Thursday, September 18, 2003

ANG KAGILA-GILALAS NA PAKIKIPAGSAPALARAN NI JUAN EKIS SA JAPAN
Part 3


And the saga continues...

DAY 5: sept 16

TIPS in SURVIVING JAPAN

1. ang flush ng kubeta ay nasa gilid ng lababo. baka kung saan mo hanapin, may
bakal na pindutan sa gilid ng lababo.

2. gagana lang ang panghugas ng pwet o bidet kapag umupu ka na sa ass gasket.
pressure sensitive yata ito. pwede mong kontrolin ang water pressure, lakasan
ito para garantisadong malinis at walang natirang, ano'ng tawag dun? burnik ba?

3. wag kang bibili ng iced tea. ang iced tea nila dito, literaly, pinalamig na
tsaa. kaya baka madisappoint ka na lasang damo ang nestea iced tea mo.

4. mahal ang lahat ng bilihin. kung nagtitipid ka, punta ka sa convenience
store at dun ka bumili ng tsibog na pwedeng ipa-microwave. o kaya bili ka na
lang ng cup noodles.

5. para ding pinas. turo-turo ka lang pag me bibilin.

6. hindi nila nilalagyan ng kadena ang mga bike nila dito. at sangkatutak ang
mga bisikleta dito. kung pagod ka na sa kakalakad, pitik ka lang ng isa. 1%
lang ang crime rate dito, kung gusto mong lakihan ng konti, try mo mag-bike.

---------------
hindi ko talaga maalala kung anong nangyari. sobrang halo-halo na ang mga araw
sa utak ko. o dahil puyat lang ako at nakainom?

naaalala ko lang, nanood kami ng pagkapangit-pangit na vietnamese film. sabi
nga nila, ang vietnam daw ay 20 years behind sa kanilang film industry. ang
kanilang da best ay mga tipong lito-lapu films natin nung araw pero talagang
mas naaaliw pa ako sa lito-lapu kesa sa vietnam films. boring sila, at walang
aesthetic distance. lalo na yung Hanoi-12 days and night. tungkol ito sa
vietnam war. fine, perspective naman daw nila pero sobrang walang aesthetic
distance. galit na galit sila sa mga amerikano na hindi na nila naayos ang
direction, ang acting, ang editing, etc. it was really a bad film. pero
suportado sila ng gobyerno nila. sobra. sabi nga namin ni mo, amin na lang yung
pera, mag-aaral kami ng vietnamese at igagawa namin sila ng pelikula nila.

nagpunta pala kami ni mo sa castle ruins ng fukuoka. malayo rin ang nilakad
namin. 1 oras kaming naglalakad. at to our dismay, ang castle ruins na dinatnan
namin ay literally na ruins. dahil walang natira kundi mga tambak ng bato. oo
nga naman, kahoy ang kanilang mga castle. kung nasira ito ng giyera, malamang
sinunog na ito at bato lang ang natira. kung balak mong lakarin mula hotel mo
papunta rito, sinasabi ko sa'yo. not worth it. magbike ka na lang.

sayang di ko nadala ang camera ko sa party. kasi nagkaroon ng party sa gabi
para sa lahat ng delegates. finally, nakakita na ako ng diyosa. dalawa pa.
kasama namin sa table ang anak ni aparna sen--isang astig na filmmaker sa india-
-na gumanap na mrs. iyer sa pelikula (kwento about the movie sa ibaba). tapos,
isa pang artista, nakalimutan ko pangalan pero nasa programme ko. taga sri-
lanka. bumbayish beauty pero grabe, kakalaglag bagang. solb na akong tumitig sa
kanila at makipagngitian at makipagkawayan. yayayain sana namin ni mo na mag-
bar kaso biglang nawala.

kelangan magper-form ng lahat ng mga bisita. alangan namang sumayaw ako. buti
na lang kumanta na lang sina direk laurice at direk maryo ng "dahil sa'yo."
lahat sila natahimik habang kumakanta ang dalawa. iba talaga ang dating ng
pinoy. feeling ko talaga?Asikat ang pinoy sa japan.

bar kami ulit tatlo, ako si mo at si direk maryo. balik kaming morpheus at
nagkwentuhan tungkol sa pelikula, sa plays, sa mga kwentong buhay, pano
nakarating dito, doon. gusto ni direk na magdevelop daw ako ng screenplay para
sa kanya. ayos to. tuluy-tuloy na. pagbalik namin ng japan, sisimulan na namin
nina sarge lacuesta ang script ng next movie ni direk marilou. tapos, eto pa si
direk maryo, nanghihingi ng materyal. wag lang sana akong maubusang ng
inspirasyon.

naaliw sa amin ang may-ari ng morpheus. kasi 2nd night na namin doon. naglabas
siya ng tanduay at nakipagtagayan sa amin. sa konti niyang nalalamang inggles,
sinubok niyang makipagchikahan sa amin.

hirap kaming umuwi. muntik na kaming maligaw. hindi dahil sa nakakalito ang mga
daan ngunit dahil sa pare-pareho nang malakas ang aming mga tama...tama na
nga...

DAY 6: Sept 17, ngayon.

dinala kami ng mga organizers sa fukuoka city public library para makita ang
film archive. sa film archive tinatago ang mga film na na-acquire ng library
all over asia. dito nila ito pini-preserve, sa loob ng isang malamig na vault.
marami na ring pelikulang pinoy ang na-acquire ng library. buti nga sila, na-
archive ang karamihan sa mga pelikula nina lino brocka, ishmael bernal, manuel
conde, bert avellana at iba pang national artists. sa pinas kaya, naitago nila
ang mga films na iyon?

high tech ang library. mga tsong, gusto ko talagang umiyak at ayoko nang umuwi.
pwedeng dito na lang ako tumira sa loob ng 2 taon at wala akong gagawin kundi
manood ng pelikula. maraming mga cubicles. bawat isa ay pwedeng solo,
dalawahan, limahan, etc. pwede kayong manood ng pelikula, in video siyempre.
sangkatutak na pelikula ang mayroon sila lalo na ang mga asian films. lahat ng
importanteng pelikula, nasa kanila. sabi ko nga, mag-stay ka lang siguro ng
ilang linggo rito, film expert ka na.

ang buong library, isang napakagandang artwork. mula exterior, interior,
hardware, software, astig! eto ang marriage ng art and technology. dinala kami
sa loob ng projection room. mayroon doong computer na gumagawa ng subtitles ng
mga pelikula para di mo na kailangang i-burn sa film ang subtitles. using this
system, malalagyan ng subtitles ang mga lumang pelikula without having to
damage the film itself.

ang ganda ng theater sa library. panis ang mycinema sa greenbelt.

pinanood namin ang carmen returns home ng japan--ang una nilang colored movie.
okey siya. pero dahil puyat kami, kalahati lang yata ang naintindihan ko.
nahihilo ako sa panonood.

nakakaiyak talaga dito. bakit? nasa probinsiya pa lang kami, wala pa sa tokyo,
pero parang sobrang ganda ng lugar. sabi nga ni direk, i dont mind paying taxes
kung dito naman napupunta. bawat kantong tignan mo, may sculpture, may artwork.
artists talaga ang mga hapon. ang mga kalye, kumpleto sa signs at sa markers
para sa mga disabled at sa mga bulag. walang polusyon. tahimik. conducive
talaga sa art...ayoko nang umuwi.

kung magagawi kayo sa fukuoka, wag nyong mamimiss ang library. hindi pa naman
ako well travelled pero so far, ito na ang pinaka-high tech na library na
nakita ko. pano na kaya sa tokyo?

nanood kami ng indian film na mr and mrs iyer. astig ang pelikulang ito ni
aparna sen. isa siyang henyo. nakakainlove. kundi ako nagkamali, pinalabas ito
sa cinemanila nito lang nakaraang buwan. gusto kong maiyak sa pelikula. lately,
nagiging iyakin ako. istorya ito ng isang Hindu na may asawa na na nainlove sa
isang Muslim. Bawal na pag-ibig ba. pero ang malupit nito, walang nagyari sa
kanila pero maraming nangyari. ang tindi lang ng tensiyon. Ni hindi sila
nagkiss. parang in the mood for love ni wong kar-wai.

pagkatapos, actually, tapos na dapat ang gabi ko. kaso, may show pa si direk
laurice ng american adobo. nakiusap siya na videohan ko raw siya sa Q&A.grabe
talaga ang pagtanggap ng audience sa Filipino films. maraming nagtanong at
nagcomment sa pelikula. maraming naka-relate at nakagusto. May isa pa ngang
journalist na sobrang natuwa, binigyan ng regalo sina direk marilou at direk
laurice. mga simpleng tao, simpleng mamamayan, mga banyaga, pero nasasapul ng
pinoy story-telling. marami akong natututunan sa paraan ng pagkukwento at sa
kung paano nakikita ng mga banyaga ang paraan natin ng pagkukwento.

pagkatapos ng Q&A, nagkwentuhan muna kami ni direk laurice tungkol sa proseso
niya ng paggawa ng american adobo. hanep dahil 20 days lang niya ito kinunan sa
states. 12 hours a day at talaga daw sinusunod nila ang union rules sa america.
kami sa moral2, we7d shoot minsan for 20 hours, hintayan, puyatan. tapos,
nagkwento rin si direk tungkol sa susunod niyang pelikula. interesting malaman
ang perspective ng direktor lalo na sa pakikipag-usap sa producer. medyo
hinahanda na ako sa dapat kong harapin. may kutob akong ito ang magiging
malaking problema ko sa hinaharap--ang producer. parang mas gugustuhin ko na
lang maging indipendent filmmaker. kaso nga lang, maghihirap ako. kaya
kailangan ko talagang mag-asawa ng mayaman.

baka di na ko mag-bar mamya. ako na lang mag-isa ang buhay sa aming lahat.
pagod na ang tatlong direktor at mukhang me sakit pa ang room mate ko. lumabas
lang ako ng hotel para magkuwento. siguro maglalakad-lakad ako sa mga kalye
para makapagsulat ng bagong tula o ng bagong play. pinipilit kong tumula sa
hotel, wala akong masulat. siguro sa kalye, marami akong mapupulot.

salamat sa pakikinig. aalis kami sa biyernes ng umaga papuntang tokyo so baka
hindi agad ako maka-email. salamat sa pagbabasa. kahit papano, alam kong may
kausap ako sa kabilang linya...

try kong magkwento bukas.

x

1 comment:

  1. welcome to the wow power leveling cheap wow power leveling service site, buy cheap wow gold,wotlk gold,world of warcraft power leveling buy wow gold

    ReplyDelete