Pula ang Sapatos
dula ni Juan Ekis
MGA TAUHAN
DOMENG. Lalaking may 35-40 anyos. Nakakalbo o kalbo na.
JOEY. Binata. Mga 25.
JANICE. 20 anyos. Maputi. Reddish-brown ang buhok. Pula ang sapatos.
TAGPO
Sa lobby ng hotel. May isang grand piano na nakabukas sa gitna ng lobby. Nakaupo sa isang mahabang sofa sina Domeng at Joey. Naka-shades at naka-amerikana ang dalawa. Pareho silang may hinihintay.
Titignan ni Joey ang kanyang relo.
JOEY Matagal pa kaya?
DOMENG Hintay lang.
JOEY Paano kung Moonlight Sonata?
DOMENG (Matatawa) Pwede ba, relax ka lang?
Tahimik.
JOEY Lolo ko ang nagturo sa aking magpiano. Blue Danube. Yung Blue Danube ang tinuro niya.
Sisipulin ni Domeng ang Blue Danube.
JOEY Astig nga e. Domeng din pangalan ng Lolo ko.
DOMENG Talaga?
JOEY Oo. Pero marami siyang buhok—puti.
DOMENG Bata pa ako para maging Lolo.
Tahimik.
JOEY Marunong ka bang mag-piano?
DOMENG Hindi.
JOEY Kahit anong instrumento?
DOMENG Sipol lang.
JOEY Hindi ako marunong sumipol.
DOMENG Madali lang.
JOEY Hindi ko matutunan.
DOMENG Ibibilog mo lang ang dila mo. Tapos dapat walang lumabas na hangin sa gilid. (Sisipol siya)
JOEY (Gagayahin pero di magagawa) Di ko kaya.
Tahimik.
JOEY Alam ba ng asawa mo?
DOMENG Oo naman.
JOEY Ano’ng sabi niya?
DOMENG Wala naman.
JOEY Wala?
DOMENG Ano ba dapat ang sabihin niya?
JOEY Ewan ko. Hind ba siya nagrereklamo?
DOMENG Trabaho ko ito, alam niya iyon.
Tahimik.
DOMENG May asawa ka ba?
JOEY Girlfriend.
DOMENG Gano na katagal?
JOEY Matagal na rin. Walong taon.
Tahimik.
JOEY College siya noong nakilala ko.
Tahimik.
JOEY Accounting.
Tahimik.
DOMENG Nag-accounting din ako dati.
JOEY Nakapag-college ka?
DOMENG Oo naman.
JOEY Ano’ng ginagawa mo rito.
DOMENG Pareho ng ginagawa mo.
Tahimik.
DOMENG Alam ba ng girlfriend mo’ng trabaho mo?
JOEY Hindi.
DOMENG Kung ako sa iyo, sabihin mo na habang maaga.
JOEY Sira ka ba? E kung isplitan ako nun?
DOMENG At least alam mo kung kaya niyang mabuhay kasama ka.
Tahimik.
JOEY Wala pa ba? Ano’ng oras ba siya dapat dumating?
DOMENG Hintay lang.
Tahimik.
DOMENG Ano ulit ang nakasulat?
Bubuksan ni Joey ang isang brown envelope. May titignan siyang papel.
JOEY Pulang sapatos. May posibilidad na pula rin ang buhok.
DOMENG Yung title?
JOEY Elegie in E Flat Minor ng Cinq Morceaux de Fantasie, Op. 3. Alam mo ba ang tono nun?
DOMENG Oo naman. Rachmaninov yan.
JOEY Sino yun?
DOMENG Basta, sikat na composer.
Itatabi ni Joey ang envelope sa gilid niya. Tahimik.
JOEY (Matatawa) Alam mo, Blue Danube lang ang alam kong tugtugin. Nung namatay ang lolo ko, di na ko ulit tumugtog ng piano.
DOMENG Wala naman kaming piano. Mahal. Ginastos ko na lang ang pera ko sa pagbili ng tapes.
JOEY Tapes?
DOMENG Wala namang CD nung nagsimula akong mangulekta. Pero hanggang ngayon tapes pa rin ako.
JOEY Bakit?
DOMENG Mas reliable ang tapes. Madaling masira ang CD. Madaling magasgasan. Tumatalon pa pag pirated. Ang tape, kung ano tunog ng kinopyahan, ganun din yung kopya.
Tahimik.
DOMENG Pang-ilan mo na ba ito?
JOEY Ito? Pangalawa pa lang.
DOMENG Sino yung isa?
JOEY Yung model. Issa Litton ba ‘yon?
DOMENG Ah. Si Litton. Kamusta?
JOEY Ayoko nang maalala. Nakaraos din kahit papano.
Tahimik.
DOMENG Wala naman akong narinig kina Ricky na masama tungkol sa trinabaho mo a. Magandang balita iyon.
JOEY Pinalusot na nila kahit maraming sabit. First time ko e.
DOMENG Lagi naman nilang pinapatawad ang first time.
Tahimik.
JOEY Kaya ba ikaw ang pinasama sa akin ngayon? Para siguraduhing malinis?
DOMENG Nagkataon lang siguro.
Tahimik.
JOEY Pang-ilan mo na ito?
DOMENG Hindi ko na mabilang. Labing-limang taon na ko dito.
JOEY Matagal na rin pala.
Tahimik.
DOMENG Kung balak mong pakasalan ‘yang girlfriend mo, sabihin mo sa kanya ang totoo.
Tahimik.
JOEY Hindi ako naniniwala sa kasal.
Tahimik.
DOMENG Yung mga gamit, kumpleto na ba?
JOEY Nasa itaas na lahat. Pero may ipapadala pa daw si Ricky.
DOMENG Ano raw?
JOEY Hindi ko nga alam e.
Tahimik.
DOMENG Kinakabahan ka ba?
JOEY Medyo.
DOMENG Sanayan lang iyan.
Matagal na katahimikan.
JOEY Noong maliit ako, takot na takot ako sa dugo. Pag nadapa ako at puro dugo ako sa tuhod, ngumangalngal agad ako. Kaya nga ayaw kong magduktor e.
Tahimik.
JOEY Bukod sa wala akong pampaaral.
Tahimik.
JOEY Pwede kayang tumugtog ng piano? Kanina ko pa gustong tumugtog e.
DOMENG Tumugtog ka.
JOEY Kaya lang baka sumabit pa tayo.
Tahimik. Tatayo si Joey, titingin sa orasan. Huhubarin niya ang kanyang amerikana. Ilalapag niya sa sofa.
JOEY Hindi ka ba naiinitan?
DOMENG Hindi.
Tahimik. Sisipulin ni Domeng ang Moonlight Sonata ni Beethoven. Maglalakad-lakad si Joey at titignan ang mga halaman at painting sa lobby. Palapit siya nang palapit sa piano.
DOMENG Bakit hindi ka tumugtog?
JOEY Nakakahiya. Blue Danube lang ang alam kong tugtugin.
Tahimik. Patuloy si Joey sa pagmamasid sa mga paintings.
JOEY May alam ka ba sa painting?
DOMENG Konti. Yang tinitignan mo, Manansala yan.
JOEY Wow.
Tahimik.
JOEY ‘Yan ba tinuturo sa college?
DOMENG Hindi. May trinabaho ako dati sa isang museum. Sikat na historian. Babae din.
JOEY Puro babae ba binibigay sa’yo?
DOMENG Kadalasan. May lalaki din.
Uupo si Joey sa grand piano. Pipindot ng isang nota.
JOEY Wow. Ang ganda pala ng tunog ng grand piano. Iba sa tunog ng piano sa bahay ng lolo ko.
DOMENG Lalo na pag sa concert hall ka nakinig. Narinig mo na ba si Cecille Licad?
JOEY Sino ‘yon?
DOMENG Basta sikat na pianista. Para siyang sinapian ng kung anong espirito kapag tumutugtog. Dinala ko na ang asawa ko minsan sa concert niya. Paglabas namin ng concert, naiyak ang asawa ko tuwa.
JOEY Ganoon siya kagaling?
DOMENG Kung marinig mo siya, gugustuhin mong mag-aral ng piano.
Tahimik.
DOMENG Kung nakapag-aral siguro ako ng piano—
JOEY Hindi mo sana ginagawa ito?
DOMENG Araw-araw kong tutugtugan ang asawa ko.
Tahimik. May lalabas na isang babae sa gawing kanan kung nasaan ang elevator—ito si Janice. Titigil siya sa gitna, titingin sa relo. Uupo sa tabi ni Domeng. Maglalabas siya ng magazine at magbabasa.
Matataranta si Joey. Titignan niya si Domeng. Kalmado lang si Domeng. Titingin si Domeng sa relo. Pandidilatan ng mata ni Domeng si Joey. Hindi malaman ni Joey ang gagawin.
Tutugtugin ni Joey ang Blue Danube. Yung arrangement na pang-beginner.
Titignan ni Domeng si Janice.
DOMENG Ang sama ng tugtog ano?
JANICE Ayos lang.
Tahimik.
DOMENG Wala na ba silang ibang makuhang tutugtog dito? Pambihirang hotel.
Ngingiti lang si Janice.
DOMENG Ang ganda naman ng sapatos mo. Mahilig ang asawa ko sa pulang sapatos e. Saan mo nabili iyan?
JANICE Talaga? (Ngingiti) May shop sa 25th floor. Pwede mong i-charge sa kuwarto mo.
DOMENG Ah talaga? Dadalhin ko siya doon mamaya.
Tahimik.
DOMENG Diyos ko, kailan kaya siya matatapos tumugtog. Parusa ito!
Matatawa si Janice.
JANICE Marunong ho kayong mag-piano?
DOMENG Nagtuturo ako dati sa conservatory.
JANICE Talaga? Saan po?
DOMENG UST.
JANICE Dati?
DOMENG Nagshift ako ng career.
JANICE Ano na pong ginagawa ninyo?
DOMENG Supervisor.
JANICE Ng...?
DOMENG (Matatawa) Maraming bagay.
JANICE Naka-check-in kayo dito?
DOMENG Yes. I’m just waiting for my wife. We have a dinner to attend.
Tahimik.
DOMENG Dito ka rin?
JANICE Opo. Bakasyon lang.
DOMENG What do you do?
JANICE I’m in between jobs. (Ngiti)
DOMENG Waiting for someone?
JANICE No. Just wanted to listen to the music.
DOMENG Unfortunately, maling performer ang inabutan mo.
JANICE (Matatawa) Oo nga.
Matatapos si Joey sa pagtugtog.
DOMENG Natapos din.
Uupo si Joey sa tabi ni Janice. Mapapagitnaan si Janice ng dalawa.
Tahimik.
JOEY (Kay Janice) We’re you waiting for me to finish?
JANICE (Mangingiti) Actually.
JOEY Go ahead, play. Sinubukan ko lang.
JANICE No thanks. Hinintay ka lang naming matapos. (matatawa)
JOEY Oh. I was that bad?
JANICE U-huh.
Tahimik.
JOEY By the way, I’m Joey.
JANICE Janice.
Magkakamay sila.
JOEY You have the hands of a pianist.
JANICE Talaga? Pa’no mo nasabi?
JOEY Malambot ang kamay mo. Long fingers. Pareho kay Cecille Licad.
JANICE Wow. Thanks! Pero I don’t play the piano.
JOEY Are you sure?
JANICE Quite. (Ngingiti)
Patuloy sa pagbabasa si Janice. Tatayo ulit si Joey at maglalakad-lakad. Titignan niya ang kanyang relo.
Maya-maya lalapit siya sa sofa. Titignan niya sa mata si Janice. Tititigan lang siya nito at ngingitian. Dadamputin ni Joey ang Amerikana niya. Isusuot niya ito.
JOEY Malamig.
Uupo ulit siya sa tabi ni Janice.
JOEY May hinihintay ka?
Ngingiti lang si Janice.
JOEY Sorry. Nosey na ba ako masyado?
JANICE (Ngiti) Medyo lang.
Tahimik.
JOEY I like your shoes.
Titignan siya ni Janice nang masama.
JOEY I mean—
Tahimik.
JOEY Saan mo nabili? Mahilig girlfriend ko sa pulang sapatos e.
JANICE May shop sa 25th floor.
JOEY Talaga?
Tahimik.
Tatayo si Domeng.
DOMENG (Kay Janice) Would you know kung saan ang banyo dito?
JANICE End of the hall, to the right.
DOMENG Salamat.
Lalabas si Domeng sa kanan.
Matagal na katahimikan.
JOEY Wala bang tumutugtog sa hotel na’to?
JANICE Ikaw. Kanina.
JOEY Naglalaro lang ako.
JANICE Usually pag gabi may tumutugtog diyan. Dapat ganitong oras, meron na. Tugtog ka muna if you want. Wala pa naman yung performer for tonight e.
JOEY Okay na ako.
Tahimik.
JOEY Matagal pa kaya yung performer?
JANICE Hintay ka lang. Nagtitipid ka ba?
JOEY Ha?
JANICE Sa hotel lobby ka nanonood ng performance.
JOEY Ah hindi. Di lang ako makatulog kaya ako bumaba sa kuwarto ko. I was hoping na may tumutugtog.
Tahimik.
JOEY You stay here?
JANICE I work here. Accountant ako ng hotel. Actually, just came from a meeting.
JOEY Wow.
Mahabang katahimikan.
JOEY Nagdinner ka na?
JANICE Waiting for my date.
JOEY Oh.
Tahimik.
Titingin si Janice sa relo niya.
JOEY I really like your shoes.
JANICE Last pair na sila.
Tahimik.
JOEY Sayang. I really wanted to get one for my girlfriend. She loves red.
JANICE Talaga? Red is nice.
JOEY Yes. It is.
Tahimik.
JOEY Mahilig ang may-ari ng hotel kay Manansala no?
JANICE Huh?
JOEY (Referring to a painting) That’s a Manansala, you see?
JANICE Talaga? You know a lot of painters?
JOEY May ilan.
Tahimik.
JANICE You like art?
JOEY Not particularly.
Matagal na katahimikan.
JANICE Would you like me to tell you a secret?
Maiintriga si Joey. Mapapangiti.
JOEY Sure.
JANICE That painting is not a Manansala. That’s an Alcantara.
JOEY Alcantara?
JANICE Vincent Alcantara.
JOEY Sino ‘yun?
JANICE Basta sikat na painter sa Cainta.
JOEY Mukha kasi siyang Manansala.
Ngingiti lang si Janice. Matagal na katahimikan.
JOEY Bagay sa’yo ang buhok mo.
JANICE Talaga? Thanks.
JOEY Is that brown or red?
Matatawa si Janice.
JOEY Bakit?
JANICE Nauubusan ka na ng masasabi?
Tahimik. Matatawa si Joey.
Babalik si Domeng. Inaayos niya ang kanyang Amerikana. May hawak siyang small package na nakabalot ng white scarf na nakabuhol. Ilalapag niya iyon sa pagitan nila ni Janice. Uupo siya. Titignan ang kanyang relo.
JANICE Hindi na siguro darating yung date ko.
Tahimik.
JANICE (kay Joey) There’s a restaurant at the 25th. Would you like to join me for dinner?
JOEY Sure.
Tatayo si Joey.
JANICE (Kay Domeng) Sir?
DOMENG I’m fine. I’ll wait for my wife.
Ngingiti si Janice. Gaganti ng ngiti si Domeng.
Tatayo si Janice. Dadalhin niya ang white package sa tabi niya.
JANICE (Kay Domeng) See you around!
Ngingiti si Janice. Lalapit sila sa elevator.
JOEY Magkakilala kayo?
JANICE Kanina ko lang siya nakilala. Habang tumutugtog ka. He really hated your playing you know.
Matatawa si Joey. Lalabas ang dalawa papunta sa elevator.
Nakaupo lang si Domeng. Matagal. Titignan niya ang kanyang relo. Tatayo siya. Lalapit siya sa grand piano. Uupo siya rito.
Titignan niya ang keys nang matagal. Maya-maya, tutugtugin niya ang Elegie in E Flat Minor ng Cinq Morceaux de Fantasie, Op. 3. ni Rachmaninov.
Fade out.