindi maibibigay sa iyo ng technology ang technique.

5. Kelangan mo ng teacher na magsasabi sayong pangit ang gawa mo. (At di ba, mas fulfulling kung may karapatan ang teacher na nagsabi sayong maganda ang gawa mo?)

6. Lahat ng art, kelangan ng disiplina. Di mo makukuha ang disiplina sa internet.

7. Lahat ng art, kelangan ng praktis. Magpapraktis ka sa bahay ng shooting protocols kasama ang mga stuffed toy mo? (o kaya ang katulong ninyo?)

8. Mas magastos ang trial and error kaysa sa mag-enrol at matutunan ang tama.

9. Masyadong mahal gawin ang pelikula para lang panoorin mong mag-isa. Kelangan mong malaman kung paano ito ibebenta, ididistribute, ipapackage, imamarket...kelangan mo ng know-how at network.

10. Pag sa film school ka magkamali, may magtatama sa iyo. Pag sa labas ka nagkamali agad, hindi ka patatawarin ng audience mo.

Ang tanong ngayon, saan ako mag-aaral ng film?

DITO:



Extended ang application at enrollment hanggang APRIL 30! Dali!!!