Friday, March 06, 2009

Top 5 Gimik para sa mga Lalaking Takot sa Beach


Walang pera pang beach? O nahihiya ka lang ipakita ang six pack mo na pinagsama-sama sa isang keg?

Heto ang ilang mga tips kung ano ang mga pwede mong pagkaabalahan ngayong summer vacation kung nabibilang ka sa mga Lalaking Takot mag-beach.

1. Sun bathing sa bubong. Kung gusto mong magka-tan pero nahihiya kang humiga sa sea side at magbabad sa araw dahil para sa iyo, hindi nagsa-sun bathing ang tunay na lalaki, mag sun-bathing ka at the privacy of your own
home! Umakyat ka sa bubong at tagpiin mo ang mga butas ng yero na tatlong buwan nang pinapaayos sa iyo ng nanay mo. Nag-enjoy ka na sa iyong private sun bathing, nakatulong ka pa sa pamilya mo sa parating na panahon ng tag-ulan. At dahil yero ang tutuntungan mo, isa itong napakalakas na reflector ng sinag ng araw kung kaya’t tiyak na tustado ka sa loob pa lamang ng 15 minuto! Get the same effect with less the time! Sa sobrang init, tiyak na tunaw lahat ng taba mo dahil tatagaktak ang pawis mo. Pagbaba mo ng bubong, ang keg mo ay tiyak na six pack na!

2. Sand Castle trip. Para sa mga mahilig magdisenyo ng mga bahay at mahilig magtayo ng sand castle noong maliit pa sila pero nahihiya na ngayong gumawa noon sa beach dahil baka pagtawanan ka ng mga chicks na naka-long sleeves mag sun bathing, huwag kang mag-alala. Narito na ang YoVille at the Sims! Gumawa ka ng facebook account at maglaro ng YoVille o kaya, bumili ng larong the Sims at gumawa ka ng sarili mong bahay, (pati interior, pagbuhusan mo ng creative juices mo!) maki-interact at kumita ng maraming pera! Right at the comfort of your own desktop! Kung gusto mo pa, mag-beach ka na rin sa Sims!

Kung wala ka namang perang pambili ng computer, bili ka na lang ng clay at doon mo ibuhos ang frustration mo sa paggawa ng sand castle. Kung wala ka pa ring pera pang-clay, mag-apply ka ng internship sa panadero doon sa kanto ng kalye ninyo at pagpraktisan mo ang arinang ginagawa niyang pandesal. May trip ka na, may internship ka pa! Hindi mo na kailangang mag-apply ng OJT pag balik mo sa eskwela next semester!


3. Physical exercise. Dahil may butas na daw ang ozone layer, hindi na masyadong healthy ang outdoor sports tulad ng beach volleyball. It is still best pa rin ang manatili sa loob ng bahay ngayong summer. Para sa mga ayaw amining batugan lang silang lumabas ng bahay, pasalamatan ang Nintendo para sa kanilang kagila-gilalas na imbensiyon. Ayon sa mga haka-haka, ang Wii ay inimbento ng isa ring lalaking takot mag-beach. Sa halagang hindi lalampas sa beinte mil, solb na ang sampung summer vacation mo with outdoor sports played inside your living room. Pwede mo pang hatakin ang iba mo pang barkadang takot mag-beach para maglaro ng tennis, baseball, and kung gusto ninyo ng pangmaramihan, ang classic na Mario! Huwag lang kayong magtabi-tabi habang naglalaro at baka magkasakitan kayo.

4. Swimming! Hindi makukumpleto ang summer kung walang swimming. Pero paano kung isa ka sa mga Lalaking ayaw mag-share ng kanilang keg ab? Huwag mag-atubili at balikan lamang ang isang kaligayahang matagal mo nang natuklasan noong bata ka pero ewan mo kung bakit hindi mo na ginagawa--ang magtampisaw sa batya! Ilabas ang batya ni Inday, buksan ang gripo at padaluyin ang malamig na tubig lababo. Babaran ng Perla sa ilalim para magkaroon ng bula (o di ba? May bath foam ka pa!). Gaganda pa ang kutis mo dahil Perla na sabong panlaba ang skin conditioner mo!

Magtawag ng kabarkada. Yayain sa batya. Ika nga nila, save water, shower with a friend. At tutal, dahil nahihiya kang maghubad dahil ayaw mong makumpara ang six-pack mo sa six-pack ng iba, ituluy-tuloy mo na! Tutal nasa batya ka na rin lang, ituluy-tuloy mo na ang ligo mo sa paglalaba! Nakatulong ka pa kay Inday!

5. Mag beach ka na lang kaya? Okay, hindi ka makatiis? Lahat ng barkada at pamilya mo ay magbibeach sumama ka man o hindi? Magpapatalo ka? Kung hindi ubra sa iyo ang lahat ng ipinayo ko sa itaas, wala ka nang choice kundi ihanda ang iyong mga pandesal. Kung napilitan kang makipagsabayan sa mga katropa mong nagtitinda ng pandesal habang nagsasun-bathing pero isang monay lang ang dala-dala mo, dalawa lang ang maaari mong gawin: a) gawing pandesal ang iyong monay, o b) panindigan mo ang iyong package. Sa totoo lang, hindi na uso ang six-pack ngayon! Ang hanap ng mga babae ay ang marunong ng karinyo. Sino pa ba ang expert dun kundi ikaw na may sangkatutak na love handles? Kaya nga tinawag na love handles yan para i-handle! If you have it, flaunt it! Huwag ikahiya! Ang malaking tiyan ang marka ng isang tunay na lalaki! Ano ngayon kung malakas kang mamulutan? Ano ngayon kung mataas ang alcoholic tolerance mo? Ano ngayon kung mahilig ka sa maluwag na dark-colored shirts? Misteryoso ka lang at consevative kamo! Yan ang hinahabol ngayon. Pero kung trip mo pa rin ang option a, lakarin mo mula bahay mo hanggang beach, pagdating mo dun, may abs ka na.

1 comment: